MATAAS ang konkretong pader na nakapaligid sa isang palapag na bodega.
Wala kahit anong marka sa bakod o sa gusali na magbibigay palatandaan sa klase ng negosyong naroroon. Bukod tangi sa mga naglalakihang kulay pulang titik sa solidong bakal na gate na nagsasaad ng "NO TRESPASSING."
Iyon ang nakita ng dalawa sa address na ibinigay ni Toto.
"Ito na kaya ang bodega ni Mr. Wong?" hindi rin tiyak na sabi ni Jo nang makababa ng sidecar ang dalawa. Malayo sa main road ang sinadya nila.
"Siguro. Wala na namang ibang puwedeng maging bodega ng hayop dito," sagot ni Boging matapos na luminga-linga.
Nag-iisa ang gusali. Puro madadamo at bakanteng lote ang nasa paligid niyon. Sa may tapat ng gate ay may maliit na karinderya. Iyon siguro ang kinakainan ng mga trabahador. Hindi iyon nakalampas sa paningin ni Boging.
"Jo, doon muna tayo maupo sa may kainan," nakaturong mungkahi niyon. Malapad ang ngiti ni taba.
"Pagkain na naman ang nasa isip mo," sita ni Jo.
"Hindi a!" depensa ni Boging. "Kung tatayo lang kasi tayo rito e mabubuko tayong nageespiya. Saka puwede pa tayong magtanung-tanong sa tindera. Maraming napapansin 'yan dito. Saka mabigat na 'tong camera e."
"Hmmm. Tama ka, Bogs," tumangong sang-ayon ni Jo. Muling naglakad ang dalawa nang may naisip na kapilyahan ang dalagita. "Boging, puwede ba 'kong magtanong sa 'yo?" aniya na humawak sa mabintog na braso ng kasama.
"Oo ba...," nakangising sagot ng binatilyo, "basta huwag lang sa Music o sa P.E.; mahina ako sa mga subjects na 'yon e."
"Tange!" napatawang bulalas ni Jo. "Ang itatanong ko e kung paano mo nagagawa 'yon?"
"Ang ano?" takang napalingon sa kasama si Boging.
"'Yung madaling-madali mong naisisingit ang pagkain sa ating mga pagmamanman?"
"In-born talent 'yon, Jo. Kaloob ng Panginoon sa mga piling-piling tao lang," mabilis na sagot ni Boging na umarte pang tila ipinagmamalaki ang katakawan.
Nagtatawanan pa ang dalawa nang maupo sila sa karinderya. Sila pa lamang ang customer.
"Good afternoon ho," bati nila sa tindera bago sila umorder ng maiinom. "Sarado na ho ba 'yang warehouse? Bakit wala yatang nagmemeryenda?" pasimpleng tanong ni Jo sa tindera habang nagbubukas iyon ng dalawang softdrinks.
"Hindi. Mahigpit lang talaga ang may-ari niyan kaya palaging nakasara ang gate. Saka mamaya pa ang break nila. Alas-tres," sagot ng babae.
Sumulyap si Jo sa kanyang relo. "Two-thirty pa lang," bulong niya kay Boging.
"Anong opisina ho ba 'yan? Garment factory ho ba?" tanong ni Boging habang inaabot sa tindera ang mga namamawis sa lamig na bote ng softdrink.
Umiling ang babae. "Exporter 'yan ng mga isda. 'Yung pang-aquarium ba. Kaya hindi sila basta nagpapapasok ng kung sinu-sino dahil baka raw mapeste ang mga isda."
Pagtalikod ng tindera ay nakarinig ang dalawa ng ugong ng sasakyan. Mabilis silang humarap sa gate ng bodega.
May dumating na maliit na pick-up truck. Tumigil ang sasakyan sa harap ng gate at bumusina nang tatlong ulit. Bumukas nang bahagya ang gate. Lumabas ang dalawang guwardiyang naka-asul na uniporme. May nakasukbit na baril sa baywang ang mga guwardiya.
Itinaas ni Jo ang kaliwang braso para sabay niyang nakikita ang gate at ang kanyang relo. Oorasan niya ang pagpasok ng sasakyan.
Lumapit sa nagmamaneho ang isang guwardiya at may hininging papeles. Habang binabasa iyon ng bantay ay umiikot ang kasamang guwardiya nito sa pick-up at sinisilip ang loob ng sasakyan.
Matapos ang masusing inspeksiyon ay saka lamang binuksan ang gate. Kinawayan ng mga guwardiya ang tsuper na maaari na nitong ipasok ang pick-up.
Hindi nagkaroon ng pagkakataon na masilip nina Jo at Boging ang loob ng bakuran ng bodega dahil pagkapasok ng sasakyan ay isinara agad ng mga guwardiya ang solidong gate.
"Almost five minutes," naiiling na bulong ni Jo sa katabi. "Mahigpit pala talaga si Mr. Wong. Nag-iingat siguro."
"O baka may milagrong itinatago," sabi ni Boging na makahulugang kumindat sa dalagita.
"Aaa... 'Yon ba ang kutob mo, Bogs?" sabi ni Jo sa tonong binabale-wala ang sinabi ng katabi.
"E bakit siya ganyang kahigpit?" depensa ni taba.
Humigop muna sa straw si Jo. Tila ayaw niyang patulan ang sinasabi ni Boging. "So? Bawal na ba ang maghigpit sa negosyo?" kibit-balikat niya.
"Pero nakita mo naman, Jo, ang kinilos ng mga guwardiya. Daig pa ang mga Marines sa Fort Bonifacio pag naka-red alert ang kampo."
"O siya. Kung 'yan ba ang akala mo e," ani Jo. Nagpatuloy siya sa pag-inom ng softdrink.
"Anong akala? Malakas talaga ang kutob ko, Jo. May itinatago si Mr. Wong," pilit ni taba.
Dalawang sunod na hikab ang isinagot ni Jo.
Lalong nanggigil si taba. "Teka, bakit ba parang wala kang bilib sa kutob ko?" Hinarap ni taba ang kausap.
"Hindi naman, Bogs. Kaya lang, walang mangyayari sa usapan natin tungkol sa kutob mo. Hindi naman natin mapapatunayan kung tama ka o mali," ani Jo na sinadyang tigasan ang pagbigkas sa salitang 'mali'.
"Anong hindi? Gusto mo pasukin natin 'yang bodega para mapatunayan ko sa 'yong tama ang kutob ko," gigil na gigil na hamon ni taba.
Pilit na pinigil ni Jo ang sarili. Muntik na siyang mapangiti. Mukhang kumakagat sa gimmick niya si tabatsoy.
Iyon naman talaga ang gustong gawin ng dalagita. Ang pasukin ang bodega. Kaso tiyak na hindi papayag si Boging kung sa kanya manggagaling ang mungkahi.
"Sus, puwede ba, Bogs, tigilan mo na 'ko. Kaya lang malakas ang loob mong maghamon kasi hindi tayo papapasukin ng mga guwardiya," gatong pa ni Jo. Tumayo ang dalagita. "Umuwi na lang kaya tayo?"
"At sino ang nagsabing sa gate tayo dadaan?" Tumayo na rin si Boging. Nakapameywang pa iyon.
"E saan?"
"Maghanap tayo ng ibang malulusutan. Para ka namang hindi wildlife detective e!" sermon pa ni taba sa dalagita.
Mabilis na binayaran ni Boging ang kanilang ininom. Isinukbit ang videocam sa balikat at mabilis iyong naglakad patungo sa tagiliran ng bodega. Ni hindi na nga hinintay ang sukli.
"Kita mo nga naman pag sinusuwerte ang tao...," masayang bati ni Jo sa sarili. "Kumagat na si tabatsoy nakalibre pa 'ko sa meryenda."
![](https://img.wattpad.com/cover/130744888-288-k326127.jpg)
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AbenteuerGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...