Chapter Eighteen

55K 1.2K 7
                                    


DALAWANG araw pagkatapos umalis ng mansiyon ng mga Florencio si Devin ay dumating siya sa asyenda Ventura bilang si Ninia.

"Sino ka ba, ineng?" Si Nana Lucing.

"Ninia po ang ngalan ko. Nakausap ko na po kayo noong nakaraan sa telepono. Kaibigan at classmate po ako ni Devin," wika ng dalaga na nagpigil na yakapin ang matandang katiwala. "Usapan po namin bago siya umuwi dito na darating ako bago ang birthday niya."

Biglang nagkaroon ng lambong ang mga mata ng matandang katiwala. "Naku, hija, eh, wala si Devin dito sa asyenda, ah."

"Ho? Ano ang ibig ninyong sabihin?"

"Nag—nagbakasyon si Devin, ineng." ang matanda na umilap ang mga mata at luminga sa kabahayan.

Sa mga kasambahay ay wala nang pag-asang makita at magbalik pa si Divina. May mga nagbalitang na-kidnap ito at maaaring pinatay o ginawan ng masama. May dalawang tauhan sa asyenda ang nakakitang may tumutugis kay Divina nang hapong iyon subalit walang nagawa dahil mga nakayapak bukod pa sa malayo. At bago pa nakarating sa bahay-asyenda ang mga ito upang ipaalam kay Manuel ay maraming sandali na ang lumipas. Bukod pa roon ay nahati ang atensiyon ng mga tauhan dahil agad na inatake sa puso ang matandang lalaki.

Ang ilang tauhang sumama upang tumulong ay wala nang dinatnan sa lugar na kinakitaan ng dalawang lalaki. Hindi rin naman namukhaan ng mga ito ang dalawang nakakabayo dahil malayo mula sa kinaroroonan nila. Nabalitaan din ang pangyayaring aksidente sa highway subalit walang nag-iisip na mag-ugnay niyon sa pagkawala ni Divina. Para sa mga taga-Sta. Clara ay isa lamang iyon sa maraming aksidenteng nangyayari sa daan.

May kung ilang araw ding walang hinto ang mga tauhan sa paghahanap kay Divina sa buong asyenda subalit bigo ang mga ito. Si Manuel ay nawalan na ng pag-asang makita pa ang anak. Nai-report na rin sa pulisya ang pagkawala ni Divina.

Tanging sila lamang ni Tata Vener ang umaasa pang magbabalik si Devin.

Ngumiti si Devin. "Siguro naman po ay babalik siya bago dumating ang birthday niya. Usapan po namin iyon," patuloy ng dalaga na pilit iniiba ang tinig.

"Umaasa kaming ganoon nga ang mangyayari, ineng." itinaas ni Nana Lucing ang apron at ipinahid sa nagtutubig na mga mata.

"Naku, eh, paano po ngayon iyan? Nagpaalam pa naman ako sa dormitoryo na isang linggo ako dito. Hindi po agad ako makababalik sa Maynila."

"Maghintay ka rito, ineng, at kakausapin ko si sir Manuel. Isusuhestiyon kong manatili ka dito nang kahit ilang araw at baka umuwi si Devin. Maiwan muna kita."

tumango si Devin at umupo sa antigong upuang narra, iginala ang paningin sa loob ng malaking bahay-asyenda. Walang nabago. Siya lamang ang nabago. At patuloy sa pagiging impostor. Kahit ang sariling katauhan ay hindi niya maangkin. Isang pamilyar na tikhim ang nagpalingon sa kanya.

"May bisita pala kami." si Delio na sinuyod siya ng tingin. "At magandang bisita..." ibinigay nito sa kanya ang ngiting kinalolokohan ng maraming babae sa buong bayan ng Sta. Clara. Lumapit ang binata sa kanya at inilahad ang kamay. "Ako si Delio. Pamangkin ako ng tito Manuel..."

Pilit na ngiti ang ibinigay ni Devin. "Ako naman si Ninia. Dormmate at classmate ko si Divina. Inaasahan niya ang pagparito ko." unti-unti niyang hinahatak ang kamay subalit hindi binibitiwan ng binata.

"Tsk, tsk. wrong timing ang dating mo, Ninia. Hanggang ngayon ay wala pang balita sa stepsister ko. Magdadalawang buwan na siyang nawawala..."

"Oh!" Nagkunwa siyang nabigla. "Ang sabi sa akin ni Nana Lucing ay nagbabakasyon lamang si Devin..."

Umiling si Delio. "Ang matandang iyon talaga. Palibhasa'y alaga si Divina ay hindi matanggap ang pagkawala niya. Subalit iyon ang totoo. Bigla na lamang nawala ang stepsister ko." at ikinuwento nito sa kanya ang bali-balita sa buong asyenda. "At hindi na kami umaasang buhay pa si Devin, Ninia..."

Muli ang pagkukunwaring panlulumo ni Devin. "H-hindi ko mapaniwalaan ito. Usapan namin ni Devin ay paparito ako isang linggo bago ang birthday niya."

Hinawakan ni Delio ang kamay niya. "Para hindi masayang ang pagtungo mo rito sa Sta. Clara ay inaanyayahan kitang manatili rito kahit isang linggo, Ninia."

"Tulungan mo akong bumaba, Delio!" Mula sa itaas ay ang malakas na tinig ni Manuel. Sabay na napatingala ang dalawa. Si Devin ay kulang na lang na takbuhin ang ama.

Umusal ng paumanhin si Delio at naiiritang pumanhik sa itaas upang tulungang bumaba si Manuel. Si Nana Lucing ay nagkakandahirap na ibaba ang wheelchair. Nang maibaba ang matanda at ang silya nito ay muling umupo si Manuel at nakangiting pinagulong ang silya patungo sa kanya.

"Kaibigan mo ba ang anak ko, hija?"

"Magandang... hapon po," aniya sa baradong tinig.

"Umupo ka uli," utos ng matanda. "Sinabi na ba sa iyo ni Nana Lucing ang tungkol sa anak ko?" Nagkalambong ang mukha nito.

"Ako ang nagsabi sa kanya ng katotohanan, Tito Manuel." si Delio. "As usual, iba ang bersiyon ni Nana Lucing." tinanaw nito ang matanda na walang imik na nagbalik sa kusina.

"Ikinalulungkot kong hindi mo dinatnan ang anak ko rito, Ninia. Ako ma'y nagawa na ang lahat upang malaman ang totoong nangyari sa kanya. Baka patay na ang anak ko." nabasag ang tinig ng matanda sa bahaging iyon.

Buhay ako, Papa! Ako si Devin, gustong sabihin ng dalaga pero inawat ang sarili. Hindi niya kailangang magpadala sa emosyon. Kailangang malaman niya kung sino ang may gustong mamatay siya at kung bakit.

"At para naman hindi masayang ang pagtungo ni Ninia rito, Tito Manuel, inanyayahan ko na siyang magbakasyon na nang tuluyan kahit isang linggo," patuloy ni Delio na makahulugang tumititig sa kanya.

"Bakit nga ba hindi, hija? Magkaibigan kayo ng anak ko. Nabanggit ka niya sa akin. At ikaw lamang ang kaisa-isa niyang kaibigan. Ikinagagalak kong imbitahan kang manatili rito."

"Salamat po, M-Mr. Ventura." tumihim siya, sinisikap na manatiling iba ang tinig. "Talaga pong gusto kong makarating dito sa asyenda. Matagal nang naibibida ni Devin sa akin ang lugar na ito."

"Don't you worry, Ninia," Delio smiled. "Ako ang magiging tourist guide mo sa buong asyenda."

isang ngiti ang isinagot ni Devin. Si Manuel ay muling tinawag si Lucing upang samahan sa itaas ang bisita.

"Ipagamit mo sa kanya ang silid ng anak ko, Lucing."

"Opo, sir Manuel. Tayo na, ineng..."

lis2315

Impostor - COMPLETED (Published by PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon