"PARATI kong nililinis ang silid mong ito, Devin." si Nana Lucing na inalis ang bed cover. "At itinago kong lahat ang mga laruan mong ibinili sa iyo ng Senyora Agueda."
Matamis na ngumiti ang dalaga. "Marami pong salamat, Nana Lucing. At lalo po akong nagpapasalamat sa pananatili ninyo sa bahay na ito kasama ng Papa sa kabila ng iba na ang pamilya niya."
Bumuntong-hininga ang matanda. "Naipangako ko sa yumaong Senyora Agueda na hindi kami aalis dito, Devin." bumahid ang lungkot sa tinig nito, itinaas ang kimona at nagpahid ng mga mata. "Nitong nakaraang mga taon ay naisip kong patayuan na ng bahay ang kapirasong lupang ibinigay sa amin ng lolo at lola mo nang nabubuhay pa ang mga ito...."
"Bakit po hindi ninyo ginawa? Matatanda na kayo ng Tata Vener at hindi na dapat nagtatrabaho. Tutal naman ay pagkakalooban kayo ng Papa ng pension."
"Kasama sa ipinapangako sa amin ni Senyora Agueda ang hindi ka iwan, Devin. At nang umalis ka'y naisip kong umalis na rin kaming mag-asawa, lalo na at may ilang taon na hindi ka naman umuuwi. Pero ang sabi ni Vener ay babalik ka pagdating ng takdang panahon... at ikaw na ang magiging panginoon ng buong asyenda."
Banayad na natawa ang dalaga. "Salamat po nang marami sa mga pagtingin ninyo sa akin, Nana. Pero hindi po ako ang panginoon ng asyendang ito kundi ang Papa..." napalingon ang dalaga at si Nana Lucing sa tikhim na nagmumula sa pinto. "Papa!"
"Ibinigay pala sa iyo ni Lucing ang luma mong silid, Divina," wika ni Manuel na marahang pinagulong ang wheelchair sa loob ng silid. "Hindi ba maliit na ito para sa iyo, anak?" Sinulyapan nito si Lucing na magalang namang lumabas ng silid.
"Papa, hindi ba makasasama sa iyo ang lumabas ng silid? Bakit hindi ninyo tinawag ang Tita Stella o di kaya ay si Delio?" Tumayo ang dalaga at siya na mismo ang nagtulak sa wheelchair ng ama.
Tumiim ang mukha ni Manuel. "Huwag mo ngang mabanggit-banggit sa akin ang lalaking iyon na wala nang ginawa kundi ang manghingi ng salapi," galit na sagot ni Manuel. "Si Stella naman ay parating nasa bayan at nakikipagsosyalan sa mga kaibigan at kakilala."
Isang buntong-hininga ang pinakawalan ng dalaga. Hindi kailangang sabihin sa ama na nakita niya sa leeg ni Stella ang choker ng Lola Agueda niya. Makasasama lamang ito sa kalagayan ng ama.
"Bukas, hija, ay sasamahan kitang mamasyal sa buong asyenda," masiglang wika ni Manuel. "Siguro naman ay hindi mo pa nakalimutan ang pangangabayo, hija?"
Hindi agad nakakibo ang dalaga. Apat na taon pa lamang siya'y pinaturuan na siyang mangabayo ni Donya Agueda at sa pagsapit niya sa edad sampu ay isa na siyang magaling na horsewoman. Subalit nang mamatay sa aksidente si Lira ay iniwasan na niyang sumakay uli sa kabayo.
"O, ano, hija? Anong oras kita ipagigising kay Lucing?"
"Kung anong oras ninyo gusto, Papa," sagot niya sa pilit na pinasiglang tinig. Nagkaroon siya ng phobia sa pangangabayo mula noon pero hindi niya gustong biguin ang pagnanais ng ama na magkasama sila na hindi nito ginagawa noong araw. Gusto niyang bawiin ang mga panahong hindi sila magkasama. "Pero hindi ba makasasama sa inyo iyon?"
"Manonood lamang ako, hija, sakay ng pesteng wheelchair na ito." naiiritang niyuko nito ang silyang de-gulong. "At sa simula nama'y hindi mo gugustuhing lumayo muna, 'di ba?"
HATINGGABI na'y hindi pa makatulog si Devin. Naninibago siya at namamahay marahil. Sa loob ng walong taon ay ang silid niya sa dormitoryo ang nakasanayan niya. Tunog ng airconditioner ang naririnig niya at mga busina ng nagdaraang mga sasakyan.
Subalit sa oras na iyon ay banayad na mga tikatik ng mahinang ulan ang naririnig niya. Ganoon din ang pagaspas ng mga dahon ng niyog na hinihipan ng malakas na hangin at mga huni ng panggabing insekto. Maliban doon ay laganap ang katahimikan at malamig ang simoy ng hangin na pumapasok sa bahagyang nakabukas na mga bintana.
BINABASA MO ANG
Impostor - COMPLETED (Published by PHR)
RomanceBago siya nawalan ng malay ay si Divina Ventura siya, a twenty-year-old student. Nang muli siyang magmulat ng mga mata'y siya na si Mariz Florencio. Twenty-nine and married to a famous handsome businessman, Jason Florencio. At tinaglay niya ang pina...