Chapter Seventeen

15.1K 479 2
                                    

"ANO'T sambakol 'yang mukha mo? Buntis ka na ba?"

Napaungol si Daleng. Iyon nga ang masaklap, hindi siya buntis. Pero dapat na inasahan na niya dahil hindi naman siya nag-o-ovulate noong honeymoon nila ni Taylor. Ang nakakainis, tatlong linggo na niyang hindi nakikita ang asawa at wala pa rin ang kanyang passport. Long holiday kasi, kasama sa bilang ng mga araw ang holiday kahit nagpa-rush pa siya. Nakahanda na ang requirements ni Daleng para sa visa application. Madali na raw ang application, sabi ng agency na nag-aasikaso. Pero walang magagawa ang mga ito sa schedule ng DFA dahil hindi siya lumapit sa mga ito kundi kusang nagpunta doon. Isa pa, talagang minalas siya dahil natiyempo sa mahabang bakasyon.

"Nami-miss ko na po ang asawa ko."

"Asus." Napaismid ang kanyang ina kahit nakangiti naman. Naroon na sila sa kanilang bahay sa Tandang Sora. Nakalipat na sila dahil fully paid na ang bahay. inaasikaso na rin ni Daleng ang negosyong naisip, kasama ang mga kapatid. Pinag-resign na niya ang mga ito sa kanya-kanyang trabaho para mag-focus sa kanilang negosyo.

Magbubukas na sa darating na linggo ang negosyo nila na isang construction supply store. Milyon pala ang puhunan pero ang iba namang mga produkto ay hindi agad babayaran sa supplier. Natuklasan niyang basta may pera, madali na ang lahat.

"Kumain ka na muna. Padating na rin ang mga kapatid mo. Nang iwan ko sa tindahan, eh, nagkakamada na lang ng mga pintura. Ayos na ang buto-buto. Ang kailangan na lang natin, ibang supplier. Pero darating na din 'yan kapag nakitang bukas tayo."

Tumutulong din ang ina ni Daleng sa pag-aasikaso sa kanilang negasyo. Sanay sa bentahan ang buong pamilya dahil bata pa lang, nagbebenta na sila ng kung ano-ano.

Excited silang lahat sa bagong negosyo. Sa ngayon, dalawa pa lang ang tao nila pero sa pagbubukas ay magkakaroon na sila ng truck na second hand at isang driver, pati na rin isang tricycle para sa mga maliliit na delivery.

Pumunta na si Daleng sa hapag, hawak ang phone. Naiinis siya na mahirap makausap si Taylor dahil nasa kung saan-saang lugar ang lalaki, inaasikaso ang venture. Bukod doon, iba rin ang oras nila. Kadalasang tulog si Taylor kapag gising siya at gising naman ito kapag tulog siya. Hindi malaman ni Daleng ang gagawin minsan kapag miss na miss na ang asawa. Para siyang mababaliw na hindi niya maintindihan. Mas malala pa kaysa sa ex niya nang mag-abroad.

Habang kumakain, nag-ring ang kanyang phone. Agad iyong sinagot ni Daleng nang makitang si Taylor ang tumatawag. Mahahalata ang pagod sa boses ng asawa.

"How are you?" tanong nito.

"Ayos naman. Ikaw? Parang pagod na pagod ka. Natulog ka ba?" Alam niyang umaga sa New York, kung saan naroon ang kanyang asawa.

"A bit. Gusto ko lang makausap ka bago ako umalis mayamaya. I'm having my coffee. You?"

"Hapunan naman dito. Nag-adobo si Nanay ng manok, saka kaunting bitsuwelas na gisado. Ikaw?"

"Nothing. Just coffee."

"Nakakainis ka." Iyon ang madalas ihabilin ni Daleng sa asawa, na huwag magpapagutom, pero parang hindi naman sinusunod ni Taylor. Madalas na walang pagkain sa bahay ng lalaki at nagpapa-deliver lang sa gabi. Madalas kasing gabing-gabi na ito kung makauwi. Sa umaga naman, kape lang ang ilalaman ni Taylor sa tiyan at lalarga na naman. Kung sana kasama siya nito, siya na sana ang nag-aasikaso rito. Ang problema nga ay ang mga lintek na papeles. Bakit ba ang hirap kumuha ng mga papeles na iyon? Para namang hindi pag-aari ng mga tao sa mundo at may mga lugar pa na hindi basta-basta mapuntahan. Nakaka-frustrate para kay Daleng. Wala naman siyang balak na gumawa ng masama, pero kailangan pa ring mag-apply ng visa. Kunsabagay, wala naman daw magiging problema. Kaya lang, gusto na talaga niyang makasama ang asawa. Hindi fair. Kakakasal pa lang nila, nagkahiwalay na agad.

"Nainis ka na naman sa akin." halatang nakangiti si Taylor base sa tono nito. "I'm used to not having a heavy breakfast."

"Ang kaso nga, marami kang ginagawa. Kumusta na ba ang mga inaasikaso mo? Hindi ka ba makakasaglit ng uwi?"

"Unfortunately, no. This coming week will be a lot more hectic than the past weeks. We will be product testing. The final one hopefully, for this first line. I've been working on this for years and I can't wait to see the results."

Pinabayaan ni Daleng na magkuwento ang asawa. Nakakatuwang pakinggan ang lalaki dahil halatang gusto nito ang ginagawa.

"I have been featured yesterday. You can see it online," sabi ni Taylor mayamaya.

"Sige, hahanapin ko," sabi niya, kahit sa totoo lang, hindi siya masyadong marunong sa internet. Facebook lang ang ginagamit niya noon, chat-chat sa kanyang ex. wala pang singkuwenta katao ang friends niya sa Facebook. Sabihing accessible na ang internet ngayon pero wala talaga siyang hilig.

"How have you been?"

"Ayos naman. Malapit na rin kaming magbukas ng tindahan."

Matagal-tagal pa silang nagkuwentuhan hanggang sa magpaalam na rin si Taylor. Mahuhuli raw ito sa appointment. Napapabuntong-hininga si Daleng nang matapos ang tawag. Kahit may kalahating oras silang nag-usap ay bitin na bitin pa rin. Parang gusto niyang abalahin ang asawa para lang sumaya siya.

Pusong Mamon (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon