"DOON, Kiko. Do'n sa karinderya ang pinakamagandang anggulo na puwestuhan ng videocam," turo ni Boging nang makarating sila sa harap ng bodega ni Mr. Wong.
Biglang napatingin si Kiko sa kaibigan. Puno ng pagdududa ang mukha niya.
Nakahalata agad si taba. "Tingnan mo, Kiko. Mula sa tindahan e kuhang-kuha ng videocam ang mga tao at sasakyang papasok sa gate ng bodega. Pati plate number ng mga kotse, tiyak na huli natin."
"Oo nga, 'no. Kita pa natin ang buong kalye," hinihimas ang hikaw sa kaliwang tainga na sang-ayon ni Kiko.
"Kayo naman kasi, e. Akala n'yo palaging pagkain ang iniisip ko," naaaping drama ni Boging.
"Totoo naman a!" sagot ni Kiko na nauna nang maglakad patungo sa karinderya.
"Sabagay..," amin ni Boging na humabol sa kasama.
"O, BAKIT ngayon ka lang? Kanina pa lumabas sina Jessica Soho, a," salubong agad ni Gino sa kapatid na palabas ng gate ng PAWB.
"Hinanap ko pa kasi si Dr. Steven, Kuya. Kaya lang wala raw siya ngayon dito," sagot ni Jo.
"Nasabi mo ba ang tungkol sa bodega?"
"Oo, Kuya. Pero bukas na lang daw tayo bumalik. Abalang-abala sila ngayon sa pagkawala nina Gorio. Saka bukas kumpleto ang opisina."
"Hindi mo binanggit ang gorilya ni Mr. Wong?"
"Hindi. Wala naman tayong matibay na pruweba. Sasabihin ko sana kay Ma'am Jessica kaya lang nagmamadali siyang makabalik sa station para ma-i-air daw agad ang tungkol sa press con," sagot ni Jo.
"Pero binigyan niya ako ng card bago siya umalis," habol ni Jo na may dinukot sa bulsa. Ipinakita niya sa kapatid ang calling card ng reporter.
"Ano ba ang nangyari sa loob?" tanong uli ni Gino na inabot pabalik sa dalagita ang binasang tarheta.
"Ayon sa mga pulis, wala silang ideya kung sino ang nagnakaw dahil nakakulong pa ang mga nag-smuggle sa unggoy. At wala rin silang natatanggap na ransom note o tawag man lang mula sa mga dumukot."
"Palagay ko'y hindi kidnapping ang pakay dito. Teka, hindi ba nila nalaman kung sino ang buyer ng mga unggoy? Malamang 'yon ang nagnakaw kina Gorio."
"Naku, hindi raw kilala ng mga Pakistani ang buyer. Sila ang kino-contact. Sa telepono lang daw sila nag-uusap," inis at nakapameywang na sabi ni Jo.
Nagpatuloy ang dalagita. "Nagdeposito daw ng down payment sa kanilang bangko sa Pakistan ang kausap nila. Ang kabuuang bayad ay pag na-deliver nila sina Gorio. At ang instruction sa kanila tatawagan sila kung saan sila magde-deliver kaya lang natiklo nga sila ng Customs."
"Paano raw nagdeposit ang buyer nila?"
"Bank to bank daw. At eto pa, Kuya. Sa Hong Kong nanggaling ang pera kaya mahirap i-trace ang account."
"Hong Kong? E 'di ibig sabihin Instik ang may account no'n?" May kasabikan ang tono ni Gino.
"Akala ko rin nga pero hindi raw, Kuya," pigil ni Jo sa naiisip ng kapatid. "Madalas daw gamitin ang mga bangko sa Hong Kong ng mga taga-ibang bansa."
Nadismaya si Gino. "Sigurista pala ang buyer nila. Mautak na, maingat pa sa transaksiyon," naiiling na puna ng binatilyo.
"Oo nga," sang-ayon ni Jo. "Paano ngayon, Kuya? Punta na tayo sa bodega ni Mr. Wong?"
Tumingin sa relo si Gino. Wala pang alas-nuwebe. "Tawagan muna natin si Kabo Leon. Magbakasakali tayo."
Sumakay ng dyip ang magkapatid papunta sa SM City. Doon sila naghanap ng telepono. Si Gino ang dumayal habang nakatanghod sa tabi si Jo.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...