LUMINGA-LINGA si Gino.
Pilit niyang iniisip kung saan malamang na ikinulong sina Kiko at Boging. Kaunti lamang ang oras niyang mailigtas ang dalawa. Tiyak na babalik ang mga alipores ni Mr. Wong upang kuhanin ang ibang unggoy.
Pahakbang na si Gino nang makita niya ang cell phone ni Mr. Wong sa ibabaw ng kulungan. Nakalimutan ni Mr. Wong ang telepono nito.
Napatigil si Gino. May naisip na paraan upang malaman ang kinaroroonan ng mga kabarkada. Iyon ay kung na kay Kiko pa rin ang beeper nito.
Mabilis na kinuha ni Gino ang telepono. Pagkakuha doon ay muli siyang nagkubli. Nag-dial ang binatilyo. Sumagot ang operator sa kabilang linya. Pabulong na sinabi ni Gino ang pager number ni Kiko at isang inosenteng mensahe: "Nasaan kayo? Message coming from Gino. Miss, puwede po bang dalawang beses n'yong ipadala ang mensahe ko. 'Yung magkasunod?" habol niya sa kausap.
"Opo, baka kasi hindi niya marinig e.... Salamat po," pananapos ni Gino sa tawag. Inilapag ni Gino sa sahig ang telepono.
Agad siyang naghanda. Nag-concentrate siya. Kailangang bale-walain niya ang ingay ng mga hayop sa bodega upang magtagumpay ang kanyang plano.
Wala pang trenta segundo ang nakararaan nang maulinigan ni Gino ang mahinang tunog ng beeper ni Kiko! Sa gawing kaliwa niya iyon nanggaling.
Agad na tumakbo ang binatilyo sa dako ng tunog. Nakinig uli siya. At hindi siya nabigo. Dinig na dinig niyang nagmumula sa loob ng silid na may karatulang 'Taxidermy Laboratory' ang sumunod na tunog ng pager.
Idinikit ni Gino ang tainga sa pinto bago niya iyon binuksan. Mahirap na at baka may ibang tao sa loob. Nang walang marinig si Gino ay maingat niyang binuksan ang pinto.
Tumambad sa mata niya ang beeper ni Kiko na nakapatong sa ibabaw ng baldosang mesa. At sa sahig ay gulat na nakatitig sa kanya sina Kiko at Boging.
Mabilis na isinarang muli ni Gino ang pinto bago niya nilapitan ang mga kaibigan. "Okey ba kayo? Hindi ba kayo sinaktan?" tanong ni Gino habang kinakalagan si Kiko.
"Hindi, hindi,' sagot ni Kiko. "Sinong kasama mo?"
"Si Jo. Pero nasa labas siya. Naghihintay. Nakontak na namin kanina si Kabo Leon. Papunta na siya rito. Pati nga pala si Jessica Soho, darating din."
"Si Jessica Soho? Paano nasama sa kuwento si Jessica?" takang tanong ni Boging. Iyon naman ang kinakalagan ng dalawa.
Nagtaka rin si Kiko. Napatigil sa ginagawa. "Oo nga, Gino. Bakit hindi na lang si Christine Bersola ang tinawagan n'yo. Mas cute 'yon a!" Umandar ang pagkakikay ni Kiko.
Sabay na napatitig sina Gino at Boging kay Kiko. Nakahalata agad ang binatilyo. "Pero okey din naman si Jessica, e. Multi-awardee," bawi agad nito.
"Okey, guys! Let's go. Kailangang makalabas agad tayo. Do'n tayo sa likod dadaan," sabi ni Gino nang tuluyan nang maalis ang pagkakatali ni Boging.
Kinuha ni Kiko ang pager. Pero bago iyon ibinulsa ay tiniyak nitong naka-off iyon. Mahirap na at baka maulit pa ang nangyari kanina.
Unang sumilip sa labas ng silid si Gino. Bigla niya iyong isinara nang makarinig siya ng mga yabag. "Shhh... Inililipat na kasi nila ang mga unggoy," baling niya sa mga katabi.
Hinintay nina Gino na muling makalabas ng bodega ang mga alipores ni Mr. Wong bago sila lumabas sa 'Taxidermy Laboratory.'
Halos nakaliyad ang tatlo sa paghakbang patungo sa bintana sa likuran ng bodega. Ngunit hindi pa sila nakakalayo sa pinanggalingan nang biglang bumukas ang pinto ng opisina.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...