Chapter Twenty-Three

59.2K 1.3K 21
                                    

NAHAHAPONG napaluhod si Devin sa makapal na damo sa labas ng lumang kamalig. Hindi makapaniwalang nilakad nila ang layong iyon na sa tantiya niya'y mahigit sa kalahating kilometro. Ni hindi niya napuna ang nakaparadang pickup sa likod ng malaki at matandang puno dahil sa matataas na talahib.

Hindi niya kailanman nalaman ang kamalig na ito na marahil ay siyang imbakan ng mga palay noong araw. Pulos kalawang at sira na ang bubong na yero at marupok at sira na rin ang mga dingding na kahoy.

"Pumasok ka sa kamalig, Divina!" utos ni Manuel na humihingal din sa pagod. Sumunod ang dalaga at pumasok sa nakaawang na pinto ng kamalig. Nahahapong sumandal siya sa poste sa pinakasentro ng kamalig. Mula sa isang sulok ay ibinagsak sa kanya ang isang lubid. "Itali mo ang sarili mo sa haliging iyan!"

"A-ano ang gagawin ninyo sa akin?"

"Sundin mo ang sinasabi ko! Itali mo ang sarili mo sa haligi! Aabutin ko ang magkabilang dulo sa likod mo 'pag naibuhol mo na ang sarili sa kahoy. Bilisan mo!"

"Hindi ninyo magagawa ito!" hiyaw niya. Halos panawan ng malay sa matinding pagod, takot, at kawalang-pag-asa.

Hindi na malalaman ni Jason ang mangyayari sa kanya. Sino sa villa maliban kay Manuel ang nakakaalam ng abandonadong bodegang ito? Itinutok ng matanda ang baril sa kanya at muli siyang inutusang itali ang sarili. Walang nagawa si Divina kundi ang sumunod.

Nang makailang ikot sa katawan niya ang lubid ay inabot ni Manuel ang tali sa likod niya at ibinuhol.

"Bakit gusto ninyo akong patayin? Ano ang kasalanan ko sa inyo?" sunod-sunod niyang tanong. Kailangang tumagal pa ang oras niya. Nagbabaka-sakaling bigyan ng panahon ang kung sino mang nakapunang nawawala siya at si Manuel bagaman gahibla na lang ang pag-asang iyon. Kung marami ang nakakaalam sa lugar na ito'y hindi siya rito dadalhin ng matandang ito.

"Nakikita mo ang mga lata ng gaas na iyon, Divina?" Nakangising inginuso nito ang isang sulok, pagkatapos ay inilapag ang baril sa damuhan at lumakad patungo sa kinaroroonan ng mga lata ng gas, binuksan isa-isa. "Susunugin ko ang kamalig na ito at dahil linggo ngayon ay walang mga taong agad na makakadalo at susugpo sa apoy. Isang kilometrong mahigit mula rito ang pinakamalapit na bahay ng mga tauhan."

"No!" sindak niyang sigaw. "Oh, please, no! Malalaman nila ang ginawa ninyo! Naroon sa bahay ang silyang de-gulong ninyo!"

Unti-unting sumilay ang makamandag na ngiti sa mga labi nito, pagkatapos ay humalakhak.

"Hindi nila ako paghihinalaan, Divina. Natitiyak kong hindi. Si Delio ang paghihinalaan nilang gumawa nito sa iyo!"

"Si Delio?" gilalas niyang usal. Sinundan ng tingin ang hinayon ng matandang lalaki. Noon lang niya napansin na sa kabilang bahagi ng kamalig ay ang nakahambalang na katawan ni Delio. "Oh, my god! Ano ang ginawa ninyo sa kanya?"

Ngumisi ang matandang lalaki. "Patay na siya, Divina. Sadya ko siyang inabangan kagabi sa bukana ng asyenda. Nagtiyaga akong maghintay sa kanya roon mula alas-onse ng gabi."

Nanuyo ang lalamunan ng dalaga. "A-ano ang— kasalanan niya sa inyo?"

Umismid ang matanda. "Hindi sinasadyang natuklasan ni Delio na ako ang nag-utos sa dalawang lalaking patayin ka, Divina! Nakita niya nang katagpuin ko ang dalawang lalaki isang hatinggabi sa ibaba ng villa at ibigay ang bayad sa mga ito. Narinig niya ang pinag-usapan namin. Natuklasan niya ang lihim ko at nagsimula siyang i-blackmail ako! Wala na akong perang maibibigay sa kanya. At kahapo'y hinihingan na naman niya ako ng malaking halaga! At kung tutuusin, kung wala ang mga antigong alahas ng matandang Agueda ay wala akong kayang ibayad!

Impostor - COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon