"BU-BUWAYA?!" tarantang ulit ng isip ni Boging.
Hindi namalayan ng binatilyo na sa nakabukang bibig na ito humihinga dahil sa matinding pagkagitla.
"A, ibang usapan na 'to," ani Boging. Nag-isip ito ng plano upang mailigtas ang sarili. Kailangang masorpresa nito sina Mr. Wong. Iyon lamang ang pag-asa ng binatilyo.
Tumakbo kaya siya palabas ng kulungan? Tama! Tatakbo siya nang napakabilis kasabay ng paghiyaw nang napakalakas! Kakaripas siya ng takbo sa pinasukan nilang bintana. At tiyak na hindi agad makakakilos ang mga lalaki dahil magugulat ang mga ito sa gagawin niya, naisip ni Boging.
Naghanda si taba. Pumorma ito. Animo sprinter sa starting line na naghihintay ng pagputok ng baril. Itinuon nito ang mga kamay sa sahig ng kulungan at dahan-dahang inangat ang puwit.
On your mark... didiretso siya sa truck at maliksing sasampa sa bakod.
Ready... kung kailangang tumalon siya sa bakod ay gagawin niya.
Get set... kaysa naman lapain siya ng buwaya nang walang kalaban-laban.
Go--- "Stop!" singit ng isip ni Boging. Paano si Jo? Maiiwan sa bodega ang kaibigan. Muling napaupo si Boging. Nabura ang plano ng binatilyo. Hindi niya puwedeng iwan si Jo.
"Plan B...," napabuntunghiningang anito habang nag-iisip ng ibang plano.
Sumuko na lang kaya siya? Oo nga, susuko na lang siya. Tapos, hindi niya sasabihing may kasama siya. Tapos, makakatakas si Jo at hihingi ng saklolo kina Gino at Kiko. Tapos, maililigtas siya ng mga kabarkada. E 'di happy ending!
"Teka, teka!" singit uli ng isip ni Boging. "E kung sa tindi ng galit ni Mr. Wong eh ipakain agad ako sa buwaya o ipatuka sa kobra o kaya'y ipalingkis sa sawa?"
Walang maisagot si Boging. Hindi malayong mangyari iyon. Nakita nito kung paano magalit si Mr. Wong. Parang bulkan na walang control.
Hindi lamang iyon. Wala ring nakakaalam na narito sila ni Jo. Ni hindi nga pala alam nina Gino at Kiko na may bodega ng hayop si Mr. Wong.
Nagtatalo pa ang isip ng binatilyo nang malakas na inilapag ng mga lalaki ang kulungang may buwaya sa harap ng pinagtataguan nito.
"Bahala na," sabi ni Boging sa sarili kasunod ng pag-usal ng maikli ngunit taimtim na dalangin. Inihanda na ni taba ang sarili na sumuko. Palabas na ito nang magsalita uli si Mr. Wong.
"Teka! Iutos n'yo na lang sa iba 'yan. Sayang ang oras. Mas importanteng mapuntahan agad natin 'yung van. Tena!" pag-iiba ng desisyon ni Mr. Wong.
Halos mapasigaw si Boging sa tuwa nang marinig ang sinabi ng lalaki. Nakangiti na si tabatsoy habang sinusundan ng tingin ang hita ng mga lalaki na naglalakad palabas ng bodega.
Nang makalabas sina Mr. Wong ay agad ding lumabas sa taguan si Boging. Luminga ang binatilyo. Saan kaya nagtatago si Jo?
"Jo..., Jo...," mahinang tawag ni Boging. "Puwede ka nang lumabas. Wala na sina Mr. Won---"
Hindi natapos ni Boging ang sinasabi dahil nagulat ito nang nagkukumahog na lumabas si Jo mula sa pinagtataguan. Sinipa ng dalagita ang pinto upang agad na sumara uli iyon.
Napaupo si Jo sa sahig, mahigpit na yapos ang videocam. Dilat na dilat ang mga mata.
Mabilis na lumapit si Boging. Tinulungan nitong makatayo ang dalagita. "Okey ka ba, Jo?"
"O-Oo. Oo," mahinang sagot ni Jo na hindi makapaniwalang ligtas na rin siya.
Nagkatinginan ang dalawa. At sabay na sabay silang nagsalita ng: "Hindi ka maniniwala sa nangyari sa 'kin!"
Nagkatawanan ang magkaibigan. Nang muling umalingawngaw ang tunog ng silbato ng guwardiya.
"Tapos na yata ang breaktime nila, Jo," ani Boging.
"Oo nga. Magbabalikan na ang mga trabahador dito. Kailangang makalabas na tayo," na-alarmang yaya ni Jo.
Mabilis nilang tinungo ang bintanang pinasukan nila kanina. Palusot na si Jo sa bintana nang bigla siyang tumigil.
"Bakit?" takang tanong ng binatilyo.
"May problema, Bogs. 'Yung truck na tinuntungan natin kanina..."
"O ano?"
"Paalis na!"
"Ha!" gitlang bulalas ni Boging. Kung hindi na nakaparada sa tabi ng mataas na bakod ang truck, hindi na sila makakasampa sa pader.
Agad na sumilip si Boging sa bintana. Nakita pa nito ang sasakyan na mabagal na umuusad papunta sa harapan ng bodega, sa may gate.
"Sumakay kaya tayo sa truck, Jo? Magtago tayo sa likod," mungkahi ni Boging.
"Hindi puwede. Mabibisto tayo. 'Di ba't pati loob ng sasakyan iniinspeksiyon ng mga guwardiya?"
"Oo nga pala," talunang amin nito. Nakaligtas nga sa buwaya pero ganoon din pala, sabi ng isip ni taba.
"Ang buwaya!" bulalas ni Boging na may biglang naisip na plano.
"Ang ano?" lingon ni Jo sa katabi.
"Jo, maghintay ka rito. May naisip akong paraan para makalabas tayo."
Tumakbo si Boging patungo sa dakong harapan ng bodega. Doo'y sumilip ito sa bintana. Nakita nito ang truck na nakahinto na sa gate. Iniinspeksiyon nga ng mga guwardiya. Iyon ang hinintay ni Boging. Ang palabasin ang truck.
Napansin din nitong pumapasok na sa compound ang mga tauhan ni Mr. Wong galing sa pagmemeryenda. Patungo sa bodega ang ilang kalalakihan.
"Huwag muna... Huwag muna..." usal ni Boging na ang tinutukoy ay ang pagpasok ng mga trabahador sa bodega.
"Yes!!!" tahimik na bulalas ni taba nang buksan na ng guwardiya ang bakal na gate. Lalabas na ang truck.
Taka namang pinanonood ng dalagita ang kasama. Nakita niyang muling nagtatakbo si Boging pabalik sa isang kulungang pahaba na nasa sahig.
At lalo siyang nagtaka nang maingat na binuksan ni Boging ang pinto ng kulungan at sipain ang tagiliran niyon nang ubod lakas.
Subalit tuluyan nang napakunot-noo si Jo nang kumaripas ng takbo si Boging pabalik sa kinaroroonan niya. Parang hinahabol ito ng pitong demonyo. Sumesenyas pang lumusot na siya sa bintana.
"Bilisan mo!" anito habang palabas si Jo.
Nang makalabas sila ng bodega ay hinawakan ni Boging ang kamay ni Jo. Patakbong hinila nito ang kaibigan patungo sa tagiliran ng bodega.
Biglang tumigil si Boging nang marating nila ang harapan ng bodega. Maingat na sinilip ni Boging ang gate habang patagong nakasandal sa dinding ng bodega.
Hulihan na lamang ng palabas na truck ang nakita nito. Ibinaling nito ang paningin sa mga trabahador. Binubuksan na ng isa ang pinto ng bodega.
"Malapit na, Jo," baling na bulong ni Boging sa nagtataka pa ring katabi.
"Ang ano?" Ngunit isang makapanindig balahibong sigaw ang sumagot sa tanong ni Jo.
"BUWAYA!!! May nakawalang buwaya sa loob!" nagtatakbong hiyaw ng isang trabahador na lumabas ng bodega. Mabilis na isinara niyon ang pinto.
At tulad ng inaasahan ni taba, nagtakbuhang naglapitan ang ibang trabahador sa bintana ng bodega. Nagsiksikan ang mga iyon sa pagsilip sa loob upang makita ang pinakawalang buwaya ni Boging.
Hindi lang iyon, pati siyempre ang dalawang guwardiya ay nakisilip din sa kakaibang pangyayari.
"Baka kainin ang ibang hayop sa loob...!
Hulihin n'yo agad...!
Sino'ng huhuli...?" nagkakagulong sigaw ng mga tauhan ni Mr. Wong na nakasilip sa bintana.
At habang nakatalikod sa gate ang mga iyon, walang nakapansin sa matahimik at mabilis na paglabas ng dalawang kabataan mula sa compound ni Mr. Wong.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...