TATLONG mahal sa buhay ni Daleng ang naospital, isang linggo pagkatapos mailibing ng kanyang ama. Gusto na niyang malunod sa problema. Madalas niya ngayong maisip na mas mabuti pa ang ibang tao, hindi nagkakaproblema nang ganito kahit puro kasamaan ang ginawa buong buhay. Samantalang silang mga nagtatrabaho nang tama sa itinagal-tagal ng panahon ang nauuwi sa ganitong sitwasyon. Nasaan naman ang hustisya?
"Anton, may pera ka pa ba?" tanong ni Daleng sa kapatid. Kahit paano, nagtatrabaho na rin ito pagkatapos gumraduate ng technical course sa college may dalawang buwan na ang nakakaraan.
"Wala na, Ate, pamasahe na lang."
"Kailangan kong makausap si Nanang Jovita."
Tumango na lang si Anton, kahit parang pareho sila ng naiisip—sagad na ang kaban ni Nanang Jovita. Sila ang nakasagad sa kaban nito mula't sapul, sa puntong pinagsalitaan na siya ng mga anak ng matanda. Kailan daw ba sila titigil sa pang-aabala kay Nanang Jovita na dapat ay nagpapahinga na lang ngayon pero napipilitan pa ring magtrabaho para sa pangangailangan nila?
Tinanggap ni Daleng ang mga salita dahil totoo naman iyon. Sana lang ay maintindihan ng pamilya ni Nanang Jovita na hindi naman sila tamad. Nagkataon lang na talagang gipit sila at iyon lang ang narating ng kanilang pera kahit pagsama-samahin pa ang lahat ng kita nila.
maagang nag-asawa ang isa pa niyang kapatid na nakapagtapos din ng technical course. Wala nang magagawa si Daleng doon. Dalawa na ang anak nito, nadagdagan pa ng isa ngayon. Kakapanganak pa lang ng kapatid at nagkaroon ng komplikasyon, paano ay dumumi na ang bata sa loob ng tiyan nito. Sampung buwan! Hindi man lang nito sinabing sampung buwan na ang tiyan! Halos na-sepsis na ito. Nasa ospital din ang bata.
Ang kanyang ina naman, mula nang mamatay ang asawa ay naratay na rin sa ospital. Hindi dahil brokenhearted kundi dahil sa galit sa kabit ng kanyang ama na inangkin ang maliit na lupang nai-award sa kanyang ama. Nagkaroon ng usapan sa barangay at ayaw umalis ng dakilang kabit na dalawang taon pa lang kinakasama ng kanyang ama. Na-high blood ang kanyang ina at mild stroke ang resulta. Awa ng Diyos, nakakakilos pa ito at hindi nabaldado. Iyon nga lang, complete bed rest ang kailangan.
Malaki na ang kailangan nilang bayaran sa ospital. Hindi na alam ni Daleng kung saang kamay ng Diyos kukuha ng pera. Nadale ang kanyang ipon sa pagpapalibing sa kanyang ama. Kaya naman nang maospital ang kapatid, pamangkin, at ina, ay walang-wala siya.
Diyos ko, bakit po nagkakaganito ang buhay namin? Gusto nang umiyak ni Daleng.
Nagpaalam na siya kay Anton at nag-abang ng jeep papuntang Fairview, kung saan nakatira si Nanang Jovita. Mula sa Bacolod, lumipat ang matanda sa Fairview nang mamatay ang asawa. Sa Fairview nakatira ang isa nitong anak. Maganda na ang buhay ng anak nitong iyon. Si Nanang Jovita naman ay nagbukas ng puwesto sa palengke. Malaking bahagi ng kita niyon ang napupunta sa kanila. May limang taon na rin si Nanang sa Fairview at malaki ang naitulong nito para makapag-aral si Anton.
Nakapagtapos naman si Daleng ng high school kahit paano. Hindi na siya nakapag-college dahil mas kailangan ng pamilya ang isang negosyo. Ang simple lang naman ng kanyang plano. Kapag nakapagtapos si Anton ay mag-iipon sila ng pangnegosyo. Pero bago pa man makapagsimula, nawala na ang kanyang ama at dahil sila ang totoong pamilya, sila ang kailangang sumagot sa gastusin.
Tuwing inaakala ni Daleng na mayroon na siyang naiipon, palaging may dumadating na gastos. Mula noon, hanggang ngayon. Para bang walang balak ang tadhana na tigilan ang pagsipa sa kanila kahit wala na silang kalaban-laban.
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...