Chapter Nineteen

15.1K 431 0
                                    

BUMAGSAK ang mga balikat ni Daleng nang makita ang resulta ng pregnancy test. Negative. Excited pa naman siya dahil mag-iisang buwan na siyang delayed. Regular ang mens niya kaya buong akala niya, buntis na siya. Pero wala siguro silang mabuo dahil madalas silang pagod na pagod. Siya ay pagod sa paggala, si Taylor naman ay pagod sa trabaho.

Hindi nagsasawa si Daleng sa pagbisita sa kung saan-saan sa Amerika. Kapag magkakaroon na ng mens, mag-i-schedule na siya ng mahabang trip. Nakarating na siya sa California at Boston sa dalawang buwan niya sa Amerika.

"Is everything all right?" tanong ni Taylor pagkalabas niya ng banyo.

"Nakakainis. Sex naman tayo nang sex pero hindi pa rin ako buntis."

Biglang natawa ang lalaki. "We will get there, don't you worry."

"Baka kasi pagod ang mga sperm mo. At ang akin naman, nawili sa paggagala."

"I think you're thinking too much of it. It's normal, honey."

"Kailan ka ba mapipirmis?" Sa wakas, lumabas din sa mga labi niya ang tanong na matagal nang iniiwasang sabihin.

Ayaw kasi ni Daleng na isipin ng asawa na demanding siya. Siyempre, kailangan din niyang lumugar at intindihin na hindi nagbabakasyon si Taylor sa Amerika, kundi nagtatrabaho. Hindi lang basta trabaho, kundi nagsisimula ng isang malaking negosyo. Sa mga bonggang ads sa internet, hindi pa man, nasisiguro niyang magiging matagumpay ang lalaki. Excited siya, masaya para kay Taylor, pero gusto niya itong makasama. Alam ni Daleng, nagiging na immature siya at 'ika nga ay "needy" pero hindi naman siguro masamang maghangad na makasama ang asawa, lalo na at kakakasal-kasal pa lang nila.

Naku, ang arte mo naman! Hindi naman 'yan nanligaw sa 'yo. Hindi naman 'yan tulad ng iba na nakasama mo at naging jowa. Baka nakakalimutan mo ang sistema. Magtigil ka at mahiya. Baka sabihin niya sa 'yo na kailangan niyang magtrabaho dahil kung hindi, ano ang ibabayad sa 'yo? Baka matulala ka kapag hiniritan ka ng totoo, ano? Pabebe ka masyado.

Parang napahiya nga si Daleng. Ano ba ang problema niya? Bakit hindi na lang siya tumulong? Ah, oo nga pala. Nag-iinarte siya dahil mismo sa katotohanang hindi siya makatulong.

ilang beses nang sumama si Daleng kay Taylor sa opisina at dalawang beses siyang naiyak habang nagtatago sa banyo. Dahil na-realize niyang wala siyang alam sa mundo at nahirapan siya na sundan ang usapan ng mga kausap ng asawa. In short, naramdaman niya na parang napakawalang-kuwenta niya. Napakatanga. Parang napakalayo ng mundo nila ni Taylor. Hindi lang sa narating sa edukasyon, hindi lang sa talino, kundi pati sa ganda.

Nalula si Daleng sa hitsura ng mga modelong nakakasalamuha ni Taylor. Parang diyosa ang iba sa sobrang kinis. Kahit sa mga kasamahan ng lalaki sa trabaho, nai-insecure siya. Alam kasi ng mga ito ang sinasabi. Higit sa lahat, alam niya na mabait lang ang mga ito sa kanya dahil asawa siya ni Taylor. Nararamdaman niya iyon. At bakit nga naman siya maghahangad na maiba ang pagtrato ng mga ito sa kanya kung wala siyang alam sa mundong iyon at wala ring mai-contribute?

Oo, marunong siyang mag-makeup at hindi rin naman pangit ang kutis niya. Pero hindi siya expert sa kahit na anong pagpapaganda. Ni hindi nga alam ni Daleng kung ano ang tawag sa kulay ng lipstick na gamit niya, basta ang alam niya, pink iyon. Swatches pa lang ng kulay, napakarami na, nakakalula. Ang mga ingredients, ano pa? Iyon ang mundo ni Taylor. Bukod sa mga taong nag-aasikaso ng marketing, ng distribution, layout and packaging.

Minsan siyang hiningan ng opinyon ni Taylor tungkol sa kung ano ang mas magandang design ng kahon ng isang lipstick. Pero napahiya pa siya dahil walang bumotong iba sa pinili niya. Ang daming comment ng iba, at isa doon ang naalala niya nang husto. "What Maggie said is nice but that design says 'whore' rather than my lips are delicate and special. You know?"

Pusong Mamon (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon