"BOSS, excuse ho," tawag ng lalaki mula sa pinto ng opisina.
"Bakit?" tahimik na tanong ng mga mata ni Mr. Wong. Nakaupo ito sa likuran ng malaking mesa. Sa kabila ng mesa ay nakaupo ang lalaking lulan ng Mercedes Benz kanina.
Singkit din ang bagong dating ngunit hindi ito Tsino kundi Koreano.
"Importante ho," pilit ng lalaki. Sandaling nagpaalam sa bisita ang Tsino.
Tumayo ito at lumabas ng tanggapan. "Ano ba 'yon?"
"May problema," bulong ng lalaki. Ipinakita nito ang videocam na nakumpiska kina Kiko. Pinindot ang play button at pinasilip kay Mr. Wong ang laman ng tape.
Namula ang mukha ng Tsino nang matantong under surveillance sila. "Paano tayo natunton agad ng pulis?"
"Hindi pulis, boss. Mga bata lang."
"Bata?" takang ulit ng Tsino na nakakunot ang noo.
"Dalawang binatilyo Mga estudyante. Nahuli naming nakatambay d'yan sa tapat," sagot ng lalaki na ipinakita ang kinuhang school ID nina Kiko at Boging.
"Bakit daw tayo binabantayan?" tanong uli ni Mr. Wong habang binabasa ang mga I.D. cards.
"Hindi raw nila alam na naka-on ang kamera. Aksidente lang daw na nakunan nila ang gate natin."
"O baka naman totoo?"
Bilang sagot ay inilabas ng lalaki ang beeper ni Kiko. "'Yung huling mensahe, boss, galing sa isang Kabo Leon. Itinatanong kung bakit siya hinahanap at kung saan sila naroon."
Ngayo'y pati tainga ni Mr. Wong ay namula sa galit. "Nasaan ang mga bata?"
"Ikinulong namin sa laboratoryo ng taxidermy, boss."
"Eto lang ba ang ebidensiya nila?"
"Oo, boss."
Sandaling nag-isip ang Tsino. "Sige. Mamaya na natin aregluhin ang mga pakialamerong 'yan. Tatapusin ko lang ang transaksiyon natin kay Mr. Choi. Ang mga unggoy? Nakahanda na ba?"
"Oo, boss. Ready for transport na pati 'yung maliit na gorilya," tumatangong sagot ng lalaki.
"Good. Teka, 'yung van na ginamit n'yo kagabi, nasaan?" bulong ni Mr. Wong sa katabi.
"Nadispatsa na namin, boss."
"Mabuti. Mahirap na't baka may kasabwat ngang pulis ang bata," pananapos nito. Muling pumasok si Mr. Wong sa tanggapan kung saan nakaupo ang buyer nina Gorio.
"NASAAN kaya sila?" tanong ni Gino na hinahanap ang mga kabarkada. Kabababa lamang ng magkapatid sa tricycle na naghatid sa kanila sa bodega ni Mr. Wong.
Takang luminga-linga si Jo. May ilang bata na maingay na nagpapatintero sa kalye ngunit wala kahit anino man lamang nina Kiko at Boging.
"Do'n tayo sa tindahan magtanong, Kuya," mungkahi ni Jo na umaasang hindi na naman napigilan ni Boging ang hindi kumain.
May ilang distansiya pa sila mula sa karinderya nang makilala ng tindera si Jo. Nakasimangot ang babae nang harapin ang magkapatid.
"'Di ba't ikaw 'yong kasama no'ng matabang tsinito kahapon?" bungad nito kay Jo.
"Opo. Nakita n'yo ba siya?" sabik na tanong din ni Jo.
"'Yon nga ang itatanong ko sa 'yo," matalas na sagot ng tindera. "Nasaan na siya?"
Nagkatinginan ang magkapatid. Si Gino ang nagsalita. "Hinahanap din n'yo siya?"
"Kanina pa. Kumain siya rito. May kasama siya. Tapos may ginawa lang ako sa likod. Aba'y nang lumabas ako wala na ang dalawa. Hindi pa sila nagbabayad e," may inis sa tinig na sagot ng babae. "Kayo talagang mga kabataan..."
Nagtaka sina Gino at Jo. Hindi gagawin nina Boging ang hindi magbayad ng kinain.
"A, kasi ako po ang sasagot sa kinain nila. Birthday ko po kasi. Usapan naming magkita rito sa karindeya n'yo bago kami lumakad. Nainip siguro kaya nauna na," pagtatakip ni Gino sa mga kaibigang nawawala habang dinudukot ang pitaka.
"Mga ilang minuto na ho kaya silang nakaalis?" tanong ni Jo sa babae habang sinusuklian nito si Gino.
Nag-isip ang tindera. "May beinte minutos na. Akala ko nga'y may binili lang sa ibang tindahan. Hindi kasi nila naubos ang pagkain nila," sagot ng babae.
Itinuro nito ang dalawang baso ng sago na nangangalahati ang laman at ang platong marami pang kutsinta.
Tuluyan nang kinabahan sina Gino at Jo sa sinabi ng tindera. May masama ngang nangyari kina Boging!
Kilala nila si Boging. Hinding-hindi gagawin nito ang mag-iwan ng pagkain sa plato! Kung may pinuntahan mang madalian ang dalawa'y tiyak na pipilitin ni Boging na isubo lahat o i-take-out man lamang ang natitirang pagkain. At magbabayad ang mga iyon bago umalis.
"Wala ho ba silang kasabay na kumain kanina?" tanong ni Gino na pilit na pinakakalma ang sarili.
"Hmmm... Sila na ang huling kostumer ko," nakangiti nang sagot ng babae na nagkakamot ng baba nang may maalala ito. "Bukod nga pala sa dalawang taga-bodega na nagkape."
"Taga-bodega?" kinutubang tanong ni Jo na wala sa loob na napahawak sa braso ng kapatid.
"Oo. 'Yung mga lalaking katiwala ng may-ari ng bodega."
Matapos magpasalamat ay agad lumayo sa karinderya ang magkapatid. "Kuya,npalagay ko nahuli ng mga lalaki ang ginagawannina Boging at Kiko."
"Palagay ko nga rin."
"Paano ngayon?"
"Kailangang iligtas natin sila," determinadong desisyon ni Gino. "Pero may mga tatawagan muna tayo bago tayo kumilos.mTena, maghanap tayo ng telepono!"
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AdventureGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...