Chapter Three

18.3K 458 11
                                    

"Nanang? Tao po."

Napatayo si Jovita, saka dumungaw sa pinto. Nasa labas ng bahay ang apo niya sa pinsan, si Magdalena. Ito siguro ang mas dapat niyang problemahin. Dose anyos pa lang ang dalagita, pero ang mga dinanas sa buhay ay daig pa ang sa kanya. Galing itong Maynila at sa squatter's area sa Quezon City lumaki at nagkaisip. Galang bata pero marunong nang dumiskarte sa buhay dahil ito na ang nagpapakain sa mga kapatid. Sugarol at lasenggo ang ama ni Magdalena, habang ang ina naman ay naglalabada para buhayin ang mga anak. pero kinukuha lang ng asawa ang kita nito. Kung hindi pinag-ipunan ni Jovita ang pamasahe ng pamilya pauwi sa probinsiya, mananatili ang mga ito sa Maynila sa piling ng padre de pamilyang nambubugbog.

Ang problema lang sa probinsiya, walang makuhang trabaho si Herminia, ang ina ni Magdalena. Binigyan niya ito ng puhunan para magtinda ng merienda. Pero kulang pa rin ang kita ng babae para sa mga anak kaya si Jovita na rin ang sumasagot ng bigas ng pamilya sa araw-araw.

Walang reklamo ang kanyang mabait na asawa. Dalawa na lang sila ngayon sa buhay. Ang dalawa nilang anak ay pareho nang may pamilya. Ang isa, sinuwerteng makapag-abroad at nasa Kuwait na ngayon bilang domestic helper. Ang isa naman, nakapag-asawa ng OFW nang magtrabaho sa Saudi at ngayon ay nasa bahay na lang, inaalagaan ang mga anak.

Maganda ang buhay ng mga anak ni Jovita, awa ng Diyos. Sa susunod na taon ay uuwi na rin ang panganay niya at may sapat na ipon na raw ang asawa nitong nakamana ng lupang sakahan.

Isang magsasaka mula sa hacienda nina Aracelli ang asawa ni Jovita. Salamat sa agrarian reform na maayos na naipatupad ng pamilya, mayroon na silang maliit na lupang nasasaka. Siya naman ay mayroong sari-sari store sa bahay at kapag Sabado at Linggo ng umaga ay may puwesto sa palengke para magtinda ng kakanin.

"O, Daleng, ano'ng nangyari?" tanong ni Jovita kay Magdalena. Iyon ang palayaw ng dalagita.

"Gusto ko po sanang magpaalam sa inyo, Nanang. Babalik na po akong Maynila."

Nabigla siya. "Ha? Ano'ng pinagsasasabi mong bata ka?"

"Eh, kasi po ang hirap ng buhay dito sa atin. Mas lalo po akong walang mapapala dito, Nanang. May kakilala po ako sa Maynila na magpapasok daw sa akin sa tindahan ng bigas sa Nepa-Q Mart sa Cubao."

"Naku, dose anyos ka pa lang, ineng!"

"Kayang-kaya ko naman po. Maayos naman daw po ang pasahod."

"Sino ba 'yang sinasabi mong kakilala? Mapagkakatiwalaan ba? Baka mamaya mapahamak ka pa. Saka saan ka titira? Doon na naman sa bahay ng ama mong lasenggo?"

"Hindi po, 'Nang. Doon po ako mismo sa bahay ng may-ari ng bigasan titira. Wala na po akong balak bumalik sa bahay namin." Nabahiran ng galit ang magandang mukha ng dalagita. Magandang bata si Magdalena. Guwapo ang ama nito at ang ina ay may hitsura rin. Noong unang panahon, lumuwas sa Maynila ang nanay ni Magdalena at doon nakilala ang isang lalaking inakalang magiging katuwang sa buhay. Madali itong nasilaw sa mga pangako at kaguwapuhan ng isang Manileño.

"Aba'y dapat lang! Baka mamaya, ikaw naman ang hingan n'on ng pansustento sa bisyo niya. Baka mamaya, mahanap ka pa n'on."

"Hindi naman po siguro at kung sakali naman po, wala siyang magagawa. Hindi niya ako puwedeng piliting sumama sa kanya kasi lalaban ako."

"Naku, natatakot ako sa puwedeng gawin ng ama mo."

"Sa palagay ko po, hindi na 'yon manggugulo. Dalawang buwan pa lang po kami dito pero nakatanggap po ako ng sulat sa kaibigan ko. Ang sabi po, may ibang babae na raw na nakatira sa bahay namin. May ibinahay na po siyang bagong babae, Nanang. Kahit paano, maganda na rin. Hindi na niya kami hahanapin. May iba na siyang pagkukunan."

"Ang batang ito." May humaplos na awa sa puso ni Jovita. Hindi tamang marinig ang ganoong galit sa boses ng isang dose anyos na bata pero paano niya ito masisisi? talagang magtatanim ng galit ang isang batang nakita ang ama na binubugbog ang ina para sa kaunting pera.

"Totoo naman po, 'Nang. Alam na po ni Nanay, eh. Natuwa nga po siya imbes na magalit. Para pong nakahinga nang maluwag dahil noong una, nag-aalala na baka mahanap kami ni Tatay dito."

"Napakalakas ng loob mong bata ka para maisipang lumuwas mag-isa."

"Ang akin lang naman, 'Nang, ayokong lumaking walang pinag-aralan ang mga kapatid ko. Tatlo lang naman sila. Kaya na siguro namin ni Nanay, sa tulong ninyo, Nanang. Sana 'wag kayong magsasawa."

"Aba'y hindi, anak. Sigurado ka ba talagang aalis ka na? Naku, baka utuin ka lang ng mga magiging amo mo. Sa bata ng edad mo, marami ang puwedeng magsamantala. Baka dahil doon ka titira, alilain ka nang husto."

"Hindi naman po ako magpapasamantala, 'Nang. Kung sakali po, may mga kaibigan din naman ako doon. Iyon pong teacher ko noong grade six, si Mrs. Mercedes, mabait po 'yon sa akin at taga-Cubao. Siya po ang lalapitan ko, sakali mang magkaproblema sa Maynila, 'Nang. 'Wag po kayong mag-alala sa akin. Kailangan ko lang pong gawin 'to. Iyon pong kakilala ko, nakakapag-aral pa nga. Mabait daw po iyong may-ari ng bigasan. Papamasahihan daw po ako. Ikakaltas na lang sa suweldo."

"Duda ako. Gawa dose anyos ka pa lang, pero tinanggap ka."

Parang napahiya si Magdalena. "Ang sinabi ko po, disisais ako. Iyon din po ang sinabi ng kakilala ko, 'Nang. Hindi naman po nanghihingi ng birth certificate. Saka ako rin naman po ang magpapa-enroll sa sarili ko, sakali mang pumayag silang mag-aral ako."

"Kakausapin ko 'yang kakilala mo."

Pumayag naman ang dalagita at kinausap nga ni Jovita ang sinasabi nitong kakilala. Kaibigan pala iyon ng kanyang apo mula sa eskuwela. Nakapagtapos naman ng grade six si Magdalena. Iyon nga lang, pasang-awa ang mga marka dahil madalas na absent.

Mukhang matino naman ang magiging amo nito. Wala nang nagawa si Jovita, lalo na at nakiusap din ang ina ni Magdalena na pumayag na siya. Mahigpit ang bilin niya sa dalagita na sumulat sa kanya linggo-linggo.

Gabi-gabi, laman ng dasal ni Jovita ang dalawang bata—ang anak ni Aracelli na si Taylor, at si Magdalena. Sana, pagdating ng panahon ay maging matagumpay ang dalawa at higit sa lahat, maging masaya sa buhay. Siya naman ay naroon lang, sakaling kailangan siya ng mga ito.

Pusong Mamon (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon