Prologue

117K 2.1K 62
                                    


ABOT-ABOT ang hingal ni Devin subalit patuloy siya sa mabilis na pagtakbo. Kailangang makalayo siya. Anumang sandali ay maaari siyang abutan ng mga humahabol. Kailangan niyang makapasok sa gubat. Kahit paano ay mahihirapan ang mga itong abutan siya.

"Ayy!" hiyaw niya sabay ng pagbagsak. Nasabit ang mga paa niya sa isang ugat ng punong-kahoy na nakaharang at bumagsak siya sa lupa.

"Oh!" Impit niyang daing. Pagkatapos ay nilingon ang pinanggalingan. Naririnig niya ang mga yabag ng kabayo na papalapit. Mabilis siyang muling tumayo at tumakbo sa kakahuyan kahit na paika.

Napatingala sa langit ang dalaga na natatakpan ng nagtatayugang puno at makakapal na sanga. Malapit nang dumilim. Umusal siya ng panalangin na sana'y gumabi na upang maging kanlungan niya ang dilim ng gabi.

Sa lupaing ito siya ipinanganak at pag-aari niya ang lupaing tinatakbo at dapat ay kabisado niya ang gubat. Subalit hindi gayon. Minsan man sa buong kabataan niya'y hindi tumuntong ang mga paa niya sa bahaging ito ng lupain. At ngayo'y hindi niya alam kung saan siya patungo at kung ano ang tinatalunton ng mga paa niyang napapagod na sa mahabang pagtakbo. Kailangang patuloy siyang tumakbo upang hindi abutan ng dalawang nakakabayong humahabol sa kanya. Kapag inabutan siya ng mga ito, hindi na niya makikita pa ang tuluyang paglubog ng araw.

Hindi niya alintana ang mga dawag at tinik na sumusugat sa kanyang mga binti at braso. Ganoon din ang makakapal na sanga ng punong humahampas sa mukha niya. Palapit nang palapit ang mga yabag ng mga kabayo at pagod na pagod na siya. Gusto na niyang sumuko sa hirap subalit buhay niya ang nakataya sa mga sandaling iyon.

Sandaling huminto sa pagtakbo ang dalaga nang may maulinigan sa may unahan niya.

"Ugong ng sasakyan!" bulalas niya. "Highway ang nasa kabilang iyon ng gubat!" Nabuhayan ng pag-asa ang dalaga at inubos ang lahat ng lakas upang bilisan ang pagtakbo.

Mula sa makapal na gubat na pag-aari niya ay tumuntong ang mga paa niya sa sementadong kalye. Natanaw niya ang parating na sasakyan at itinaas niya ang dalawang kamay at iwinasiwas upang hintuan siya. Subalit ni hindi nagmenor ang nagmamaneho nito at tuloy siyang nilampasan sa panlulumo ng dalaga.

Muling nilingon ang pinanggalingang gubat. Anumang sandali ay makakaharap niya ang mga humahabol sa kanya. At walang tutulong sa kanya sa bahaging ito ng daan at gubat. Muli niyang kinawayan ang isang sasakyan subalit iyon man ay hindi rin siya pinansin.

Sino ang hihinto sa isang babaeng sabog ang buhok at pulos putik ang damit at sugat ang mga katawan sa isang ilang na lugar at hindi mataong highway?

Isang paraan na lang ang naisip niya. Tutal kung aabutan siya ng mga humahabol ay mamamatay rin siya. Mabuti na ang magbaka-sakali. Nang muli niyang matanawan ang headlights ng isang parating na sasakyan ay pumagitna sa kalye ang dalaga. Titiyakin niyang hihintuan siya ng kung sino mang driver niyon.

"JULIO, may babaeng nasa gitna ng daan at pinapara tayo." napakapit sa dashboard ng kotse ang babae. "Baka masagasaan mo, Julio!"

"Shit!" pagmumura ng lalaki at kinabig ang manibela sa kanan subalit pumaroon din si Devin. Mabilis nitong tinapakan ang preno at lumangitngit ang gulong sa biglang paghinto ng sasakyan.

"Babain mo ang lukaret na iyan!" utos ni Julio sa katabi. Nag-aatubili man ay bumaba ang babae. Nakapamaywang nitong hinarap si Devin na abot-abot ang kaba.

"Hoy, kung nagpapakamatay ka ay huwag mo kaming idamay, ha!"

"P-pasensiya na ho kayo pero... may... may humahabol po sa akin," aniya sa nanginginig na tinig. Sinulyapan ang lalaking sumungaw mula sa driver's seat at galit na galit.

"Umalis ka riyan sa daanan, lukaret ka!" sigaw ng tinawag na Julio. Subalit hindi pinansin ni Devin ang sinasabi ng driver at ng babaeng nasa harap niya. Natuon ang pansin niya sa bahagi ng gubat at natanaw ang mga humahabol na ngayo'y palabas na.

Nanlaki ang mga mata ng dalaga. Wala sa loob na tinakbo ang bahagi ng kotseng nilabasan ng babaeng pasahero at pumasok sa gulat ng driver at ng babaeng nasa labas pa.

"Umalis na ho tayo ngayon din. Papatayin nila ako, please!"

Subalit bago pa nakasagot ang driver ay isang putok ng baril ang bumasag sa likurang salamin. Napatili ang babae sa labas na mabilis na pumasok sa backseat. Si Devin ay yumuko at ganoon din ang driver na pahiyaw na nagmura.

"What the hell is going on?!"

"H-hindi lang ang buhay ko ang manganganib 'pag inabutan nila tayo. Pati kayo ay papatayin nila!" sigaw ni Devin.

"Pananagutan mo ang lahat ng ito kung sino ka mang babae ka!" banta ng driver na mabilis na tinapakan ang silinyador at halos mapasubsob sa dashboard si Devin sa biglang pagtakbo ng sasakyan.

"Bilisan mo, Julio, bilisan mo!" hiyaw ng kasama nito sa likuran na patuloy sa paghi-hysteria. "Oh, I could kill you for this!" wika nito kay Devin sa nanlilisik na mga mata.

Ang dalaga ay hindi sumagot. Nilingon ang pinanggalingan. Kasunod nila ang mga nakakabayong dalawang lalaki bagaman namamaybay lang ang mga ito sa tabing-daan. Nakita niya ang muling pagtaas ng isang riple at muling yumuko ang dalaga.

"Hell!" sigaw ng lalaki nang tamaan ng bala ang hulihang gulong. Nagpagiwang-giwang ang takbo nito dahil hindi naman agad nakapagpreno. Pumakabila ito sa kabilang lane kung saan may parating na isang cargo truck.

"Julio, mababangga tayo!"

Si Devin ay nanlaki ang mga mata at napadaklot sa dashboard. Hindi siya nabaril ng mga humahabol pero tiyak ang kamatayan niya at nilang lahat sa malaking cargo truck na makakasalubong.

Hindi sinasadyang pumulupot sa kamay niya ang gold chain ng isang maliit na handbag na nakapatong sa dashboard. Humigpit ang hawak niya roon na tila naroon ang buhay at kamatayan niya.

Ang driver ay mabilis na kinabig ang manibela pakaliwa upang iwasan ang truck. Hindi inaakalang sa kabila ng daang iyon ay isang matarik na bangin.

Hiyawan ng tatlong pasahero ang maririnig sa loob ng kotseng nahuhulog sa kamatayan nito. Ang truck ay huminto sa may di-kalayuan. Ang dalawang lalaking nakakabayo ay nangubli sa mga puno bagaman sa layo ng mga ito ay walang sino mang makapupuna.

Ilang sandali pa'y isang pagsabog ang maririnig at pagsiklab ng apoy mula sa ilalim ng bangin.

Napangisi ang dalawang lalaki at muling pinatakbo ang kabayo papasok sa gubat.

Impostor - COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon