KABANATA 17 :NEWS FLASH

192 6 0
                                    

"SAAN kayo galing?" salubong agad nina Gino at Kiko sa mga pumapasok sa tarangkahan ng mga Rodrigo.

Pasado ala-singko na nang makauwi sa Singalong sina Jo at Boging.

"Sandali naman, Kuya. Magpapakita muna 'ko kay Mommy," reklamo ni Jo. Pero nakakalokong ngumiti ang dalagita bago ito nagtuloy sa kabahayan.

"Oo nga. Bayaan n'yo namang makabawi kami ng lakas," sambot ni Boging. 'Makakain muna' ang talagang ibig sabihin ni taba.

"Hindi ka makakasubo kahit isa hanggang hindi ka nagsasalita," ani Kiko kay tabatsoy. Mabilis na hinawakan nina Gino at Kiko sa magkabilang braso si Boging. Sapilitan nilang binuhat ang kaibigan sa clubhouse. 

"May pinuntahan kayo ni Jo, 'no?" simula ni Gino habang iniuupo nila si taba.

"May nadiskubre kayo?" dagdag ni Kiko.

"Meron..," sagot ni Boging. "Gusto n'yong malaman?"

Sabay na tumango ang dalawa. Bakas ang labis na kasabikan sa mukha ng mga ito.

"Secret!" pang-aasar ni taba sa malanding tono.

"A, ganoon," ani Gino na kumindat kay Kiko. Mabilis na itinumba ng dalawa ang silyang kinauupuan ni Boging at dinaganan nila ang kawawang Tsinoy.

"Teka muna. Bakit ba atat na atat kayo sa lakad namin ni Jo? Kayo dapat ang magkuwento! Ano'ng nangyari sa sinundan n'yo?" counterattack ni Boging. Nakahiga pa rin ito sa sahig at pilit na isinasalya ang mga kabarkadang nakadagan sa kanya.

Hindi makasagot si Gino. Napakamot ng ulo si Kiko. "Kasi... ano, e...," mabagal na simula ni Kiko.

"Kasi walang nangyari sa lakad nila!" biglang singit ni Jo habang pumapasok ito ng clubhouse.

Napatawa na rin si Kiko habang tumatayo sila ni Gino.  "Medyo... wala nga..."

"Sabi ko na e!" kantiyaw uli ni Jo. "Na-zero kayo, 'no?"

"Hindi a. Meron din naman," sagot ni Gino habang tinutulungan nila ni Kiko na bumangon si Boging.

"Meron daw, tapos wala...," tukso ni Boging sabay lingon kay Jo.

"Ano ba talaga, Kuya?" sabay na sabi nina Jo at Boging na tuwang-tuwa sa panunukso nila.

"Nasundan namin hanggang airport 'yung sasakyan," panimula ni Kiko nang humupa ang tawanan nila. 

"Kaya lang, nagtuloy sila sa North Harbor. Sa malamang, ipinadala nila sa probinsiya 'yung mga ibon," sambot ni Gino. "E kayo?"

"Naku, Kuya. Hindi kayo maniniwala sa nangyari sa amin," sabik na sagot ni Jo.

Halinhinang nagsalita sina Jo at Boging. May kasama pang action ang pagkukuwento ng dalawa habang manghang nakikinig sina Gino at Kiko.

Pero sa pananapos ni Jo tuluyang nagitla ang mga binatilyo. "Narinig kong sabi pa ni Mr. Wong na meron din siyang gorilya. At mamayang gabi raw dadalhin sa bodega!"

"May buyer na kaya siya?" tanong ni Kiko. Nakasimangot ito dahil sa inis na namumuo sa loob.

"Oo. Bukas daw pupunta," sagot ni Jo.

"Kailangang ipaalam agad natin sa Wildlife Bureau ang nadiskubre n'yo para mabawi ang gorilya," sabi ni Gino. "Teka, Jo. Nakuhanan n'yo ba ng video ang mga hayop sa bodega? Mas madadalian tayong kumbinsihin sila kung meron tayong maipapakita."

Malalapad na ngiti ang isinagot nina Jo at Boging kay Gino. 

"Siyempre naman," nagmamalaking sabi ni Jo. "Para namang hindi tayo tinuruan ni Miss Alana ng strategy sa pag-e-expose sa mga illegal wildlife traders."

B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife DetectivesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon