"ANO'T bigla kang nagdesisyon na magpakasal?"
Napabuntong-hininga si Daleng sa tanong ng ina. Nabigla ito, siyempre. Kinausap na niya si Nanang Jovita at sinabi ang totoo, na tinanggap niya ang alok ni Taylor. Nadismaya ang matanda, halos tatlong oras siyang pinagsabihan. Pero sa huli, naunawaan siya nito. Isa lang ang pakiusap ni Daleng—na sana ay huwag nang makarating sa kanyang ina ang totoo. Siyempre ay iniisip niya ang kapakanan ng ina. Baka maalta-presyon na naman ito kapag nalamang bakla ang kanyang pakakasalan.
"Kasi, 'Nay, 'wag kang magagagalit pero bumigay agad ang anak mo. Gusto niya akong panagutan at umoo naman ako kasi matino naman siya."
"Sigurado ka bang matino? Anong klaseng lalaki ang bigla na lang maghahain ng kasal sa isang babae?"
"Isang matinong lalaki, 'Nay. Hindi lang tayo sanay kasi ang mga lalaking nakakasalamuha natin, iyong mga tulad ni Tatay. Disente si Teteng, mayaman." 'Teteng' ang ibinansag niyang palayaw kay Taylor dahil ayaw niya sa pangalan nitong parang sa babae. Hindi ba may isang babaeng singer na nagngangalang Taylor Swift? Babae ito. Nang tanungin naman niya si Taylor, ang sabi nito ay "Tey" daw ang tawag dito ng mga kaibigan. Ayaw niya lalo niyon dahil kapag nilagyan ng "A" sa unahan ay magiging "Atey" na. Baka sa susunod ay Ateng na! Samantalang ang "Teteng," macho ang dating. 'Ika nga ng macho na si Ramon Revilla, Sr. ay "Anak ng teteng!" May mas ma-macho pa ba sa isang lalaking napakaraming bastardong anak?
"Bakit ka kasi bumigay agad, anak?" Napabuga ng hangin ang kanyang ina. "Sa edad mong 'yan, inasahan kong mas matalino ka. Hindi agad isinusuko ang Bataan!"
"Eh, naisuko ko nga po," pagsisinungaling ni Daleng. "Alangan naman pong tanggihan ko pa ang kasal kung taas-kamay at paa akong sumuko?"
"Ano pa nga ba? Kailan ang kasal?"
"Sa lalong madaling panahon po pero simple lang naman ang kasal, 'Nay. Sa huwes lang po. Kumuha na po kami ng requirements."
"Kailan mamamanhikan?"
"Bukas po ng gabi."
"Puwes magpalinis na agad ng bahay. Naku, saan tayo kukuha ng ipapakain sa mga 'yon kung sosyal? Ano ba ang kinakain ng sosyal?"
"Tama na po ang spaghetti. Bibili na lang ako ng pizza pie, saka iyong naka-party pack na spaghetti. Alam naman nilang wala tayo at binigyan nga po ako ng tulong, 'Nay."
"Baka naman ikaw, eh, nasisilaw lang sa pera, ha?"
"Medyo po, 'Nay, hindi na ako magpapaka-plastic. Aba, kaysa naman sa mga sangganong nakikilala ko sa araw-araw? Jackpot na ako dito kay Teteng."
"Naku, bata ka!" Parang iritado ang kanyang ina na nalilito. "Mai-stroke na naman ako sa 'yong lintik na bata ka."
"'Wag kayong mag-alala, 'Nay, at tama ang desisyon na ito. Maniwala at magtiwala po kayo. Kailan po ba ako napahiya sa inyo?"
Tiningnan siya nito at sa huli, hinaplos ang kanyang pisngi. "Masuwerte ako na naging anak kita, Daleng. Ikaw ang paborito ko. Pero 'wag mong sasabihin sa mga kapatid mo at baka magtampo."
Kung bakit kahit hindi iyakin ay naiyak si Daleng. Niyakap niya ang ina. "Hindi kayo nagkamali ng ginawang paborito, 'Nay. Gagawin ko ang lahat para maiahon tayo sa hirap. Stepping stone ko 'tong pagpapakasal pero walang masama, 'Nay. Kapag nakilala ninyo si Teteng, sasabihin ninyong hindi ako nagkamali. Napakabait." Sa loob ng ilang araw na nagkasama sila ni Taylor, marami siyang nalaman tungkol sa lalaki.
Una, talaga palang mahinahon itong magsalita. Kahit kapag kumakain, napakadisente nito. Kapag pinagmamasdan niyang kumain si Taylor, parang gusto niyang makigaya at gumamit din ng knife sa karne. Para bang hindi nagagalit ang lalaki. Sosyal din ito; may driver pa nga. Higit sa lahat, gentleman. Talagang hindi nasusukat ang pagkatao sa kung ano ang gustong isubo ng isang tao—kung saging man o puso ng saging, hindi na mahalaga. Marami diyan na hanep makapag-judge sa mga beki, pero ugaling animal naman.
Ang masaklap, eh, isang linggo pa lang na nakakasama si Taylor, may mga gabi nang hinahanap ni Daleng ang mukha ng binata, ang amoy nitong masarap sa ilong, ang tunog ng tawa, at ang kanilang mga usapan.
Dumating ang kanyang mga kapatid at sinabi na niya sa mga ito ang lahat. Mayamaya ay dumating na rin si Taylor. Iyon ang unang pagbisita ng lalaki sa kanila. Muntikan na siyang matawa nang makitang napanganga ang kanyang ina. Nagmukhang maliit ang kanilang bahay sa laki ni Taylor.
Halos hindi makapagsalita ang ina ni Daleng, habang nag-uunahang kumandong sa lalaki ang mga pamangkin at panay ang sabi ng "Tito Pogi." Nakakatuwang pagmasdan si Taylor dahil maalaga ito sa mga bata. Wala na yata siyang makikitang masama sa lalaking ito.
Minsan, dumadaan sa isip niyang gawing lalaki si Taylor, pero siya na rin ang kusang natatawa sa sarili. Alam ni Daleng na imposibleng gawing straight ang isang beki. Magpapasalamat na lang siya na magiging magkaibigan sila ni Taylor. Mukha namang wala silang hindi pagkakasunduan.
Mayamaya, nagpaalam na rin sila sa lahat at tumuloy sa Tandang Sora, kung saan nakahanap si Daleng ng isang rush sale na bahay. Gusto siyang samahan ni Taylor na tumingin ng bahay, kung hindi raw niya mamasamain. May alam daw ang lalaki sa real estate at gusto lang makatulong. Pumayag agad siya. Naisip niya na manghihinayang nga naman siguro ang lalaki kung maloloko ito at masasayang sa wala ang pera.
"Teteng, sa kasal ba natin ikaw ang magme-makeup sa akin?"
"If you want, no problem."
"Gusto ko iyong magmumukha akong magandang-maganda, ha? Patangusin mo ang ilong ko, ha? Saka gusto ko, itong lips ko, gawin mong parang Angelina." Ngumuso si Daleng.
Ang lakas ng tawa ng lalaki. "No. I don't think so. The purpose of makeup is to enhance one's beauty and not to change it."
"Ang kinis-kinis mo. Gusto ko ng ganyan ding balat."
"I will give you a few products for the skin."
"Nakakatuwa naman. May asawa na ako, may beauty consultant pa."
"Here we are." Itinuro ni Taylor ang bahay. Naunang bumaba ng sasakyan ang lalaki at inalalayan siya sa pagbaba. Pilit ipinaalala ni Daleng sa sarili na hindi siya dapat ma-attract sa pagka-gentleman ng binata. Kung minsan lang, mahirap gawin dahil kahit ano pa si Taylor, hindi ito kumekembot maglakad, hindi rin pumipilantik ang daliri, lalong hindi mabilis at "may arte" ang pagsasalita. Kung oobserbahan lang ang lalaki sa normal na paraan, walang mag-iisip na beki ito. Maiisip lang iyon ng isang tao kapag nagsimula nang magsabi si Taylor ng pananaw sa buhay. Minsan nilang napag-usapan ang LBGT at maliwanag nitong naiparating ang punto de vista tungkol sa usaping iyon. Sang-ayon ang lalaki sa pagpapakasal ng mga miyembro ng komunidad. Open ito sa maraming bagay, moderno kung mag-isip. Nakakahawa si Taylor dahil totoo naman ang mga sinasabi nito.
Tatlong milyong piso ang halaga ng bahay at natawaran ni Daleng dahil rush sale. Two point eight iyon ibibigay ng may-ari. Malaki ang bahay, may sariling garahe, may space pa sa likod at gilid na puwedeng ipa-extend. Nagkasundo sila ng may-ari na magbabayaran sa susunod na linggo, pagkatapos ng kasal nila ni Taylor.
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...