NAG-ANGAT ng tingin si Daleng at naisip na siguro, mali nang nilapitan ang lalaki. Napatanong tuloy siya.
"Sino po sila?"
Ngumiti ito. "I'm Taylor."
Nagkasamid-samid si Daleng. Anong bakla ang sinasabi ni Aling Saleng? Kung bakla si Taylor, isang malaking kasalanan sa sang-kababaihan! Ang guwapo-guwapo ng lalaki, mukhang mamahalin, artistahin, at ang kutis ay mas makinis pa sa isang sanggol. Mamula-mula ang balat ni Taylor, itim ang buhok, pero iyon lang ang mukhang Filipino rito. Mukha itong Amerikano, pero Amerikanong hindi iyong sobrang puti. Sakto lang.
Naupo ang lalaki sa kanyang tapat niya. Nilapitan ito ng waitress, inabutan ng menu. "I need to eat, if you don't mind. I'm famished."
Tumango lang si Daleng, nakatitig pa rin kay Taylor. Ito ang pakakasalan niya? Ito ang magiging ama ng kanyang anak? Aba, hindi sila ni Aling Saleng ang nababaliw kundi si Nanang Jovita! Ano ang masama sa ideya?! Baka nga magpakamatay pa ang ibang babae para lang pakasalan ng lalaking ito!
"Ikaw ba talaga si Taylor?" nabiglang tanong ni Daleng, hindi pa rin makapaniwala.
Kumunot ang noo ng binata. "Yes. Were you expecting someone else?"
Oo! Ang ini-expect ko, isang beki na mahaba ang hair, may kaunting foundation, naka-manicure. Hindi isang guwapong lalaking-lalaki.
"Hindi naman. Hindi lang nabanggit sa akin ni Aling Saleng na pogi ka."
Bigla itong tumawa. "Thank you."
Patay, sa isip-isip ni Daleng. Dahil nang tumawa ang lalaki, doon niya nakita ang "lambot." Kumbaga sa gamit, sosyal ang tawa ni Taylor at parang hindi "panlalaki." Pinagmasdan lang niya ang kilos nito. Nang tawagin ni Taylor ang waitress ay banayad ang salita nito. Nang um-order ay malamyos ang boses. 'Ika nga, hindi macho. Kumbaga sa babae, madre ang datingan nito. Sa pagkakaalam niya, make-up artist daw ang lalaki. Bakit pa siya magdududa na lalaki rin ang type nito?
"So, how are you?" tanong ni Taylor, nakangiti. Ang ganda ng mga ngipin nito.
"Okay naman."
"Ang sabi ni Yaya Saleng, naipaliwanag na niya sa 'yo ang kailangan ko."
"Oo. Pero gusto ko sanang marinig mula sa 'yo."
"Kailangan ko ng asawa na papayag sa prenuptial agreement. We are expected to have a baby in two years. Kailangan kong makasigurong wala kang problema sa pagbubuntis."
"Hindi ko sure, pero wala naman siguro."
Ipinaliwanag ni Taylor na pupunta sila sa doktor kung magkakasundo sila. Sinabi rin ng lalaki kung ano ang magiging papel niya sa buhay nito. Sa madaling-sabi, ang magiging ganap niya ay simpleng asawa sa pangalan. Wala rin siyang makukuhang pag-aari nito kapag naghiwalay na sila.
"I really don't want to play God with your life and future but I need to do this. Naiintindihan kong malaking step sa 'yo na gawin ang ganito. Gusto ko rin namang magkaroon ka ng totoong pamilya, kasama ang taong mahal mo. Your freedom is yours after all this, don't worry. I apologize this early for such an offer."
Higit sa lahat, iyon siguro ang pinakamalaking indikasyon na isa itong beki. Para bang masyadong sensitive si Taylor. Hindi ba at ang mga lalaki, palaging pa-macho? Iyong maangas? Iyong hindi nagpaparaya. Parang tatay niya. Pagkaalis nilang mag-iina sa piling nito, nagkaasawa na ng ilan pero kung makapagsalita, parang pag-aari ang kanyang ina. Hindi rin nagsasalita sa ganitong paraan ang kanyang ama noong buhay pa, sumalangit-nawa—kahit pa nga parang nakakahiyang isiping sa langit ito napunta.
Palaging pautos, walang pakiusap kung magsalita ang kanyang ama. Hindi rin masuyo na parang humihiling. Kahit ang mga ex ni Daleng ay ganoon din. May mga dialogue na tipong "Akin ka," "Walang ibang puwedeng makakuha sa 'yo dahil mahal kita," "Nagseselos ako dahil ayokong may ibang lalaking titingin sa 'yo sa paraang tulad ko." Mga ganoon ba? Iyong mga tipong ang lakas makapeste.
Bakit nga ba bakla ang mga perpektong lalaki? Kahit minsan, naiisip ni Daleng na mas maigi pa ang mga kaibigan niyang beki, mga sensitive. Hindi iyong tulad ng mga ex niya na ni hindi alam kung bakit asar na siya sa mga ito. Naisip na lang niya noon na siguro, bihira ang mga lalaking sensitive. Baka once in a blue moon, 'ika nga. At dapat ganoon ang hanapin niya. Ganoon na sana ang kanyang huling boyfriend, ang problema naman ay ni hindi sila pormal na nag-break. Bigla na lang itong hindi nagpakita sa kanya o nakipag-usap.
"Do you have any questions, Daleng?"
"Siguro isa lang naman ang tanong ko sa ngayon, Taylor. Kung sasapat ba ang pera para makalabas ng ospital ang nanay, kapatid, at pamangkin ko? Saka kung makakapagsimula ba ako ng magandang negosyo para sa kinabukasan namin? Alam kong parang tunog-masyadong malaki ang hihingin ko pero—"
"It's reasonable. I'm asking for too much. I will give you five million pesos as down payment and another five when you get pregnant. If you don't, maybe a smaller sum."
Napalunok si Daleng. Napakalaking pera ng binanggit nito. Ibig sabihin din, magbuntis man siya o hindi, magkakaroon siya ng malaking pera. "P-paano ang bata?"
"Wala akong balak alisin sa poder mo ang bata, sakali man. I do believe a child needs both its parents. Kung sakaling hindi ganito ang opinyon mo, wala ring problema sa akin. I can take care of the baby."
Bakla ka ba talaga? gusto sanang itanong ni Daleng pero nahihiya siya. Sinabi na nga sa kanya na ganoon si Taylor, bakit gusto pa niyang liwanagin? Ano pa ba ang posibleng dahilan kung bakit kailangan nitong humanap ng asawa na tulad niya? Saka nasa usapan na magkakaroon sila ng anak. Narinig niyang maraming mayayamang beki ang nagbayad ng babae para magkaanak.
"So paano ang magiging sistema ng pag-aanak natin?" Naging prangka na si Daleng. Hirap man ay mabilis niyang natanggap na lalaki rin ang gusto nito. "Normal na paraan ba o magpapa-artificial tayo?"
Natigilan si Taylor, napatingin sa kanya. "Well, to be honest, of course the normal way is the cheapest and surest way to get pregnant if we are both normal. Do you prefer the artificial way?"
"Magkano ba ang aritificial?" tanong niya dala ng curiosity.
"I think it can go as high as a million pesos, the cheapest around three hundred and fifty, I heard."
Nasamid siya. "Hindi ba ini-inject lang 'yon?" Buong akala niya, mga sampung libo lang ang isang turok.
"No." Tumawa si Taylor. "You are funny."
Ngumiti siya. "Sige, normal na lang. Galingan mo, ah?"
"What?"
"Galingan mo para masaya," biro ni Daleng. Siya pa ba ang magpapadalagang Pilipina? Mas balahura pa magsalita sa kanya ang mga beki friends niya!
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...