BUMALIK ang grupo sa mga pet stores sa Pasay.
Sasadyain nila si Toto. Kung tutuusin, si Toto na lamang ang kanilang contact. Baka sakaling may malaman silang bago sa binatilyo.
Marami nang tao sa Cartimar nang dumating sila dahil araw ng Sabado. Naglipana ang mga batang hila-hila ang magulang habang palipat-lipat sa mga kulungan ng hayop.
"Dito na muna kayo," bilin ni Gino sa mga kasama. "Ako na lang ang papasok sa shop. Bogs, ikaw na muna ang humawak nitong videocam," anito kasabay ng pag-abot ng kamera sa kaibigan.
Nang makaalis si Gino ay inaliw ng tatlo ang sarili sa panonood sa mga hayop sa katabing pet stores. Kaya lang, pare-pareho ang mga tindang hayop. Mga love birds, kalapati, isda, aso at mayroon pang mga berdeng pagong na kasinglaki lamang ng kanilang relo.
Nang magsawa si Kiko'y naisip niyang tumawid sa kabilang kalye kung saan mayroon ding tindahan ng hayop. Baka sakaling maiba ang paninda roon.
Pero ganoon din ang nakita niya. Tatalikod na sana ang binatilyo upang bumalik sa mga kasama nang may makita siyang nagpabilis sa pagtibok ng kanyang puso. Nandilat ang mga mata ni Kiko.
Dalawang lalaki ang nagsasakay ng mga nakahawlang ibon sa isang sasakyan. Pamilyar kay Kiko ang sasakyang iyon.
Mabilis na nagkubli si Kiko sa likod ng kulungan ng mga tuta. Kunwari'y nilalaru-laro niya ang mga hayop ngunit ang mga mata niya'y lampas sa kulungan ang tingin.
Tinitigan ni Kiko ang sasakyang nakaparada sa may gilid ng isang shop.
"CMA 321. 'Yun nga!" bulalas ni Kiko sa sarili nang mabasa ang plate number. "Kailangang malaman 'to nina Gino," sigaw ng isip ni Kiko kasunod ng halos patakbong lakad pabalik sa mga kasamahan.
Umiiling na lumabas sa Double Happiness Pet Shop si Gino. "Inutusan daw si Toto sa labas pero pabalik na," balita nito kina Jo at Boging. "Si Kiko?" tanong pa nito nang mapansing wala ang kasama.
"Doon siya naglakad," turo ni Boging sa kabilang kalye nang mamataan ang kaibigan. "Eto na pala si Kiko."
Napakunot-noo si Gino nang lingunin ang parating na barkada. Kapuna-punang nagmamadali si Kiko. At bakas sa mukha ng parating ang kasabikan.
"Bogs! Nandito 'yung sasakyan!" balita agad ni Kiko.
"Anong sasakyan?" takang tanong ni Boging.
"'Yung nagtitinda ng ibon sa U.P.!" habol ang hiningang sagot ni Kiko.
"Ha? Nakita ka ba?" nagitlang tanong ni Boging.
"Hindi. Nakapagtago agad ako. Pero may nakita akong nagkakarga ng mga ibon sa sasakyan," ani Kiko.
"Baka papunta sila sa ibang puwesto nila," hula ni Gino. "Tena, mag-espiya tayo."
"Teka, Kuya. Paano si Toto?" pigil ni Jo.
"Mabuti pa ikaw na muna ang maghintay sa kanya," sagot ni Gino sa kapatid.
Nagtaasan ang mga makakapal na kilay ni Jo. Eto na naman po kami. Iiwan na naman ako ng tatlong unggoy, isip ng dalagita.
Nagtaray si Jo. "E bakit hindi 'tong si taba ang maghintay?"
"Kasi hindi niya kilala si Toto," sagot ni Gino.
"Sige na, Jo. Babalik naman kami," dagdag ni Kiko.
Napangibit ang dalagita pero ano pa ba ang magagawa niya? "Sige na nga! Pero pag iniwan n'yo ko rito, sabay-sabay ko kayong sasapakin!" habol ni Jo sa mga binatilyong tumatawid ng kalye.
"Ayun ang sasakyan," bulong ni Kiko sa mga kasama. Nakakubli ang tatlo sa likod ng mga kulungan. Dalawang tindahan pa ang layo nila sa sasakyan.
Naniniguro sina Boging at Kiko na hindi sila makikita ng mga lalaki.
BINABASA MO ANG
B1 GANG MYSTERIES Case File No.8 : Wildlife Detectives
AventuraGorilya sa Maynila? Ang akala ng mga alagad ng batas ay simpleng kaso lamang ng drug smuggling ang kanilang nadiskubre sa Ninoy Aquino International Airport. Sino ba nga naman ang maghihinala na ang mga ipinasok na unggoy na kinabibilangan ng isang...