KABANATA 5: SI GORIO ATBPA

304 7 2
                                    

"NASAAN na kaya ang mga unggoy?" tanong ni Kiko nang makarating ang grupo sa Parks and Wildlife.

Kanina pa paikut-ikot ang apat sa mga kulungan ng hayop pero wala silang makitang gorilya o anumang hindi pangkaraniwang tsonggo. Karamihan ay loro, agila at mynah bird. Meron ding sawa, maliit na buwaya, usa at ilang hayop mula sa Palawan. Dito nga kasi dinadala ang mga nakukumpiskang hayop ng awtoridad mula sa mga pet shops at illegal wildlife traders.

"Pangit!" narinig nilang tawag sa kanila ng matining na tinig. Biglang napahinto sa paglalakad ang grupo.

"Hello! Pangit, anong problema mo?" sabi uli ng boses pero ngayo'y marami at sunud-sunod na ang mga iyon. Mayroon pa ngang sumisipol. At lahat ay nagmumula sa loob ng kulungan.

Sabay na nagkatawanan ang B1 Gang nang matanto nilang mga ibong kiao pala ang tumatawag sa kanila.

"Boging, kilala ka na pala rito," tukso ni Jo sa katabi. "Tinatawag ka nila o."

"Hoy, mga makukulit na ibon!" kunwa'y galit na sabi ni taba na nakaduro pa ang kanang hintuturo. "Magsitahimik nga kayo. Kanina pa 'ko ginugutom. Baka hindi ako makapagpigil e i-prito ko kayong lahat."

"Aba, dapat kang magpigil dahil makukulong ka pag ginawa mo 'yon," sita ng isang matangkad na lalaki mula sa kanilang likuran. 

Biglang napapihit ang apat.

"H-Ho? A, e n-nagbibiro lang ho ako. 'Di ba, guys?" bawi ni Boging. Agad na nagtanguan sina Gino, Jo at Kiko.

Napatawa ang lalaki nang makitang medyo nagitla ang mga kabataan. "Ako rin. Nagbibiro lang."

Nakahinga nang maluwag si taba sa narinig. Nang makabawi sa pagkagulat ang grupo ay nagtanong si Kiko. "Dito ho ba kayo nagtatrabaho?"

"Veterinarian ako rito," nakangiting tango niyon.

"Talaga ho?" hindi makapaniwalang bulalas ni Boging. "Hindi kayo kumakain ng karne? Puro gulay lang? Paano n'yo natitiis na hindi man lang tumikim ng tinola, inihaw na isda o kare-kare? Ang sasarap no'n a!"

"Ngiii!" nakangiwing sabi ni Jo. "Puwede ba, tabatsoy, maglinis ka ng tainga. Veterinarian siya, doktor ng mga hayop, hindi vegetarian!"

"Aaah... sorry, ho," ani Boging na kakamut-kamot ng batok. "Gutom na nga yata ako. Kung anu-ano na ang nadidinig ko eh."

"Kanina ko pa nga kayo napansing paikut-ikot.  Ano bang hinahanap n'yo?" tanong ng beterinaryo.

"A... kasi ho... hindi naman kasi namin tiyak pero... baka kasi ho narito..," putul-putol na sagot ni Kiko.

Si Gino na ang nagsalita para sa grupo. Ipinakilala nito ang sarili at ang barkada. Sinabi na rin nitong anak sila ni Jo ng tanyag na kolumnistang si Mike Rodrigo.

"Aba, fan ako ng tatay n'yo! Ako nga pala si Steven at palagay ko'y alam ko na kung anong hinahanap n'yo," sabi niyon na kumindat pa.

"Nandito ho ang mga unggoy?" hindi napigilang bulalas ni Kiko.

Tumango si Dr. Steven. "Nasa loob si Gorio."

"Sino po?" takang tanong ni Gino.

"Gorio ang ibinigay naming pangalan sa maliit na gorilya. Lalaki kasi siya."

"Puwede ba ho namin siyang makita?" Si Kiko uli.

"Oo pero hindi kayo maaaring lumapit. Naka-quarantine pa ang mga unggoy. Tena," yaya ni Dr. Steven na nagpasimulang maglakad.

"Ano hong quarantine?" tanong ni Jo. 

"Nakawalay muna ang mga tsonggo sa ibang hayop, Jo," sagot ni Kiko, "baka may sakit itong dala mula sa abroad at mahawa ang iba."

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon