BAGO marating nina Gino at Jo ang gate ng PAWB ay nakita nilang binubuksan na iyon ng mga pulis. Ngunit kapiraso lamang ang uwang ng pinto. Tamang-tama na makapasok ang isang tao.
"O, reporters lang ang puwedeng pumasok! Iyong walang press ID, sorry na lang," narinig nilang sabi ng pulis na isa-isang iniinspeksiyon ang mga pinakikitang ID cards ng mga pumapasok.
"Jo, dali!" tumatakbong sabi ni Gino. "Baka maiwan ka."
"Ayun si Jessica, Kuya. Papasok na siya!" turo ni Jo sa babaing may kasunod na camera man. Nasa gate na nga ang sikat na reporter. Hindi na tiningnan ng nakabantay na pulis ang ID nito.
"Kuya, paano na ang plano natin?" tanong ni Jo habang pumapasok sa gate si Jessica Soho.
Luminga-linga si Gino. Isa na lamang ang pag-asa nila. "Jo, bilis! Panik!" sabi ni Gino.
Nakuha agad ng dalagita ang ibig sabihin ng kapatid. Mabilis siyang umakyat sa mababang bakod ng parke. Inalalayan siya ni Gino.
Nang makababa si Jo sa kabila ng bakod ay marahang naglakad siya patungo sa kinaroroonan ni Jessica. Kasalukuyang nag-aayos pa ng mga gamit ang reporter at ang kasama niyon.
Ngunit hindi pa nakakailang hakbang si Jo nang may biglang sumigaw sa kanya.
"Hoy! Hindi ka puwedeng pumasok dito!" sita ng matangkad na pulis kay Jo.
Nagtinginan ang ibang pulis kay Jo. Mula sa gilid ng kanyang mata ay dalawa pang alagad ng batas ang nakita ni Jo na kumilos palapit sa kanya.
"Naku! Palalabasin ako pag nagkataon," sabi ni Jo sa sarili. Isa na lamang ang naisip niyang gawin. Nagtatakbo si Jo. Matulin. Papunta kay Jessica Soho na walang kamalay-malay sa gagawin sa kanya ng dalagita.
Agad na humawak sa braso ng reporter si Jo nang makalapit sa nagitlang babae. Mabilis na nagpaliwanag ang humihingal pang dalagita.
"M-Ma'am Jessica, a-anak po ako ni Mike Rodrigo, 'yung c-columnist. School journalist po ako at kino-cover ko ang tungkol kina Gorio. Ayaw kasi akong papasukin ng mga pulis. Tulungan n'yo ho akong maka-attend sa press con. Please po," habol ang hiningang pakiusap ni Jo habang papalapit na ang mga humahabol na pulis.
Iyon ang paraang naisip ni Gino kanina. Ang paki-usapan si Jessica Soho na isama si Jo sa loob. Pero sa nangyari ay hindi sila nagkaroon ng maayos na pagkakataon na pagpaliwanagan ang reporter.
Hindi kumikibo ang babaing reporter. Nakatitig lamang iyon sa mukha ni Jo. Wari'y nagtatalo ang isip at tinitimbang pa ang mga sinabi ng dalagita.
"O, sikat ka na talaga, Ma'am Jessica," nakangiting biro ng isa sa tatlong pulis nang makalapit ang mga ito. "Para ka nang artista na may fan na tumatalon ng bakod para lang makalapit sa 'yo."
"Sa bakod ka dumaan?" gulat na tanong ni Jessica kay Jo.
Tahimik na tumango ang dalagita ngunit nakikiusap pa rin ang mga mapupungay na mata.
Hinarap ni Jessica ang mga pulis. "Sarge, hindi ko ho siya fan..," diretsahang pahayag sa pulis.
Nahigit ni Jo ang hininga sa sinabi ng babae. Patay! Tapos na ang plano nila.
"Pamangkin ko siya, Sarge. Napangakuan ko kasing isama rito dahil gusto rin niyang maging journalist," malambing na sabi ni Jessica Soho sa mga pulis.
"Pamangkin?" gulat na bulalas ng pulis.
"Opo!" biglang singit ni Jo. "Tingnan n'yo po kami. Pareho kaming maganda, 'di ba, ho?" Tumatangong napatawa ang mga pulis.
"E bakit sa bakod ka pa dumaan, iha?" tanong ng isa.
"Naku, alam n'yo naman ang mga bata. Nainip siya kanina sa labas kaya naglakad-lakad. Naiwan tuloy namin," sambot ni Jessica na masuyong inakbayan ang dalagita. "Sarge, okey lang ho bang isama ko siya sa press con. Sagot ko siya."
Sandali lamang nag-isip ang mga pulis. "Basta kayo, Ma'am. Okey sa amin."
"Saka mahirap na. Baka paglaki niyang bata e tirahin kami nang tirahin sa press," dugtong ng isa na napabunghalit ng tawa.
"Salamat ho," sabi ni Jessica sa mga palayong alagad ng batas. Binalingan uli niyon ang katabi. "Ano na nga uli ang pangalan mo, iha?"
"Jo. Jo Rodrigo po," nahihiyang sagot niya. "Pasensiya na kayo. Naging desperado kasi ako kaya ko nagawa 'yon."
Natawa ang malusog na reporter. "Aba, ibig sabihin noo'y mabilis kang mag-isip. You have one of the traits needed to be a good field reporter. Pero dapat lang dahil anak ka kamo ni Mike Rodrigo. May pagmamanahan," puri ni Jessica sa dalagita.
"Thank you, po."
"Pero alam mo ba ang totoong dahilan kung bakit kita tinulungan? Dahil nakita ko sa iyo ang sarili ko noong bata ako," patuloy ng babae nang senyasan sila ng camera man. Magsisimula na ang press con.
"Ano, Jo? Ready ka nang magtrabaho?" nakangiting hamon ng reporter.
"Yes, Tita Jessica!" Sumaludo pang sagot ng dalagita. Ngunit bago tuluyang pumasok si Jo sa gusali ay nilingon niya si Gino. Masayang sinenyasan niya ng 'thumb's up' ang kapatid na nakatanaw mula sa bakod.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...