"TUMAWAG ka kung kailangan mo ako," bilin ni Ninia sa kaibigan na yumuko sa bintana ng sasakyan at humalik sa pisngi niya.
"I'll do that. Isa pa, kung tama ang sinabi mong mild attack lang ang sa Papa ay nakatitiyak akong ipadadala uli ako niyon dito." may pait sa tinig niya sa sinabi. "Bye, friend."
Ilang sandali pa'y nasa highway na ang sinasakyan ng dalaga. "Kumusta po ang kalagayan ng Papa, Tata Vener?" tanong niya sa matandang driver.
"Nang umalis ako ng asyenda kaninang madaling-araw ay nakita ko siyang nakatanaw sa may bintana ng silid at kinawayan pa ako. Marahil ay hindi naman malala ang atake ni Manuel, Devin," sagot ni Tata Vener na sumulyap sa kanya sa may salamin.
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga. "Sana nga po. Eh, kayo po ng Nana Lucing, kumusta na po kayo?"
"Tulad pa rin ng dati, Devin. Ang Nana Lucing mo'y malimit nang atakihin ng rayuma niya. Tuwang-tuwa nga nang malamang uuwi ka na. At ako ma'y natuwa nang malaman kong uuwi ka na rin," buong senseridad nitong sabi na tumingin pa sa kanya sa may salamin. "Aba'y halos tatlong taon na mula nang huli kang umuwi, ah."
Magkahalong kagalakan at kalungkutan ang nadarama ng dalaga. Ang dalawang matatandang katulong ng malaking bahay at ang Lola Agueda niya lamang ang kinakitaan niya na may totoong pagtingin para sa kanya. Hindi alintana ng mga ito ang pangit niyang mukha.
Si Lira, ang mama niya, na hanggang sa mamatay ay hindi itinago ang pagkasuklam sa anyo ng kaisa-isang anak.
"Lumabas ka ng silid ko, Divina," angil ni Lira sa anim na taong gulang na bata. "Hindi ko gustong makita ang pagmumukha mo!"
"Bakit kailangang pati ang bata ay pagsalitaan mo ng ganyan, Lira?" Si Donya Agueda na sumungaw sa pinto ng silid at hinawakan sa kamay ang humihikbing bata. "Ikaw itong ina, pagkatapos ay siya pang..."
"Utang-na-loob, Mama. Huwag na tayong magtalo. Ilayo ninyo ang batang iyan sa akin. Ikinahihiya kong naging anak iyan!"
Napilitang ilabas ni Donya Agueda ang apo. Sa pasilyo ay niyakap nito ang bata at sa gumagaralgal na tinig ay nagsalita.
"Huwag mong intindihin ang Mama mo, Devin," banayad na alo ng matandang babae.
Devin. lyon ang kinagiliwang itawag ng lola niya sa kanya.
"Hayaan mo, apo, mawala man ako'y titiyakin kong mapapangalagaan ka pa rin hanggang sa iyong paglaki," mariing pangako nito na tumaman ang mga mata.
Sa murang isipan ng bata ay labis nitong dinaramdam ang pagtataboy ng sariling ina. Totoong hindi siya nakaririnig ng kahit na anong masakit na salita mula sa kanyang papa at minsan pa nga ay nakakarga siya nito. Pero sa pakiramdam ni Devin ay malayo pa rin ang loob ni Manuel sa kanya. Ipinagtataka rin niya ang malimit na pagtatalo ng kanyang mga magulang sa hindi niya malamang dahilan.
Sampung taon siya nang magkagulo ang buong asyenda. Naaksidente sa kabayo si Lira. Aksidenteng hindi agad mapaniwalaan ng nakararami dahil mahusay mangabayo ang mama niya.
Hindi gaanong ininda ni Divina ang pagkawala ng ina. Subalit ang pinakamatinding dagok sa buhay niya ay nang mamatay si Donya Agueda nang kasunod na taon pagkamatay ni Lira. Ang sabi ng lahat ay katandaan ang ikinamatay ng matandang donya.
Anim na buwan mula nang mamatay si Donya Agueda ay nag-asawang muli si Manuel. Kay Stella na isa sa mga guro ni Devin sa elementarya. Isa itong biyuda at may isang anak, si Delio, na matanda lang sa kanya ng dalawang taon.
"Aray!" hiyaw ni Divina nang hilahin ni Delio ang tirintas niya at tumakbo patungo sa duyan.
"Nasaktan si Devil... nasaktan si Devil," kantiyaw ng malditong bata.
BINABASA MO ANG
Impostor - COMPLETED (Published by PHR)
RomanceBago siya nawalan ng malay ay si Divina Ventura siya, a twenty-year-old student. Nang muli siyang magmulat ng mga mata'y siya na si Mariz Florencio. Twenty-nine and married to a famous handsome businessman, Jason Florencio. At tinaglay niya ang pina...