"SUMAMPA ka na, Divina," ganyak ni Tata Vener sa dalaga pagkatapos lagyan ng saddle ang kabayo.
"Sige na, hija. Mabait na kabayo iyang ibinigay sa iyo ni Vener. Hindi ka ihuhulog niyan," susog naman ni Manuel sa anak.
Inikot ng dalaga ang tingin sa mga nasa paligid. Si Nana Lucing na nasa likod ng silyang de-gulong ni Manuel ay nagbabadya ng encouragement ang mukha. Nararamdaman niya ang paggitaw ng pawis sa noo at ang panlalamig ng buong katawan.
Pinuno muna niya ng hangin ang dibdib at sumampa sa kabayo. Nang nasa ibabaw na siya nito'y gustong manigas ng katawan subalit sige si Manuel sa paghikayat na kaya niya. Alanganin niyang tinapik nang marahan ang hayop na agad namang lumakad na ikinabigla pa niya. Nahihintakutang dinaklot niya ang renda. Isang tawa ang pinakawalan ni Manuel.
"Nakita mo na, Divina? Kaya mong mangabayo tulad noong maliit ka pa lang. Sikapin mong paglabanan ang takot," utos nito na ginawa naman ni Divina upang paluguran ang ama, pilit inaalis sa dibdib ang matinding takot at kaba.
Ang balak niya'y sa paligid-ligid lang ng bahay siya magpapaikot-ikot. Hindi niya magagawang patakbuhin ang kabayo. Paano kung ihulog siya niyon tulad ng nangyari sa mama niya?
Subalit sigaw ni Manuel ang nagpabago sa pasya niya. "Patakbuhin mo ang kabayo, hija!" nakatawang sigaw nito. "Ano ang silbi ng pangangabayo kung hanggang dito ka lang?"
Hindi malaman ni Divina ang gagawin. Nasa mukha ng ama ang pagnanais na mapagtagumpayan niya ang phobia. Sa nakalipas na maraming mga taon ng buhay niya'y ngayon lamang sila naging malapit na mag-ama. Hindi niya gustong biguin ito.
Butil-butil ang pawis na sumungaw sa noo niya. Nanlalamig ang mga kamay niya at pinagpapawisan. Ganoon pa man ay marahan niyang pinatakbo ang kabayo palayo. Nauulinigan pa niya ang nagagalak na tawa ng ama. Bagaman natatakot pa rin ay nagagawa na niyang ikalma ang sarili. Hindi kailangang patakbuhin niya nang mabilis ang kabayo.
Hindi nagtagal ay nasa gitna na ng asyenda ang dalaga. Pinasyalan niya ang koprahan at natutuwang pinanood ang mga tauhan. Ang ibang matatanda na nasa asyenda'y nakilala siya at kumaway.
Hanggang sa makaratmg siya sa bahaging wala nang mga tauhang nagtatrabaho. Isang tao ang nahagip ng tanaw ng dalaga sa may di-kalayuan. Nakakabayo at nakasunod ng tingin sa kanya bagaman hindi umaalis ng kinaroroonan.
Kinakabahang ibinalik ng dalaga ang kabayo sa pinanggalingan. Nang lumingon siya'y wala na roon ang tao. Napailing si Devin. Nagiging paranoid siya. Marahil ay isa lamang iyon sa mga tauhan ng asyenda at curious siyang pinanonood.
Pagdating sa malaking bahay ay kinalimutan na ng dalaga ang pangyayaring iyon. Pumanhik siya sa silid upang ibalita sa amang tuluyan nang nawala ang takot niya sa kabayo nang marinig niya ang malakas na tinig ni Stella.
"Dumating lang ang anak mo'y nakalimutan mo nang may asawa ka, Manuel!" Ang Tita Stella niya na nagpahinto sa kanya sa pagpasok sa silid ng ama. "Allowance ng bahay ang hinihingi ko sa iyo. Panggastos nating lahat!"
"Kung hindi ka nagiging maluho ay sobra-sobra ang allowance na ibinibigay ko sa iyo, Stella. Ganoon din sa anak mo. At wala akong pera, maintindihan mo sana..."
"Walang pera? Ngayon lang kita naringgang walang pera, Manuel. At imposible ang sinasabi mo."
"Please, Stella, pagpasensiyahan mo na muna ako, maaari ba?" Nakikiusap ang tinig nito na tila hapong-hapo. Padabog na lumabas ng silid si Stella at pabagsak na isinara ang pinto sa likod nito. Nagulat pa ito nang mabungaran sa labas si Divina.
"Nakikinig ka ba sa usapan naming mag-asawa?" angil nito sa kanya. "Iyan ba ang natutuhan mo sa pribadong kolehiyo sa Maynila?"
"Hindi ko intensiyong makinig. May sasabihin sana ako sa Papa nang marinig ko ang boses mo."
Matalim na humugot ng hininga si Stella at akmang tatalikuran na lamang si Devin nang magsalita ang dalaga.
"Gusto kong itanong sa iyo kang bakit suot mo ang kuwintas ng Lola kahapong dumating ako rito, Tita Stella." Nahinto sa paghakbang ang babae at alanganing lumingon. "Ibinigay ba sa iyo ng Papa iyon?"
"Ibinigay ng papa mo sa akin ang kuwintas, Divina," angil ng babae. "Hindi ko isusuot kung hindi. Kung gusto mo'y itanong mo sa iyong ama!" Pagkasabi niyo'y galit na tumalikod ang babae. Hindi kailangang sabihin kay Divina na pinilit niya si Manuel na isuot iyon. Kung maaari nga lang sana niyang ipagbili ang antigong alahas ay ginawa na niya.
Ikatlong gabi ni Divina sa asyenda at nagmulat siya ng mga mata nang maramdamang may tao sa silid niya. Mabilis na inabot ang ilaw sa lampshade subalit agad na may tumakip sa bibig niya. Ubos-lakas na nagpumiglas ang dalaga at ginamit ang tuhod upang itapat sa pagitan ng mga binti ng lalaki at tinuhod ito. Bumitaw ang lalaki at namilipit. Mabilis na tumayo ang dalaga. tinakbo ang switch ng ilaw at binuksan ito.
"Delio!"
"Muntik mo na akong mapatay, you bitch!" hiyaw nito bagaman hindi gaanong nilakasan ang tinig.
"Ano ang ginagawa mo sa silid ko?" Naningkit ang mga mata niya sa galit. "Marahil ay ikaw din ang lalaking nagtangkang pasukin ako rito noong unang gabi ko! Isusumbong kita sa Papa." akmang lalabas ang dalaga nang mapigil ng sinasabi ng binata.
"Go ahead, isumbong mo ako sa Tito Manuel nang mamatay na ang papa mo. Isang atake pa, Divina," hamon nito na ikinatulos ng dalaga sa kinatatayuan. Humarap siya sa lalaki at sumandal sa dingding.
"Lumabas ka ngayon din, Delio, bago ako makalimot sa sarili ko!" banta niya sa nag-aapoy na mga mata.
"Kung pagbibigyan mo ang nais kong mangyari ay natitiyak kong makakalimot kang totoo sa sarili mo, Divina," malisyosong wika nito sa kabila ng nararamdaman pang sakit sa harapan. "I know you're dead curious about it, so why don't we give it a try? I promise you heaven."
"Lumabas ka, Delio!"
"You don't mean it, nagpapakipot ka lang," tantiya ni Delio sa dalaga. "You will never have this chance of a lifetime, Divina. Walang papatol sa iyo."
Napapikit ang dalaga at sinikap pa ring pairalin ang kontrol sa sarili. "I'll feel sorry sa sinumang babaeng pumapatol sa iyo, Delio. You good for nothing SOB!"
"You b—" hiyaw ng binata na nahinto nang abutin ni Devin ang gunting sa tokador.
"Lalabas ka o hindi?"
"Pagbabayaran mo ito, Divina, tandaan mo iyan!" Nagpupuyos ang loob nitong paikang lumabas ng silid. Isinandal ng dalaga ang sarili sa pinto at huminga nang malalim.
Bukas ay palalagyan niya ng bolt ang pinto. This is an old house at maliban sa doorknob ay walang inside bolt ang mga pinto ng bahay.
Dating hindi umiiral ang masamang tao sa bahay na ito!
BINABASA MO ANG
Impostor - COMPLETED (Published by PHR)
RomanceBago siya nawalan ng malay ay si Divina Ventura siya, a twenty-year-old student. Nang muli siyang magmulat ng mga mata'y siya na si Mariz Florencio. Twenty-nine and married to a famous handsome businessman, Jason Florencio. At tinaglay niya ang pina...