Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako pinapansin ni Blast, you know 'yong kahit irap man lang o sama ng tingin. Oo na, medyo nagiguilty nga ako. Kasi naman siya eh!
Nagsimula na rin kaming mag-interview ng ilang couple na nakikita namin sa park and usually mga teenager pang tulad namin na nagpi-PDA ang nakikita namin. Ang sakit sa mata promise! Tatlong araw na rin namin 'tong ginagawa at sa loob ng mga araw na 'yon ay wala pa rin kaming nahahanap na matinong sagot. Lahat kasi ng sagot na nakukuha namin ay parang wala lang. Alam niyo 'yon? Walang spark na matatawag o tamang sabihin wala namang love na mararamdaman! Ang pinakamalala sigurong nainterview namin ay 'yong magjowa na halos kita na ang kaluluwa ng babae habang naglalampungan sa gitna ng park kung saan marami ang nakakakita sa kanila!
Ang kulit naman kasi nina Shaira dahil sinabihan ko na ngang 'wag nang lumapit eh hindi pa rin nakinig, ayon tuloy, nakarinig kami ng napakalaswang sagot! Sabi ba naman ni kuya, ang true love raw ay 'yong kayang ibigay ng babae ang makakapagpasaya sa kanya sa kahit anong lugar, panahon at oras!
Like duh, kahit sino magigreen sa sinabi niya dahil may kasama pang kiss sa lips ang nangyari. Yuck lang! Yuck. Yuck. Yuck! Open-minded ako pero may limitasyon pa rin ang kayang i-take ng utak ko 'no.
"Maggagabi na pero wala pa rin tayong mahanap kahit isang couple man lang na mukhang matino kausap!" reklamo ni Shaira. Halatang pagod na siya dahil na rin siguro kanina pa kaming umaga nagsimulang maghanap pero wala pa ring nangyayari.
"Ano bukas na lang ulit?" tanong ni Hero na agad kong kinontra.
"Hindi pwede. May pasok tayo."
"Eh, wala naman na tayong mapapala rito. Maggagabi na rin. Ang paalam ko lang sa mama ko hanggang five o' clock lang ako."
"Pa'no 'yan? Kahit sana makaisang couple lang tayo," sabi ko pa.
"Prend, ako rin eh. Baka magrounded akong tulad mo kasi kanina pa dapat ako umuwi pero nagstay pa rin ako ng ilang oras. Baka kapag ginabi na talaga ako ay hindi na ako sikatan ng araw. Alam mo naman si papa, gusto dalagang Pilipina ang kilos ko," sabi ni Shaira na ikinatawa naming dalawa.
"Sige na. Umuwi na 'yong kailangang umuwi. Magpaiwan na lang 'yong pwedeng magpaiwan," singit ni Alexander sa usapan. Bigla namang may pumasok na bright idea sa utak ko. Oh my gosh!
"Sige na, bruha. Uwi na. Pati ikaw Hero umuwi ka na rin. 'Wag mong pag-alalahanin si Tita. Uwi na!" pagtataboy ko sa kanila at ang bruhang Shaira mukhang nakahalata kasi ngumiti ng nakakaloko pero kinindatan ko lang siya para makuha niya ang secret message.
"Ikaw Blast? Tara, uwi na tayo," aya ni Shaira rito. The best talaga ang gagang 'to
"Hindi na. Sasamahan ko na muna si Alex. Mahirap na, baka magahasa ng wala sa oras. Hindi pa naman mapagkakatiwalaan ang mga nasa paligid," sabi nito na ikinabwisit ko. Mukha bang gagahasain ko si Alexander? Duh, baka siya!
Wala na kaming nagawa ni Shaira kung hindi hayaan si baklita sa gusto nito. Kahit kailan talaga ang lakas makasira ng moment.
Ilang minuto rin kaming tatlo na natahimik. Halatang nagpapakiramdaman kami. Buti na lang naisipan ni Alexander na mag-ayang mag-ice cream muna. Syempre libre niya, haha.
"Favorite mo ba ang mango?" tanong ko kay Alexander dahil 'yon ang pinili niyang flavor ng dirty ice cream.
"Oo," tipid nitong sagot. "Teka. Blast nakausap mo na ba si Tita tungkol do'n sa sinabi ko sa'yo?" tanong nito kay Blast na kanina pa walang kibo.
"Hindi pa. Mamaya, tatanungin ko siya."
"Sana pumayag siya 'no? Sayang din makukuha nating pera ro'n."
Bigla naman akong nacurious sa sinabi niya kaya nakisingit na ako sa usapan nila. "Ano 'yan? Trabaho ba?" nakangiti kong tanong. Saglit akong tinignan ni Alexander bago siya sumagot ng matipid.
"Ah, hindi."
Nasaktan talaga ako ro'n. Lalo na dahil kinausap niya ulit si Blast na para bang hangin lang ako at hindi nila napapansin. Dapat pala umuwi na lang ako kesa naman ganito, nao-OP na ako. Mukhang ayaw yata nila akong kasama.
Hinayaan ko na lang silang mag-usap at naupo na lang sa isang bench malapit sa pwesto ni manong na binilhan namin ng ice cream. Nakakainis talaga. Uwi na lang kaya ako?
"Hay, pa'no ba 'to?" Nilingon ko si manong dahil bigla siyang nagsalita. Kitang-kita ko ang pamomroblema niya habang nakatingin sa baryang nasa kamay niya. Hindi yata sapat ang kinita niya ngayong araw.
"Ayos lang po kayo manong?" tanong ko.
Tinignan niya naman ako. "Hindi kasi sapat ang baryang 'to para sa kakainin ng pamilya ko mamaya. Mahina kasi kita ngayon eh," reklamo niya. Napangiti naman ako. Mahal na mahal niya siguro ang pamilya niya dahil sila ang inaalala niya sa bawat sentimong nakukuha niya.
Naisip ko tuloy na interviewin siya. Tinawag ko sina Alexander at sinabi ang plano. Syempre, tinanong namin si manong kung okay lang sa kanya. Pumayag naman siya kapalit ng offer namin na bibili ulit kami sa kanya ng ice cream.
"Manong, ano po ba ang ibig sabihin sa inyo ng salitang true love?" tanong ko.
Halatang naiilang si manong sa camera kaya ginawa ko talaga ang best ko na mawala sa isip niya ang camera. "Ang ganda ko manong 'no?" biro ko at pinagtawanan nila akong tatlo. Kung hindi lang kailangan, hindi naman ako maglalakas-loob na sabihin 'yon eh. Nakakahiya tuloy dahil mukhang hindi sila lahat sang-ayon.
Pero at least dahil do'n gumaan na pakiramdam ni manong. "True Love. Totoong pag-ibig 'yon 'di ba?" tanong nito sa amin at tumango lang kami. "Ako nga pala si Rolando. 54 na ako. Siguro para sa akin ang totoong pagmamahal ay maihahalintulad ko kapag kasama ko ang pamilya ko. Wala naman kasing perpektong pag-ibig gaya ng hindi perpekto naming pamilya. Pero masasabi mo pa ring totoo ang isang pag-ibig kapag sa lahat ng pagsubok na dumating sa buhay niyo ay hindi pa rin kayo nag-iiwanan at pinipili niyong harapin ito ng magkakasama habang nagagawa pa ring ngumiti dahil sa kabila ng hirap ay ang saya na malaman ang katotohanan na kahit kailan hinding-hindi kayo mag-iiwanan sa kung ano mang dagok ang dumating sa buhay ng bawat isa," halos maiyak na ako sa sinabi ni manong. At ramdam ko rin na malapit na rin siyang maiyak. "Hindi kasi madali ang buhay. Hindi lang kasi puro sarili ang iisipin mo sa oras na maranasan mo ng bumuhay ng isang pamilya. Maraming hirap kang mararanasan. Marami kang katanungan na aalalahanin. May kikitain kaya ako ngayong araw? May kakainin kaya kami mamaya? Walang kasiguraduhan ang buhay, kaya naman gagawin mo ang lahat para lang maibigay ang mga pangangailangan nila kahit sa anong marangal na paraan. Pero ang masarap sa pakiramdam ay 'yong pag-uwi mo sa bahay, sasalubong sa'yo ang mga ngiti at yakap nila na parang sinasabi nila na kakayanin natin ito at magiging maayos din ang lahat."
"Kaya nga, masasabi kong maswerte ako kasi kahit kapos kami sa pera. Kahit minsan hindi kami nakakakain. Kahit minsan ang gulo ng buhay namin. Wala pa ring iwanan dahil totoo ang pag-ibig namin para sa isa't isa."
Sa pagtatapos ng interview namin kay manong, hindi ko mapigilang hindi mapangiti at maisip ang mga magulang ko. Gano'n din kay nararamdaman nila habang todo kayod sila? Ang sama ko sigurong anak kasi hindi ko man lang naaapreciate ang mga ginagawa nila para sa 'kin. Hindi ko pa nga sila napapasalamatan kahit isang beses eh.
Excited na tuloy akong umuwi para masabi ko kung gaano ko sila kamahal at kung gaano ako nagpapasalamat na sila ang mga magulang ko.
BINABASA MO ANG
My Gayish Rival
Genç KurguMy name is Glyza Marie Bihon. 16 years na akong nabubuhay sa mundo. Proud akong sabihing NBSB ako. Hello? Bakit ko naman ikakahiya ang katotohanang iyon? Bakit ko naman ikakahiyang sabihin na hindi ako tulad ng mga kaklase kong kay aagang lumandi? A...