SABAY na pumarada sa harap ng villa ang Land Cruiser at ang tricycle na sinakyan ng dalawang matanda mula kabayanan.
"Saan ka ba galing, hijo?" Si Nana Lucing habang ipinasok ni Tata Vener ang dalawang bayong sa loob.
"Inihatid ko sa bayan si Stella, Nana Lucing. Hindi raw umuwi kagabi si Delio at nag-aalala." Binuhat na nito ang isang maliit na basket na naiwan sa matanda.
"Aba, eh, bakit nga ba? Wala akong natatandaang hindi umuuwi ng bahay si Delio kahit na malasing man ito. Hindi tuloy namin nagamit ang pickup sa palengke," sagot nito na nagtuloy-tuloy sa loob.
"Lucing, parine ka nga..." tawag ni Tata Vener mula sa kusina.
"Ku, apurado. Ire na nga." kasunod si Jason ay pumasok sa kusina si Nana Lucing. "Bakit ba?"
"Tingnan mo nga ireng takure at nahagis dine sa sahig. Aba'y kay layo ng ginulungan, ah. Saan mo ba iniwan? Nadagil marahil ng pusa." yumuko ang matanda upang damputin ito. "Aba'y kapeng-kape na ako, ah. Isasalang na lang ay maghuhugas pa nire at magpupunas ng sahig..."
"Kaunting trabaho ay kay daming reklamo," bulong ng matanda. Nilingon si Jason at nginitian. "Akina ang basket, Jason, at salamat, hane..."
Nagkibit ng balikat si Jason at ngumiti bago muling lumabas, nagtuloy-tuloy ito sa itaas sa silid ni Devin. Wala ang dalaga. Hinanap sa silid niya, wala rin. Tinungo ang silid ni Don Manuel at kumatok at baka naroon at ipinagtatapat sa ama ang tunay na katauhan.
Tatlong katok na siya subalit walang sumasagot. Pinihit niya ang seradura at nabuksan ang pinto. Wala ring tao. Pababa na siya nang mapuna ang silyang de-gulong sa dulo ng pasilyo. Salubong ang mga kilay na nagmadaling bumaba.
"Tayo lang ang tao sa buong bahay, Nana Lucing," aniya.
"Wala ba sina Don Manuel at Divina?" Lumingon ang matanda na inaayos ang ipinamili sa ref.
Bago pa makasagot si Jason at sabihin ang tungkol sa wheelchair na nasa itaas ay muling tumawag si Tata Vener na nagpupunas ng sahig at winawalis ang natapong kapeng barako.
"Kanino bang hikaw ireng narito sa sahig, Lucing?" sigaw ng matanda. "Baka kay Stella ay magtitili na naman iyon sa paghahanap..."
"Dalhin mo rine at titingnan ko," sagot ng matandang isinara ang refrigerator. Pumasok ang matandang lalaki at ipinakita sa asawa ang hikaw.
"Kay De... Ninia ang hikaw na iyan, Tata Vener," ani Jason. Pamilyar sa kanya ang hikaw dahil laging suot ni Devin iyon. Isa pa'y alam niyang hindi hinuhubad ng dalaga iyon kahit sa pagtulog.
Tumiim ang mukha ng matanda. "Kay Divina ang hikaw na iyan, Vener, hindi mo ba nakikilala? Maliit pa siyang bata'y suot na niya iyan." may galit na gumuhit sa mukha nito nang harapin si Jason. "Suot ni Devin ko ang hikaw na ito noong araw na mawala siya, Jason," naghihinalang wika nito.
Hindi agad nasagot ni Jason iyon, may kung anong hinala ang sumisiksik sa isip. Kinuha sa kamay ng matanda ang hikaw at lumingon sa kabahayan.
"Tata Vener, bakit nasa itaas ang wheelchair ni Mr. Ventura? Paano siyang makakalakad kung wala ito?"
Nagkatinginan ang mag-asawa na tila hindi naiintindihan ang sinasabi niya. "Aba'y hindi nga..." magkasabay pang sagot ng mga ito. "Hindi nakakaalis sa silya niya si Don Manuel malibang aalalayan mo."
Naningkit ang mga mata ni Jason. "Saan mo napulot ang hikaw ni Ninia, Tata Vener?" seryosong tanong nito.
"Isinusumpa kong kay Divina ang hikaw na iyan!" Si Nana Lucing. Hindi pinansin ng matandang lalaki ang asawa. Nagtataka sa anyo ni Jason.
"Aba'y dine." tumalikod ito patungo sa kusina hanggang sa may pinto kasunod sina Jason at Nana Lucing. "Nililinis ko ireng natapong kape na gumulong yata hanggang dine, eh..."
Itinulak ni Jason ang pinto at tumingin sa berdeng kapaligiran, sa mga niyog at naglalakihang punong-kahoy. Yumuko at nakita niya roon ang kapares ng hikaw ni Devin. Dinampot niya iyon. Gusto nang mawalan ng kulay ang mukha. He didn't want to entertain fear pero iyon na ang sumisibol sa dibdib niya.
"Nana Lucing, kaninong silid ang katapat ng bintanang nasa kaliwa ng silid ni Ninia? Sa may dulo?" frantic nitong tanong.
"Kay Donya Agueda noong nabubuhay pa ito. Bakit Jason?"
Hindi kumibo si Jason at mabilis na lumakad patungo sa harap ng villa. Naguguluhang sumunod ang dalawang matanda.
"Bakit ba, hijo?"
"May anino ng tao akong nakita sa tapat ng bintanang ito kaninang mag-a-alas-tres ng madaling-araw, Tata Vener. Nanatili siya rito hanggang sa mawala siya sa mismong mga mata ko..." inikot niya ang tingin sa paligid at tumingala sa itaas at muli ring ibinaba sa lupa.
"May munting pintong bato sa bahaging ito ng bahay, Jason," imporma ni Tata Vener. "Pero matagal nang hindi nabubuksan ang pintong bato kahit noong nabubuhay pa si Donya Agueda..."
"Buksan ninyo, Tata Vener..." utos niya sa nagmamadali at awtorisadong tinig. Naguguluhan ma'y sumunod ang matandang lalaki.
Dalawang malaking paso ang inalis ng matanda. Hinawi ang naroong malalagong halaman. Isang maliit na pinto ang natambad kay Jason. Na marahil kung wala ang halaman ay mahihinuha ring pinto dahil hindi naman itinago ang pagkakagawa. Inaasahan ni Tata Vener na mahihirapan itong itulak ang pintong bato sa tagal ng hindi pagkakagamit subalit madali itong bumigay.
"Sa pagkakaalam ko'y dati itong bodega noong nabubuhay pa ang asawa ni Donya Agueda," wika ng matanda nang mabuksan ang pintuang bato. Pumasok si Jason at natambad sa kanya ang maagiw na munting silid at mga inaagiw ring lumang kasangkapan at mga tools. Isang maitim na bagay ang dinampot niya mula sa ibabaw ng sirang mesita.
Bandanang itim! Sa tabi nito'y kumislap sa liwanag na nanggagaling sa labas ang isang patalim. At isa pa uling bagay ang nakita niya.
Unan!
Tuluyan nang kinain ng matinding takot at kaba ang dibdib ni Jason. Ginigitian siya ng butil-butil na pawis. Mabilis siyang lumabas ng silid na iyon.
"Tata Vener, sino ang nakakaalam ng bodegang ito?"
"Aba'y ako at si Lucing." sandaling nag-isip ang matanda. "At si Manuel lamang. Katunayan ay matagal nang kinalimutan ang bodegang ito dahil sa malaking bodega sa may garahe. Bakit ba, Jason?"
"Nasa panganib si Devin, Tata Vener! Saan natin maaaring hanapin si Devin?" Nagpa-panic ang tinig niya. Hindi niya kayang tagalan ang tila patalim na humihiwa sa dibdib dahil sa matinding takot: takot para kay Devin.
"Sino ba ang Devin na tinutukoy mo, Jason?" Si Nana Lucing na nagsalubong ang mga kilay.
"Si Ninia ho ay si Devin at nasa panganib ang asawa ko!" Inihilamos ni Jason ang palad sa mukha. He has never felt so helpless all his life. "Kung kayo ang kriminal at gusto ninyong mawala ang biktima ninyo nang walang nakakakita at nakakaalam, saan ninyo siya dadalhin, Tata Vener? Saang bahagi ng asyenda?" Halos sumigaw na siya.
"Ang aking si Divina!" bulalas ng matandang babae.
"May... may alam akong lugar na hindi pinupuntahan ng mga tao ng asyenda, Jason," namumutlang sagot ng matandang lalaki.
"Saan ho?!"
"Sa lumang kamalig kung saan na... napagsamantalahan ang senyorita Lira!"
='fo�3Ԫ��5
BINABASA MO ANG
Impostor - COMPLETED (Published by PHR)
RomanceBago siya nawalan ng malay ay si Divina Ventura siya, a twenty-year-old student. Nang muli siyang magmulat ng mga mata'y siya na si Mariz Florencio. Twenty-nine and married to a famous handsome businessman, Jason Florencio. At tinaglay niya ang pina...