Chapter Three

53.8K 1.2K 14
                                    



"MAMASAMAIN mo ba ang sasabihin ko sa iyo, Dev?" nag-aalangang tanong ni Ninia sa kaibigan nang nasa loob na sila ng silid niya. Sa lahat ng mga nakatira sa dormitoryong iyon ay siya lang ang may sariling kuwarto.

"You're my friend, Ninia. And I know you only mean well for me," aniya na idinapa ang mukha sa unan.

Isang mahabang hininga muna ang pinakawalan ni Ninia bago muling nagsalita. "I know you're rich, Dev. Sa loob ng tatlong taong pagsasama natin dito sa dormitory ay alam kong nakakaangat ka sa buhay kahit na pilit mong ikinakaila iyon..."

Hindi kumibo si Devin at patuloy na nakinig sa tinutumbok ng kaibigan.

"Have you—have you tried to speak to your father about plastic surgery?" naiilang nitong tanong. Si Devin ay bumuntong-hininga at hinarap ang kaibigan.

"I have thought of that often, Ninia. Pero hindi ko alam kung gaano kalaki ang kayamanan ng Papa. Wala akong ideya. Tumatanggap lamang ako ng monthly allowance mula sa abogado ng pamilya. At hindi ko naman matanong ang Papa tungkol doon. You see, may sarili na ring pamilya ang ama ko." may bitterness sa tinig niya sa bahaging iyon.

"At ayokong pagtawanan at kaawaan nila ako. I know my stepmother and my stepbrother hated me," mapait niyang sagot.

"Wala namang masama kung isusuhestiyon mo."

"Thank you for the concern, my friend, but I can't take ridicule and I have had enough of it. Isa pa, sa palagay mo ba ay may magagawa pa sa mukha kong ito?" patuya niyang tanong para sa sarili.

Isang buntong-hininga ang binitiwan ni Ninia at tinitigan ang kaibigan na ipinikit ang mga mata. Napailing ito. Si Devin ay matalino, may katamtamang taas, at may makinis at pinong kutis. A beautiful and sexy body na malimit nitong kainggitan. At kung tutuusin ay magaganda ang mga mata. Unusually expressive and thickly-lashed eyes. At ang sabi nga ni Devin ay iyon at ang kutis lamang niya ang namana mula sa ina.

Subalit natabunan lahat ang mga katangiang iyon ng dalaga ng iba pang bahagi ng mukha. Malaki at malapad ang ilong. Hindi lang iyon, malayo ang pagitan ng ilong nito hanggang sa upper lip at isang balat na itim sa kanang pisngi niya.

Sa paningin ni Ninia ay hindi lang maganda si Devin subalit hindi iyon ang tingin ng marami at kahit mismo ang may sariling katawan. At dahil doon, natakpan lahat ang magagandang katangian ni Divina Ventura, kasali na ang pagkakaroon ng isang mabuting pag-uugali.

ISANG umaga ay napasukan ni Ninia si Devin sa silid nito na madaliang nag-i-empake.

"Hey, going somewhere?"

"Kailangang umuwi ako ngayon din ng asyenda, Ninia," aniya na sinarhan ang maleta. "May tumawag sa landlady natin at sinabing inatake sa puso ang Papa."

"Oh, I'm sorry, Dev." Umupo ito sa gilid ng kama.

Si Devin ay yumakap sa kaibigan. "Natatakot ako, Ninia. Baka kung ano ang mangyari sa Papa. 'Pag nagkataon ay mag-iisa na lang ako sa mundong ito."

Hinaplos ni Ninia ang buhok ng kaibigan. "Be optimistic. It could be a mild attack dahil kung hindi ay tiyak na dinala na dito sa Maynila ang Papa mo."

Kumawala si Devin at inisip ang sinabi ng kaibigan. Pagkatapos ay tumango. "I guess you're right." Bumuntong-hininga siya. "I know I'm being silly. Natatakot akong mag-isa na lang sa mundong ito gayong kung tutuusin ay para na rin lang naman akong nag-iisa, 'di ba?"

"You have me," Ninia said gently.

"I know at nagpapasalamat ako na hindi mo ikinahihiyang maging kaibigan ang isang tulad ko."

"Hindi kita ikinahihiyang kaibigan, Divina Olivar Ventura. Hindi kita ipagpapalit kahit na kanino pa man sa mga kaibigan nating may magandang mukha," anito pagkatapos ay ngumisi. "Ang drama talaga natin, ano? Paano ka nga pala uuwi?"

"Susunduin ako ng driver dito." tumayo si Divina at tiningnan ang sarili sa salamin. "Isn't it selfish, Ninia, na higit akong nag-aalala sa sarili ko kung sakaling may mangyari sa Papa kaysa sa kalagayan niya?"

"Don't be hard on yourself, Dev. Sabi mo nga, sa nakalipas na walong taon ng buhay mo dito sa dormitoryo ay mabibilang mo sa iisang kamay ang pag-uwi mo sa inyo. At ganoon din ang pagdalaw sa iyo ng iyong Papa dito." Tumango si Devin at sinikap na itago sa kaibigan ang sakit na nadarama. Kahit ang sariling mga magulang ay hindi gustong makita ang pagmumukha niya.

Isang marahang katok ang narinig nila at pagkatapos ay bumukas ang pinto at sumungaw ang mayordoma ng dormitoryo sa pinto.

"Nasa ibaba na ang sundo mo, Divina." 

Impostor - COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon