Chapter Eight

50.7K 1.1K 6
                                    

"HAPON na, Devin, huwag kang magtatagal," paalala ni Nana Lucing sa dalaga na sumampa na sa kabayo niya.

"Hindi po, Nana Lucing." Pinatakbo na niya ang kabayo. Isang linggo na siya sa asyenda at ito pa lang ang ikatlong pagkakataong nakapangabayo siya. At totoong nag-e-enjoy siya sa pagkaalis ng takot niya sa ibabaw ng kabayo. Iikutin niya ang mga lugar na dati niyang pinupuntahan noong bata pa siya.

Kalahating oras na rin siyang nagpapaikot-ikot sa buong asyenda at hindi napuna na lumalayo siya at patungo na sa bahagi ng gubat.

Nagulat pa siya nang mula sa loob ng gubat ay dalawang lalaking nakakabayo ang makakasalubong at patungo sa kanya. Hindi kilala ng dalaga ang mga ito pero namumukhaan niya ang isa. Ito iyong lalaking nakita niyang nakatingin sa kanya noong ikalawang araw niya sa asyenda.

Bagaman sumibol na ang kaba sa dibdib ay pilit siyang nagpakatatag. Mga ilang dipa mula sa kanya ay huminto ang mga ito.

"Sino kayo?" tanong niya na tuluyan nang kinabahan nang makitang may hawak na rifle ang isa sa harap nito. "M-mga tauhan ba kayo ng asyenda?"

Nagkatinginan ang dalawang lalaki na parehong sabay na ngumisi. "At pangit nga pala ang isang ito. Akala ko'y eksaherado lamang ang kuwento." At nagtawanan sa pagpupuyos ng loob ng dalaga.

"Umalis kayo sa daraanan ko, mga walang modo. Hindi ba ninyo ako nakikilala?"

Muling nagkatinginan ang dalawang lalaki na nakangisi pa rin. "Hindi kilala? Kilala ka nga namin kaya kami narito, eh."

"Ano ang ibig ninyong sabihin?"

"Ang utos sa amin ay huwag ka nang pabalikin pa sa asyenda, Miss Ventura, 'di ba, pare?" ngumisi ang kasama nito at nakita ng dalaga na gumalaw ang rifle.

Nanlaki ang mga mata niya kasabay ng pagsinghap. At talaga nga palang may nagtatangkang patayin siya! Pero bakit? Ano ang motibo at gusto siyang ipapatay nang kung sino man ang nag-utos sa mga ito?

Habang alumpihit ang kabayo ay mabilis niyang pinagana ang isip. Kung mamamatay rin lang siya'y mamamatay na siyang tumatakas. At sana'y mas mahusay siyang mangangabayo kaysa sa mga ito, iyon ay kung hindi siya aatakihin uli ng phobia.

Pero mas nakakatakot ang mamatay nang hindi niya alam ang dahilan at kung sino ang may gustong mamatay siya.

"S-sino ang nag-utos sa inyo?"

Pumormal ang isa. "Hindi mo na kailangang malaman, Miss Ventura. Sa sandaling mapatay ka namin ay malaking pera ang naghihintay sa amin."

Sa pagitan niya at ng dalawang lalaki ay kamatayan. Limang dipa, more or less, ang pagitan niya sa mga ito. At ang rifle ay nasa kandungan ng isang lalaki. Mahabang sandali bago iyon maitaas at maikasa.

It's now or never!

Isang malakas na hapit sa kabayo ang ibinigay ni Devin at umigkas ito. Kasabay niyon ay ang pagbato niya ng latigo sa lalaking may hawak ng rifle. Hindi nasaktan ang lalaki pero nagulat ito at nabitiwan ang hawak. At dahil nataranta si Divina ay hindi niya naibalik sa pinanggalingan ang kabayo at sa halip ay sa kanan kung saan papasok sa gubat.

Malayo-layo na rin ang distansiya niya nang isang putok ng baril ang narinig niya na lalo pang nagpatakot sa kabayo at halos mahulog siya sa bilis ng pagtakbo. At kung hindi siya naturuan nang husto nang mangabayo noong maliit pa siya'y baka naihulog na siya nito.

"Baka may makarinig sa putok ng baril!" hiyaw ng isang lalaki sa kasama.

"Malayo na ito sa karamihan," sagot ng isa na muling iniumang ang rifle. "Isa pa'y nag-uuwian na ngayon ang mga manggagawa dahil pasado alas-singko na. Namukhaan na niya tayo at delikado 'pag nakatakas ang babaeng iyan!"

Ilang dipa mula sa bukana ng gubat ay nalusot ang paa ng kabayo sa isang hukay sa lupa na marahil ay lungga at bumagsak ito kasama si Devin na napatilapon sa damuhan.

"Oh, lord, please!" daing niya kasabay ng paglingon sa pinanggalingan. Kasunod niya ang dalawang lalaki at pinapuputukan siya ng isa.

Pagapang na tinakbo ng dalaga ang gubat at pagdating sa makakapal at malalaking puno ay mabilis na tumakbo... at tumakbo nang tumakbo... nang tumakbo...

"HAH!" Si Devin na ibinuka ang bibig upang punuin ng hangin ang dibdib. Tila kinakapos ng hininga sa bahaging iyon ng alaala. Gusto niyang kumilos subalit ayaw sumunod ng mga bahagi ng katawan niyang nakabalot ng benda.

Bumukas ang pinto at pumasok ang isang doktor na kasunod ang nurse na nanggaling sa kanya kanina. Nakita ng mga ito ang pagtaas-baba ng dibdib niya at ang pagsisikap niyang habulin ang hininga.

"Nurse, check her heartbeat," mabilis na utos ng doktor na agad na sinunod ng nurse. Ilang sandali pa'y abala na ang mga ito sa kanya.

"How are you, Mrs. Florencio?" banayad na tanong ng doktor nang bumalik sa normal ang paghinga niya. "Alam naming isang trauma para sa inyo ang nangyari. Pero ipanatag ninyo ang loob ninyo. Everything will be all right. You are now out of danger and soon on your way to America." ngumiti ang doktor.

Gusto niyang magsalita pero walang tinig na lumabas sa lalamunan niya maliban sa ungol.

"That's okay," patuloy ng doktor. "Sa simula'y ganyan. There's nothing wrong with your voice. When you come back, you will be as good as new, Mrs. Florencio."

Pagkatapos ng ilang checkup pa ay lumabas na ang doktor kasunod ang nurse. Si Devin ay nanatiling nakatitig sa kisame. Pakiramdam niya sa sarili ay isa siyang egyptian mummy. At gulong-gulo ang isip niya. She was mistaken for another woman and somebody wants her dead.

Sino ang may gustong patayin siya? Si Delio ba? Si Stella? Pero ano ang motibo ng mag-inang iyon? Hindi niya nauunawaan ang lahat ng ito. At ang papa niya, hindi kaya pinagtangkaan din ang buhay nito ng taong nagtangka sa buhay niya?

Ang sabi ni Nana Lucing ay hindi nila nalamang may sakit si Manuel. Unti-unti ang naging panghihina nito. At nitong nakaraang mga buwan ay malimit mag-away ang mag-asawa. At malimit na magalit si Manuel kay Delio dahil sa walang katuturang paglulustay ng salapi.

Lumong-lumo si Divina. May luhang umagos sa mga mata patungo sa mga benda niya sa mukha. Hindi niya alam kung may nangyari sa ama niya. At heto siya at pinagkakamalang si Mrs. Mariz Florencio.

Sino si Mariz Florencio?

j�2����#

Impostor - COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon