HINDI PA nakakalayo sina Kiko nang lingunin ng binatilyo ang pinanggalingan.
Nahigit ni Kiko ang hininga nang makitang hinahabol sila ng tindero at ng kasama nito.
Maliksi ang mga lalaki. Mukhang nasa kondisyon ang pangangatawan. Tiyak ni Kiko na aabutan sila ng mga ito kung mananatili sila sa kalye. Habang patuloy sa pagtakbo ay nag-iisip si Kiko. Iginagala ang mga mata.
"Bogs, tumawid tayo! Do'n tayo tumakbo!" Ang vegetable farm ang tinutukoy niya. Muling hinila ni Kiko ang kaibigan patawid sa kalye.
Malakas na bumusina ang isang kotse. Muntik nang mahagip nito sina Kiko at Boging na natatarantang tumawid.
"Bogs, bilis!" sabi ni Kiko sa kasamang humihingal na agad dahil sa bigat ng katawan.
Higit na mas mababa sa kalye ang gulayan. Saka lupa iyon kaya malambot. Naisip ni Kiko na tumalon para mas mabilis siyang makababa. Ang problema, hindi niya nabitawan ang braso ni Boging.
At dahil hindi inaasahan ni taba ang ginawa ni Kiko nawalan ng balanse si Boging. Nagsimula iyong matumba.
"Aaaah!" nagulat na sigaw ni Boging kasunod ng paggulong niyon pababa sa gulayan. Sa may paanan ni Kiko tumigil ang paggulong ni Boging.
Mabilis na tinulungan ni Kiko na makabangon ang kaibigan. "Sorry. Nasaktan ka ba?" tanong agad niya.
Nakangiting umiling si Boging matapos na pakiramdaman ang sarili. Madamong parte ang ginulungan ni taba kaya hindi iyon nasaktan. Nang biglang sumulpot sa dakong itaas ang mga humahabol sa kanila.
"Ayun sila! Sa ibaba!" sigaw ng isang mamang nakaturo sa mga binatilyo.
"Takbo uli, Bogs!" baling ni Kiko sa kasama ngunit hindi na niya iyon kailangang pagsabihan. Nakabuwelo na si Boging at kumakaripas na ng takbo.
Nangilid sa mga nakatanim na petsay ang dalawa. Napansin ni Kiko na puro gulay ang tanim. Ibig sabihin, mababa lamang ang mga halaman kaya wala silang maaaring pagtaguan.
Ang pinakamataas na pananim ay mga cauliflower. Kaya lang uusli pa rin ang malaking puwit ni Boging kahit pa dumapa iyon sa gulayan.
"Hoy! Tumigil kayo!" sigaw uli ng nagtitinda ng ibon.
Nang lumingon si Kiko ay nakita niyang nakababa na rin mula sa kalye ang humahabol sa kanila.
Ngunit nag-short-cut ang mga ito. Tahasang nagtatakbo sa mga pananim. Walang pakundangang tinapakan ang mga kawawang gulay. Sa ginawa, saglit lamang ay nangalahati na ang distansiya ng mga ito mula kina Kiko at Boging.
Malayo pa ang kabilang dulo ng pananiman kung saan mayroon ding kalye. Sa tantiya ni Kiko ay halos kalahating kilometro ang dapat nilang takbuhin upang maabot ang kabilang dulo.
Alam niyang hindi kayang tumakbo ni Boging nang ganoong kalayo. Tiyak na aabutan sila ng mga lalaki. Kailangan nilang makaisip ng strategy.
"Bogs, maghiwalay tayo!" naisip ni Kiko habang patuloy sila sa pagtakbo.
"Ah-anho kha-kamo?" hirap na sabi ni Boging. Lawit na ang dila ni taba sa pagod. Pumapalatak ang pawis sa buong katawan. Basang-basa ang suot na T-shirt.
"'Yon lang ang pag-asa mong makatakas. Ibigay mo sa akin ang bala ng videocam. Tapos maghiwalay tayo para ako ang habulin ng mga mama. Doon na lang tayo magkita sa Red Ribbon sa may Circle," paliwanag ni Kiko.
"Pa-Phaano kho maaalis ang bala? Kkhailangang tu-tumitigil muna tayo," humihingal na sagot ni Boging. Patuloy pa rin sila sa pagtakbo sa pagitan ng mga cauliflower.
"Sige. Basta bilisan mo ang kilos ha, Bogs," sang-ayon ni Kiko na biglang huminto.
Bigla ring tumigil si taba. Pero sanhi ng labis na pagkahapo, nanghihinang napaluhod si Boging sa pagitan ng mga tanim ng cauliflower at kamatis.
Ngunit may presence of mind pa rin si taba. Mabilis na hinubad niyon ang backpack at saka inalis ang tape ng videocam habang nakaluhod.
Nilingon ni Kiko ang mga humahabol. Galit na galit ang tindero. Nakangiwi ang mukha nito sa poot.
Naramdaman ni Kiko na inilalagay ni Boging sa kaliwang kamay niya ang video tape. Inangat ni Kiko ang bala. Tila nanunuyang iwinagayway niya iyon sa mga humahabol upang ipakitang nasa kanya na ang pakay ng mga lalaki.
Nang may biglang sumuot na ideya sa kukote ni Kiko. Palihim na humawak ng may kalakihang bungkos na cauliflower si Kiko. Mas malaki iyon kaysa sa kamao niya. Pasimpleng pinigtal ni Kiko ang bulaklak nang hindi inaalis ang tingin sa mga lalaki.
Ang tindero ang pinili ni Kiko. Naghintay pa ng ilang sandali si Kiko. Nang sa tantiya ng binatilyo na wasto na ang distansiya nila sa mga humahabol ay malakas niyang ibinato ang hawak. Iyong parang pukol ng pitcher sa baseball.
At dahil hindi inaasahan, hindi nakailag ang tindero. Sapol ang mama sa bunganga! Napatigil itong hawak ang pumutok na labi.
"Kiko Martinez, three points!" malakas pang sabi ni Kiko na nakataas ang dalawang braso.
Nakita ni Boging ang ginawa ni Kiko. Luminga-linga rin siya. At napangiti si taba nang masilayan ang mga malalaki at mapupulang kamatis sa dako niya.
Agad siyang pumitas ng dalawang piraso. Iyong bangon ni Boging mula sa pagkaluhod ay tuluy-tuloy niyang inihagis nang buong lakas ang kamatis sa kasama ng tindero.
Hagip sa kanang mata ang mama. Sumabog ang kamatis at nasilam ang lalaki sa katas niyon. Hindi tuloy nito makita ang tinatakbo kaya nagkatisud-tisod ito sa mga pananim. Hanggang sa tuluyang madapa ang loko. Subsob sa lupa. Parang ipinang-araro ang mukha.
Tuwang-tuwa si Boging. Unang hitsa pa lamang, bull's eye na agad. Hindi na niyon kailangang batuhin pa uli ang lalaki. Masasayang lang tuloy ang hawak pa niyong pulang kamatis. Anong sayang?
"Garden fresh 'to a," isip ni taba. Ikinuskos muna ni Boging ang kamatis sa manggas at saka kinagatan ito.
Nagulat pa si Kiko nang malingunan niyang nakangising ngumunguya ang katabi.
"Bogs, takbo na bago sila maka-recover!" paalala niya sa kaibigan.
Mabilis na inubos ni taba nang isang kagatan lamang ang hawak na kamatis bago iyon muling tumakbo.
"Doon ka magpunta sa kanan. Sa may building na 'yon!" habol ni Kiko sa kaibigan. Isinilid ni Kiko ang video tape sa likurang bulsa ng pantalon at saka siya nagtatakbo sa kabilang direksiyon.
Malayu-layo na rin ang natakbo nina Kiko at Boging nang mahimasmasan ang mga lalaki. Sandaling nalito ang mga mama nang makitang magkaibang direksiyon ang tinatahak ng mga binatilyo.
"Iyong isa ang may dala ng tape. Bayaan na natin si taba," utos ng tinderong may namamagang labi.
Nangyari ang inaasahan ni Kiko!
Makakatakas na si Boging. Ngunit may nabuong plano sa isip ng tindero.
"Teka!" pigil nito sa kasamang namumula ang kanang mata. "Mabuti pa bumalik ka sa sasakyan. Gamitin mo para maunahan mo 'yang bata! Ko-kornerin natin siya!"
Nakangising tumalima ang inutusan. Habang tumatakbo pabalik sa sasakyan ay iniisip na nito ang paghihiganting gagawin nila kay Kiko.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...