KINABUKASAN nga ay nakatanggap si Daleng ng tawag mula kay Taylor. Sa pananalita, wala siyang nakaringgang landi o lambot sa boses ng lalaki, hindi tulad ng mga barkada niyang beki. Pero alam niyang hindi naman lahat ng beki ay malanding kausap.
Nagkasundo silang magkita kinabukasan sa isang tahimik na restaurant sa isang hotel. Nagbihis nang maganda si Daleng at lumarga na. Pagkarating sa restaurant, sinabi niya ang pangalan ni Taylor. May reservation nga raw pero wala pa ang lalaki. Pinadalhan niya ito ng text message na nagsasabing naroon na siya. Ang reply nito: I will be there in fifteen minutes. Order anything you like.
Tinawag na ni Daleng ang waitress at kinuha ang menu. Laking gulat niya nang makita ang presyo pero ipinagkibit na lang iyon ng balikat, kahit pa nga gustong manghinayang. marami na sana siyang mabibili para sa pangangailangan ng pamilya sa presyo ng kakainin niya. Malaking tulong na sana. Nahiling din niyang sana, maalala ni Taylor na abutan siya, sakaling hindi sila magkasundo.
Hindi man lang naitanong ni Daleng kay Aling Saleng kung ano ang hitsura ni Taylor pero sa pagkakasabi ni Nanang Jovita, lumalabas na malaking lalaki ito. Sabi ng matanda, "Ka laki-laking lalaki, naging bakla. Buhay nga naman. Pero inasahan ko na. Bata pa lang, nagme-makeup na."
So malamang na malaking tao si Taylor. Walang masyadong sinabi si Aling Saleng, maliban sa mayaman daw ang pamilya nito at siguradong hindi siya magkakamali ng lalapitan. Mabait din daw si Taylor at mapagkakatiwalaan. Iyon lang naman ang kailangan niyang malaman. Hindi naiisip ni Daleng na mapapahamak siya dahil una, kung bakla ito, hindi siguro gugustuhin ng Taylor na iyon na pagsamantalahan siya dahil hindi naman ito attracted sa isang babae.
Pangalawa, ang sinabi ni Nanang Jovita na ayaw nito sa ideya niya dahil isa raw iyong kabaliwan at hindi dahil sa tingin nito ay mapapahamak siya. Naiisip ni Daleng na magiging magkaibigan sila ni Taylor at iyon naman ang gusto niyang mangyari.
Tinawag ni Daleng ang waitress. "Miss, alin ba dito ang masarap? Iyong may rice." Hindi na siya magkunwari na marunong sa mga pagkaing hindi niya mabasa nang tama. Hindi naman Ingles ang mga iyon.
Sinabi naman ng waitress na walang rice ang mga pagkain doon dahil French cuisine daw pero puwede raw siyang um-order ng kanin. Ganoon nga ang ginawa niya.
Nang dumating ang pagkain, muntikan nang mapaismid si Daleng. Halagang dalawang libo pero ganoon lang kaliit ang karne? Aba, kung o-order siya ng isang mechado sa karindeya ay mas malaking slice pa yata ang makukuha niya. Pero may kasama namang gulay at soup na kulay-brown at may nakalubog na tinapay. Gusto niyang matawa. Hitsurang malabnaw na kape iyon na nahulugan ng pandesal. Ganoon pala ang sabaw ng mga sosyal, itlog na lang ang kulang ay pakaplog na. Tinikman niya ang sabaw at biglang napatango. In fairness, masarap.
Anuman ang mangyari sa usapan nila ni Taylor, isa na ring karanasan iyon. Mas na-appreciate siguro niya kung nangyari iyon nang hindi siya tuliro dahil habang nandoon siya ay palaki nang palaki ang babayaran sa ospital.
Naubos agad ni Daleng ang pagkain. Masarap, in fairness. Pinakamasarap na luto ng karne na natikman niya kahit pa nga may dugo-dugo. Hindi naman siya ganoon kaignorante at alam niyang iyon ay "medium rare." Marami rin siyang natutunang term sa mga magkakarne sa palengke. Alam niyang kapag mayaman, hindi lutong-luto ang karne.
Ang tagal naman ng baklita, sa isip-isip ni Daleng. Tumawag si Taylor, sinabing hindi inasahan ang aksidente ng ibang motorista sa daan kaya magtatagal ito. Um-order lang daw siya at kapag nalagpasan nito ang aksidente, naroon na ito sa loob ng limang minuto. Walang problema. Malaki pa ang space sa kanyang tiyan para sa pagkain. Nagtanong uli siya sa waitress at para hindi nakakahiya, doon naman siya sa appetizer at dessert pumili. Baka sabihin naman ni Taylor, nakadalawang lunch siya.
Pagkaraan ng beinte minutos, dumating na ang order, pero wala pa rin si Taylor. Hindi na nagmadali si Daleng. "Brie en croute" ang pinili niya na mukhang pie at may kasamang mga prutas at crackers nang ihain. Nang hiwain niya ay creamy keso ang nasa loob, may mga mani at honey, ayon na rin sa waitress. Tinikman na niya iyon at muntikan nang mapapikit sa sarap.
Anak ng tipaklong, mabobondat ako dito! sa isip-isip ni Daleng. Hindi niya maintindihan kung anong klaseng lasa iyon, pero masarap. Naubos niya iyon agad kahit napaso-paso pa ang kanyang dila dahil mainit-init pa. Saglit siyang nag-isip kung magpapa-take out, tutal sinabi naman ni Taylor na order-in niya ang lahat ng gusto niya. Sa huli, naisip niyang baka hindi maganda ang maging impression ng lalaki sa kanya.
Dinala na ng waiter ang huling order niya, chocolate cake na may mainit na gitna na purong chocolate. Hindi na maalala ni Daleng kung kailan siya huling nakatikim ng masarap na chocolate. Mahilig siya doon pero madalas na iyong mumurahin lang ang binibili dahil sa kakulangan sa budget.
Binanatan niya ang cake at kasusubo pa lang niyon nang marinig ang isang magandang boses ng isang lalaki. "Good afternoon. I'm sorry, I'm late."
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...