NAKATINGIN lang si Daleng kay Taylor habang inaayusan siya. Nagsimula ito sa pagpapahid ng kung anong bagay sa kanyang mukha, habang may isang beki naman na nag-aayos ng buhok niya. Nang maikabit na ang mga roller, nagsimula na si Taylor na lagyan siya ng makeup.
Nalula siya nang mapatingin sa malaking lalagyan ni Taylor ng makeup. Isang maletang itim iyon na may mga drawer. May sarili ring salamin ang lalaki na may ilaw.
Hindi maiwasang pagmasdan ni Daleng si Taylor. Ang bango-bango nito, iyong bangong mild at masarap sa ilong. Talagang hindi nababali o tumitikwas ang mga daliri. Para siyang obra maestra na kailangang ipinta ng lalaki. Nang matapos si Taylor, tiningnan siya nito sa salamin mula sa kanyang likuran.
"Perfect."
"Ang ganda ko, Teteng," sabi ni Daleng, tuwang-tuwa. Simpleng-simple lang ang kanyang makeup pero parang ang laki ng iginanda niya.
"You are beautiful." Hinalikan ni Taylor ang kanyang kamay. "I'll leave you and prepare, all right?"
Tumango na lang si Daleng. Naiwan sila ng hair dresser na Pilipino rin pero sa New York nagtatrabaho, kasama raw sa team ni Taylor. May ganoon palang team-team. Ibig sabihin, hindi pala si Taylor ang nag-aayos ng buhok, kundi taga-makeup lang.
"Alagaan mo si Taylor, Ateng," sabi ng beki.
"Oo naman."
"Napakabait niyan. Wala akong masabi."
"Sinabi mo pa. Sobrang bait nga niya. Sayang lang."
"Sayang?" Tumaas ang kilay ng beki. "Bakit naman sayang?"
"No offense naman," depensa agad ni Daleng. "Alam mo na."
"Ano'ng alam mo na?"
Hindi alam ni Daleng kung paano sasabihin ang lahat. Siyempre, alam naman nito iyon kaya bakit kailangan pang sabihin? Kailangan pa ba talaga nilang maglokohan?
"May mga bagay na kahit ano'ng gawin natin, hindi natin puwedeng makuha. Parang sa love. Kahit gaano mo kamahal ang tao, kung hindi mo naman kayang ibigay ang gusto, wala rin," sagot niya.
"OMG." Maarteng tumikwas ang mga daliri ng beki. "Kung tama ang pagkakaintindi ko sa 'yo, naniniwala ka sa mga pinagsasabi ni Sophia. Puwes, bakit mo naman pakakasalan si Taylor kung ganyan ang paniniwala mo, Ateng?"
"Sa amin na lang 'yon."
"Maloloka ako sa 'yo. Ihanda mo na lang ang sarili mo kapag honeymoon na! O baka naman nagkaroon na at hindi mo lang matanggap?"
"Na? Ano'ng nagkaroon na? Ng honeymoon? Siyempre hindi pa, ah."
"Puwes, ihanda mo na ang sarili mo! Nakakaloka ka!"
"Ano'ng ibig mong sabihin?" nalilitong tanong ni Daleng.
"Ikaw ang ano'ng ibig mong sabihin, nakakaloka!" Eksaherado itong kumapit sa dibdib. "Mawiwindang akiz ditey!"
Pilit inalam ni Daleng kung ano ang ibig sabihin ng beki pero ayaw na nitong magsalita. Hindi na siya nangulit pa dahil dumating na ang mama ni Taylor at gustong makita ang kanyang ayos. Tinulungan siya nito at ng kanyang ina na maghanda.
"Ang ganda ng anak ko!" bulalas ng kanyang ina nang maisuot na ni Daleng ang gown. Ngayon lang din siya bumilib nang husto sa sariling ganda. Para siyang artista. Hindi naman nagbago ang kanyang hitsura pero sa pagkaka-makeup ni Taylor, parang ang laki ng iginanda niya.
"You are so beautiful indeed!" sang-ayon ng ina ni Taylor.
Nang matapos ang picture taking, tumuloy na sila sa ibaba kung saan naghihintay ang magkakasal sa kanila ni Taylor. Kahit paano, kabado si Daleng. Ganoon yata ang lahat ng ikinakasal, kahit pa nga hindi masasabing "normal" ang magiging kasal.
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...