"ANG GANDA-ganda ng anak ko!"
Napangiwi si Jovita habang nakatingin sa kaibigang si Aracelli. Tatlong taong gulang ang anak nito na nakasuot ng kulay-pulang sando at may katerno ring pulang short. "Taylor" ang pangalan ng bata. Nilagyan ito ng kanyang kaibigan ng headband na may malaking bulaklak. Napakagandang bata... pero lalaki ito!
"Babagay sa 'yo ang lipstick na pink!" patuloy ni Aracelli at inilabas ang lipstick sa malaking makeup case.
"Ano ka ba?" hindi nakatiis na sabi ni Jovita sa kaibigan. Magkababata sila. Katulong ang kanyang ina sa hacienda nina Aracelli. Naging magkaibigan sila kahit hindi pantay ang estado nila sa buhay. Mayaman ito, mahirap siya.
Dinalaw niya ngayon si Aracelli dahil naghahanap ito ng yaya para sa anak at may kilala siyang puwedeng ipasok. Siya sana ang gusto nitong kunin pero may sarili na rin siyang pamilya.
Bata pa lang, kakaiba na si Aracelli. Sino bang anak ng haciendero ang makikipagkaibigan sa anak ng katulong? "Ma'am" ang tawag ni Jovita kay Aracelli noong una pero nagagalit ito kapag tinatawag nang ganoon. Hanggang sa nagkapalagayan nga sila ng loob at naging matalik na magkaibigan. Siya ang hingahan nito ng sama ng loob, kahit pa nga sa Maynila ito nanatili habang naiwan naman siya sa Bacolod.
Nag-iisang babae si Aracelli sa pamilya at hindi iyon nakaganda para dito. Kung sa iba, bine-baby ang mga bata, sa pamilya ni Aracelli ay mahina ang tingin dito. Titulado ang buong pamilya ng kanyang kaibigan. Sa limang kapatid nitong lalaki, tatlo ang abogado, isa ang doktor, at ang isa naman ay chemist daw. Hindi masyadong alam ni Jovita kung ano iyon, basta iyong gumagawa raw ng mga gamot. Si Aracelli ay ginustong maging abogado ng mga magulang pero bata pa sila, gusto nang maging artista ng kaibigan niya. Walang artista sa pamilya ng mga ito.
Hindi lang pag-arte ang hilig ni Aracelli, kundi maging ang pagkanta at pagsayaw. Mahilig din ang babae sa mga art-art, tulad ng pagpipinta at pagsusulat. Walang lugar ang kaibigan ni Jovita sa sariling pamilya na lulong sa pagnenegosyo. Naaawa siya kay Aracelli, kahit madalas na gusto niyang pagsabihang maging pratikal at tumulad na lang sa mga kapatid. Pero malabong mangyari na maging praktikal ang babae dahil masakit mang tanggapin, hindi ito "normal" kung mag-isip.
bata pa lang sila, may mga kakaiba nang katangian si Aracelli. Iyon nga siguro ang pinakamalaking dahilan kung bakit madalas itong mapagalitan ng mga magulang. Sa isang banda, iyon din ang dahilan kung bakit sa kabila ng lahat, nanatiling masayahing tao ang kaibigan ni Jovita.
Mahirap ipaliwanag kung paano mag-isip si Aracelli. Siguro, puwedeng sabihin na mayroon itong espesyal na abilidad na tawanan ang lahat ng problema at gawin ang lahat ng gusto, kahit maraming tutol doon.
Sa kabila ng pagiging istrikto ng mga magulang, sa kabila ng pagpipilit na ilagay ito sa kahon kung saan naroon din ang mga kapatid, nagtagumpay si Aracelli na gawin ang gusto. Kaya lang, ang naging kapalit naman niyon ay ang pagtakwil dito ng mga magulang. Sinabihan nga ni Jovita ang babae na ipaglaban ang karapatan sa yaman ng pamilya, pero kontento na raw ito sa nakukuhang dibidente sa kompanya. At hindi tulad ng mga kapatid, walang allowance si Aracelli at walang natanggap na regalong bahay at kotse. Bukod doon, hinala rin ni Jovita na malaking pera ng kompanya ang hindi na nababantayan ni Aracelli, dahilan para makapagtayo ng iba't ibang negosyo ang mga kapatid nito.
May mga negosyo man si Aracelli, pero nalulugi lahat. Hindi namana ng kaibigan ni Jovita ang husay sa pagnenegosyo, bukod pa sa palaging nasasamantala ng mga empleyado. Ayaw din namang magdemanda ni Aracelli sa mga magnanakaw na empleyado, palibhasa kapag iniyakan na ay lumalambot na ang puso.
"What?" tanong ni Aracelli nang hawakan niya ang kamay nitong may hawak namang lipstick. "Gusto ko lang namang maglaro kaming mag-ina."
"Hindi nilalaro ang ganyan kabatang edad. Magiging bakla 'yan."
"Nonsense." Umiling ang kanyang kaibigan at ipinagpatuloy ang pagpapahid ng lipstick sa bata na mukhang tuwang-tuwa naman.
Naloko na. Kapag naging bakla itong batang ito, si Aracelli ang may kasalanan. Lalong magagalit sa kanya ang mga magulang niya.
Napabuntong-hininga na lang si Jovita. Hanggang paalala lang naman siya sa kaibigan kahit noon pa, paano nga, sumasayaw sa sariling kanta ang babae. Sa kabila man ng lahat, para bang naniniwala si Aracelli na lahat ng tao ay mabuti—maski ang sariling pamilya na hindi naman naging mabuti rito. Hindi naman masama ang pamilya ni Aracelli, pero bakit itatakwil ang isang anak na kakaiba? Imbes na intindihin, pilit inilagay sa isang hulmahan at nang hindi kumasya ay pinabayaan na lang. Hindi man lang naging ilaw o posteng puwedeng kapitan. Hindi nga siguro pinabayaan nang tuluyan sa pinansiyal na aspeto pero pinabayaan naman pagdating sa emosyonal.
Minsan, may mga nagsasamantala sa pagkainosente ni Aracelli. Tulad na lang ng ama ni Taylor. Ni hindi nakilala ni Jovita ang ama ng bata, pero base sa kuwento ng kaibigan, isang bakasyonista raw sa Palawan ang lalaki at doon nabuo ang pagmamahalan ng dalawa. Isang Briton daw ang lalaki.
Halos mukha nang foreigner si Taylor dahil bukod sa Briton na ama, may lahi ring Kastila ang pamilya ni Aracelli. Bukod sa ibang lahi na nasa dugo ng bata, wala ring pandak sa mga kapatid ni Aracelli. kaya malamang na paglaki ni Taylor ay pagkalaking lalaki nito. Parang hindi bagay kung magiging bakla.
Pero ano ang magagawa ni Jovita kung mukhang tine-training na ni Aracelli na maging bakla? Baka gusto ng kaibigan na malinya rin ang bata sa mga teatro-teatro kagaya nito kaya ganoon ang ginagawa.
"Anong nonsense? Kung bata pa, eh, binibihisan mo na ng babae, iisipin niya na babae siya at hindi lalaki. Aracelli, mag-isip-isip ka nga," sabi niya.
"Hindi 'yan totoo," giit ng babae. "Isa pa, siya naman talaga ang gustong maglaro ng mga makeup ko. Ayoko namang pigilan ang bata."
Maloloka na si Jovita sa kaibigan. Kinarga niya si Taylor at dinala sa kuwarto kung saan naroon ang mga laruan nito. Mayroon din namang panlalaki. Sarisari ang laruan ng bata, mula manyika hanggang kotse-kotsehan. Pero umiling si Taylor nang abutan niya ng kotse, sa halip ay itinuro ang Barbie—iyon ang gusto nito.
"Naloko na." Ibinaba ni Jovita ang bata sa sahig at naupo sa harap nito, hawak ang dalawang laruan. "Itong Barbie, pambabae ito, anak. Itong kotse, ito ang panlalaki. Mamili ka."
Walang pagdadalawang-isip na inabot ni Taylor ang Barbie, saka ngumiti sa kanya, pulang-pula ang mga labi ng lipstick at kalat ang makeup sa mukha.
"Naloko na tayo," sabi niya. "Paglaki mo, siguradong malaking lalaki ka. Ngayon pa lang, ang laking bulas mo na. Hindi babagay sa 'yo ang lelembot-lembot. Naku, kung puwedeng ako na lang ang mag-alaga sa 'yong bata ka. Ang mommy mo, mabait, pero hindi natin malaman kung ano ang naiisip paminsan-minsan."
Pero parang hindi na nakikinig sa kanya ang bata. Busy na ito sa paghaplos sa mukha ni Barbie. Nalintikan na. Inilabas na lang uli ni Jovita si Taylor ng kuwarto at nagpunta sa kusina. Nagpapaluto si Aracelli ng pagkain sa kasambahay.
"Anong oras ba dadating iyong yaya, Jovs?" tanong ni Aracelli.
"Padating na rin 'yon."
Hinintay nila ang magiging yaya ni Taylor. Hindi na kaya ni Manang Empay, ang yaya pa noon ni Aracelli sa hacienda, ang mag-alaga dahil matanda na at nagsisimula nang maging malikot ang bata.
Kinarga ni Aracelli si Taylor at naiwan sila ni Manang Empay sa kusina.
"Manang, bakit hindi ninyo pagsabihan si Aracelli? Parang gusto pang maging bakla ang anak?"
"Naku, ikaw na ang tumutol sa gusto ng batang 'yan at makakarinig ka ng mga kakaibang katwiran. Sinabihan ko na ngang huwag nang payagang maglaro ng makeup, aba'y binilhan pa! Ang palayaw pa sa anak—Lori!"
Napahawak sa noo si Jovita. "Nabaliw na yata."
"Alam mo namang noon pa 'yan medyo alanganin. At bata pa lang, pangarap nang magkaroon ng anak na babae. Sa kasamaang-palad, lalaki ang ibinigay ng langit. Kaya ngayon, pilit ginagawang babae ang anak. Hindi na ako magtataka kung 'yong bata ay magsimulang kumembot-kembot."
Napabuga na lang ng hangin si Jovita. Ano ang magagawa niya kung ang desisyon pagdating sa bata ay ina ang masusunod?
Nang dumating si Saleng, ang bagong yaya ni Taylor, ay agad niya itong pinagsabihan.
"Kapag hindi nakatingin si Aracelli, turuan mo ang bata kung paano maging lalaki. Balitaan mo na lang ako."
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...