HINDI MAIPINTA ang mukha ni Kiko habang pinipindot ni Boging ang doorbell ng mga Rodrigo.
Naitawag na nila sa kabarkada ang masamang balita.
Mabilis na lumabas sina Gino at Jo upang salubungin ang dalawa. Bagama't nanghihinayang din ang magkapatid sa nasirang video tape, mas mahalaga pa rin na walang kapahamakang nangyari sa mga kaibigan.
"Sorry, guys," simula ni Kiko habang binubuksan ni Gino ang mababang gate na bakal.
"Okey lang 'yon, Kiko," sagot ni Gino. "Sabi n'yo nga, nagkahabulan na. Buti nga natakasan n'yo pa sila e. Baka kung ano ang ginawa nila sa inyo kung nahuli kayo."
"Oo nga, tsong," sabad ni Jo na inakbayan pa si Kiko kahit na mas matangkad iyon sa kanya. "Ang galing nga ng pagtakas mo e. Para kang submarine!"
"Kaya lang..," nakayukong sagot ni Kiko. Malungkot pa rin ang tinig niyon.
"Para namang ngayon lang tayo nakatikim ng setback, Kiko," alo ni Boging. "Nakakuha lang sila ng isang round. Hindi pa tapos ang boksing."
"Kaya lang tiyak na mag-iiba na sila ng puwesto na pagtitindahan ng ibon. Tapos, nakakahiya pa kay Ms. Alana... Nasaan na nga pala siya?"
"Nasa opisina. Kanina pa naghihintay," sagot ni Jo.
Napangiwi si Kiko. Napahinto sa paglalakad.
Nahulaan ni Gino ang nararamdaman ng kaibigan. "Kiko, hindi lang ikaw ang haharap kay Ms. Alana. Apat tayo. Kung paanong magkakasama tayo sa pagdiriwang, gano'n din tayo sa mga pagkakataong ganito."
"Oo nga, Kiko. Saka anong akala mo, magkabarkada lang tayo sa kasiyahan? Pag may trouble e, 'adios', 'baboo', 'see you next time' na tayo?" sabi ni Boging.
Unti-unting nagliwanag ang mukha ni Kiko sa naririnig na suporta ng barkada.
"At pagkatapos natin dito, bumalik agad tayo sa UP. Baka abutan pa natin 'yong nagtitinda," nanggigigil na sabi ni Jo. Ikinuyom ng dalagita ang kanang kamao at sinusuntuk-suntok ang kaliwang palad. "Basta ako ang unang sasapak sa mamang humabol sa inyo, ha!"
"O, cool ka lang, Jo," awat ni Boging sa katabi. Minasahe pa ni taba ang balikat ni Jo.
Tuluyan nang napangiti si Kiko. Umangat ang mukha ng binatilyo. "Salamat."
"O ano, tayo na sa loob?" yaya ni Gino.
Nilingon nina Jo at Boging si Kiko. Agad namang tumango ang binatilyo.
Nagtuloy ang apat sa tanggapan ni Mang Mike. Nakangiting binati sila ng lalaki at ni Ms. Alana.
"Sorry, Ms. Alana...," sabi ni Kiko sa banyaga.
"I heard the whole story. I'm relieved to know that you lads got away," sagot ni Ms. Alana. "That was some quick thinking you did, Kiko!"
"But I failed in my first assignment."
"Yup, but that's just exactly what it is: one assignment. There will be other missions," matamang nakatingin kay Kiko si Ms. Alana.
"I know how frustrated you feel, Kiko, but you can turn this experience around. Learn from it."
Humarap si Ms. Alana sa buong barkada. "Gang, the illegal wildlife trade is a very profitable and lucrative business. And they don't only sell those animals to be pets. Unfortunately, a lot of Asian traditional medicine use animal parts for their so called 'medicinal value'."
Tumango si Boging. Alam niyon ang ibig sabihin ni Ms. Alana, lalo na sa kanilang may lahing Tsino.
Sa Chinatown nga lamang ay may mga Chinese drugstore at restaurant na nagtitinda ng mga parte ng katawan ng hayop na sinasabing nakagagamot ng hika o ng rayuma o ng ano pa man.
Bawat sakit ay may katumbas na gamot na mula sa katawan ng hayop. Kaya nga lamang, kadalasa'y kasama na sa endangered list ang mga hayop na pinanggagalingan ng sinasabing gamot.
"And these people will not stop poaching animals even if we explain to them the situation. You know why?"
Umiling ang mga kabataan.
"Because they ARE already aware of what's happening to nature. In fact, they are the first to know because they're the ones directly dealing with wildlife. They know the animal population is declining. But the truth is, they simply do not care."
Nagpatuloy si Ms. Alana. "Reading about environmental issues is good BUT knowledge is not enough. You must care! And you must care enough that not doing anything about it is an impossible choice. Caring about the environment and doing something about it ---however small it might seem to you--- are what's needed now. And Mother Nature needs all the help she can get, Gang...."
NAGPAALAM na si Ms. Alana.
Mula sa bahay ng mga Rodrigo ay didiretso na ito sa NAIA. Ngunit bago sumakay sa taksi ang babaeng banyaga ay nangako itong babalik.
At kahit nasa abroad ay patuloy pa rin itong makikipagugnayan sa apat na kabataan. Sa natatanging apat na junior wildlife detectives ng Environment Investigation Agency sa Pilipinas.
Kapapasok pa lamang ng lahat pabalik sa kabahayan nang tumunog ang telepono.
Si Aling Linda ang sumagot. "Mike, para sa 'yo. Efren Enriquez daw. 'Di ba't siya 'yung tinuluyan n'yo sa Marinduque?" sabi nito sa asawa.
"Oo. Bakit kaya?" anito na inaabot ang awditibo.
Nagkatinginan ang barkada. Sariwa pa sa kanilang alaala ang kaso nila ng MASKARA NI LONGINO na naganap sa lalawigan ng Marinduque. Bakit nga kaya napatawag si Mang Efren?
Hindi sila umalis sa salas kung saan kausap ni Mang Mike ang dating kaeskuwela.
Nakita nilang seryoso ang usapan. Nagdilim pa nga ang mukha ni Mang Mike.
"Dad, bakit po?" si Jo ang nagtanong nang ibaba ng ama ang telepono. "May nangyari ba kina Ricky?"
"Wala, iha, pero may masamang nangyayari sa Marinduque. Na-contaminate daw ang mga ilog at ang ibang water source nila. Nagkakasakit daw ang mga hayop at taong nakakainom. Ang kutob nila'y baka raw nagkaroon ng leak ang waste system ng Marcopper."
"Pupunta ka ba sa Marinduque, Mike?" tanong ni Aling Linda. Kilala ng babae ang asawa. Kahit sa isang iglap ay maaaring bumiyahe iyon.
"Kailangan. Sabi ni Efren wala pa raw kahit isang taga-media ang nakakatunog nito. Puwede bang pakiayos ang gamit ko? Itatawag ko lang 'to sa opisina," pakiusap ni Mang Mike sa may-bahay.
Mabilis na tumalima si Aling Linda. Nagtuloy ito sa kuwarto upang isaayos ang gagamitin ng asawa.
Tahimik namang nagkatinginan ang B1 Gang. Nangungusap ang mga mata nila. Ngunit nanatili silang walang kibo.
"O, hindi n'yo ba 'ko kukulitin na isama kayo?" tukso ng mamamahayag sa mga kabataan.
Si Gino ang nagsalita para sa grupo. "Hindi pa puwede, Dad. Hindi pa kami tapos sa mission namin. Nangako kami kay Ms. Alana na magpapadala ng kabuuan ng report niya ukol sa illegal wildlife trading."
Nangiti ang lalaki. Nasiyahan ito dahil may sense of responsibility na ang mga kabataan. "Tama ang desisyon n'yo. Mahirap talaga na sabay-sabay ang kasong hinahawakan. Kadalasa'y walang nalulutas kahit isa pag ganoong sistema ang ginagawa," sagot ng lalaki.
"Dad, okey lang ba sa 'yong hindi kami sumama? Hindi ka ba mahihirapan na mag-isang pumunta sa Marinduque?" nag-aalalang tanong ni Jo sa ama. "Bayaan mo, Dad. Tatapusin agad namin ito para maayos din natin ang problema kina Mang Efren,"
Napakamot ng ulo at lihim na natawa ang lalaki. Mukhang siya pa ngayon ang nagiging assistant ng B1 Gang.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...