"KAILANGANG magtago tayo, Jo!"
Mabilis na luminga-linga ang dalagita. Naghahanap ng maaaring pagkublihan. Ngunit wala siyang makita kundi mga hayop, hawla, aquarium, at kulungan.
Kulungan!
Napakaraming kulungan ng hayop!
"Magtago tayo sa loob ng kulungan, Bogs!" senyas ni Jo nang biglang bumukas ang pinto ng bodega.
Sina Mr. Wong!
Parang mga dagang nabulabog na naghanap ng lungga sina Jo at Boging. Sa labis na pagmamadali, nagkahiwalay sila ng taguan. Pumasok na lamang sila sa pinakamalapit na kulungan mula sa kanilang kinaroroonan.
Mabilis na hinaltak ni Jo ang pinto ng mababang kulungang bakal sa kanyang harapan. Patulak niyang ipinasok ang videocam bago siya payukong gumapang papasok sa kulungan. Sa loob ay mabilis na pumihit ang dalagita upang pahilang isara ang pinto ng kulungan.
Si Boging kaya? nag-aalalang isip ni Jo. Tinalasan ni Jo ang pandinig. Wala siyang narinig na sumisigaw na mga kalalakihan. Ibig sabihin, hindi rin nakita nina Mr. Wong si Boging.
Nagpakawala ng malalim na buntunghininga si Jo. Nag-usal ng pasasalamat dahil hindi sila nahuli.
Umayos ng puwesto si Jo. Kaysa nakasquat, naupo siya na para bang nakaupo sa damuhan sa Luneta; ang mga hita ay nasa ilalim niya at nakalawit sa dakong likuran.
Humarap si Jo sa pinto ng kulungan upang matiktikan sina Mr. Wong. Itinuon ni Jo ang kanang kamay sa sahig ng kulungan. Huli na nang maramdaman niyang mamasa-masa pala ang sahig.
Awtomatikong inangat ni Jo ang kamay. Ipinahid niya sa shorts ang kamay at wala sa loob na inamoy iyon. Napangiwi si Jo sa masangsang na amoy. Hindi pa siguro nalilinis ang kulungan. Pero hindi na siya makakapili ng iba. Kailangang tiisin niya ang mabantot na amoy.
Si Boging nama'y agad ding nakapasok sa isang kulungang bakal. Humihingal pa si taba sa nerbiyos nang marinig nito ang tinig ni Mr. Wong.
"Bakit walang nagtatrabaho?" asik ni Mr. Wong sa mga alipores niyon habang naglalakad sa loob ng bodega.
"Break pa, boss," paalalang sagot ng isa.
Pigil ang hiningang sinundan ng mga mata ni Boging ang mga palapit na hita. Iyon lamang ang nakikita ng binatilyo. Hanggang tuhod lang nina Mr. Wong. Nakahinga nang maluwag si taba nang makalampas sa tapat ng pinagtataguan nito ang tatlo.
Sinubukang pakinggan ni Boging ang usapan nina Mr. Wong nang may narinig ang binatilyo ng mahinang sumusutsot sa kanya.
"Sssst..."
Napakunot-noo ang matabang Tsinoy. Parang pamilyar ang sitsit na iyon.
"Sssst... Sssst...."
Mula sa kaliwa nito ang sumusutsot. Sa kabilang kulungan nanggagaling.
"Sssst... Sssst... Sssst...."
Baka si Jo 'yon. Baka may mahalagang sasabihin, naisip ni Boging.
Lumingon si taba. At muntik nang sumabog ang puso ng binatilyo nang matunghayan nito ang sarili na nakikipagtitigan sa mga berdeng mata ng ahas!
Nakataas ang ulo ng ulupong sa kabilang kulungan. Malapad ang leeg habang nakatitig kay Boging at marahang umiindayog na pakaliwa't pakanan.
Kobra! Isang malaking kobra ang sumusutsot kay Boging. At kahit pa nasa kabilang kulungan ang kobra, hindi mapigilan ni Boging ang hindi mangilabot.
Namuo ang malalamig na butil ng pawis sa noo ni Boging. Nilabanan nito ang matinding kagustuhang magtatakbo palabas ng kulungan.
Bumuka ang bibig nito pero gustuhin mang maghihiyaw ni taba ay hindi rin nito magawa. Pati yata boses nito'y umurong na rin sa takot.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...