Chapter Eight

14.5K 424 5
                                    

Inabot nang isang oras ang ibiniyahe ni Daleng papuntang Fairview. Nang makarating sa bahay ni Nanang Jovita, nakahinga siya nang maluwag nang mapansing wala roon ang anak nito. Sarado ang tindahan ni Nanang Jovita kapag ganoong araw—araw ng pahinga. Agad nangumusta ang matandang babae at sinabi ni Daleng ang problema.

"Parang hindi na po talaga kami makakaahon, 'Nang. Palagi na lang ganito ang nangyayari."

"May awa ang Diyos, anak."

"Nanang? Nanang?"

"Ay, nandito na ang bisita ko. Saglit lang, anak." Binuksan ni Nanang Jovita ang pinto ng bahay at mayamaya ay pumasok ang isang babaeng kaedad siguro ng kanyang ina. Ipinakilala siya rito ni Nanang Jovita. Halos kapangalan niya ang babae. "Saleng" ang pangalan nito.

Kamag-anak din ni Nanang Jovita si Aling Saleng, pero malayo. Hindi kamag-anak ni Daleng si Aling Saleng dahil sa ama ni Nanang Jovita konektado ang dalawang babae, habang siya ay nagsasanga mula sa ina ni Nanang Jovita.

"Kumusta ka na ba, Saleng? Mabuti at nadalaw ka. Galing ka pa niyang Laguna?"

Nagkuwento si Aling Saleng. "Ay, oo, Nanang. Dinalaw ako doon ng dati kong alaga. May balita ako. Nagulat nga ako. Itong dati kong alaga kasi'y naghahanap ng asawa."

"Si Taylor? Ang anak ni Aracelli na bakla?"

"Iyon nga. Paano'y gusto nga ng papa ni Aracelli na magbigay ng malaking puhunan pero ang kapalit, dapat mag-asawa si Taylor. Hindi ako natutuwa sa matandang iyon, pero sa isang banda, maganda naman siguro na magkaroon ng asawa itong si Taylor. Kailangan daw niyang bigyan ng apo ang lolo niya. Nagpapahanap nga sa akin. Iyon daw simpleng babaeng papayag na sa papel lang ang kasal at hindi mapagsamantala."

Hindi nakatiis si Daleng. "Magkano daw po ang bayad?"

"Naku, maghunos-dili ka, Daleng!" si Nanang Jovita.

"Nagtatanong lang naman, 'Nang. Baka sakali. Wala naman akong boyfriend. Kung ang problema ay bakla siya, wala naman 'yong problema sa akin."

Biglang napatitig sa kanya si Aling Saleng. "Ay, bakit nga naman hindi?"

"Naku, magsitigil kayo." Parang nairita si Nanang Jovita. "Ang pag-aasawa ay hindi ganyan kasimple. Mahiya nga kayo sa Diyos. Ikaw na bata ka, hindi dahil gipit ka sa pera ay magpapakasal ka na sa bakla. Mabait na bata naman iyang si Taylor noon, pero ano'ng malay natin ngayon?"

"Naku, mabait pa rin. Napakabait," si Aling Saleng. "Bakit hindi mo kausapin, anak?"

"Naku, tumigil kayo." Mukhang galit na si Nanang Jovita kaya natahimik na sila ni Aling Saleng. Mayamaya ay naghanda ng merienda si Nanang Jovita. Hiningi agad ni Daleng ang numero ni Aling Saleng na agad naman nitong ibinigay. May usapan silang mag-uusap mamaya, kapag nagpaalam na sila sa matanda.

Pagkatapos ng tanghalian at pagkatapos makahiram ng dalawang libong piso ay nagpaalam na rin si Daleng kay Nanang Jovita. Nagpaalam na rin si Aling Saleng. Nagsabay na sila at sa Jollibee nagpunta para mag-usap. Sa huli, nagkasundo silang ibibigay nito ang numero niya kay Taylor.

Naghiwalay na rin sila. Habang sakay ng jeep pabalik ng East Avenue Medical Center, laman ng isip ni Daleng ang mga posibleng mangyari. Una na doon ang pagiging asawa sa Taylor na iyon at ina ng magiging anak nito. Hindi malinaw kung paano nila mabubuo ang bata—kung sa pagsisiping ba o sa artificial na paraan. Ang malinaw lang, kung sakali man ay magkakaroon siya ng kaginhawahan sa buhay.

Sa totoo lang, wala na siyang ibang naiisip kundi iyon na lang. Ganoon siya kasabik sa kaginhawahan. Kahit alam na mali ang gagawin, halos dumaan na lang iyon sa kanyang isip. Ano ang silbi ng pagkakaroon ng isang "normal" na pamilya kung ang "normal" na iyon ay baon sa hirap?

May mga nakilala naman si Daleng na disenteng lalaki at mga nanligaw din naman sa kanya, pero palaging may sabit ang mga iyon. Kung hindi masama ang ugali, ayaw naman sa kanya ng pamilya.

Nakaapat na boyfriend na rin naman siya. Ang una, noong beinte anyos siya, isang may-ari ng taxi na driver din. Naisip niyang masuwerte siya dahil malaki ang kita nito ayon dito. Pero natakot si Daleng nang dalhin siya sa motel; nagsisigaw siya, nagwala. Saka lang siya pinabayaang umalis ng lalaki. Mabuti na lang dahil nalaman niyang may asawa na pala ito.

Ang pangalawang boyfriend ni Daleng ay anak ng may-ari ng puwesto sa palengke. Binata iyon, nag-aral sa isang magandang eskuwelahan. Pero ayaw sa kanya ng magulang dahil tindera lang daw siya sa palengke.

Nakilala naman niya ang pangatlong boyfriend sa simbahan nang minsang um-attend siya ng misa. Nahulog ang loob nila sa isa't isa, pero sa huli ay inamin nitong wala silang pupuntahan dahil wala raw itong balak mag-asawa. Parang pinaasa lang siya, saka iniwan sa ere.

Ang ikaapat na boyfriend ni Daleng na si Ralph ang minahal niya nang todo. Siksik, liglig, at umaapaw. Katrabaho niya ang lalaki sa bigasan. Mas matanda ito sa kanya ng apat na taon pero ang akala nito noong una, magkasing-edad sila dahil nga pineke niya ang edad. Nang malaman ni Ralph ang totoo, nakipaghiwalay agad ito. First and true love niya si Ralph at hindi niya nagawang kalimutan.

Nagkita silang muli may dalawang taon na ang nakakaraan. OFW na si Ralph. Naging sila uli pero iniwan din siya. Ang pangako ng lalaki ay makikipag-ugnayan pa rin pero kahit katiting na message sa Facebook, wala itong ipinadala. Mahal pa rin niya si Ralph, siguro dahil naging masaya sila, pero hindi na siya umaasa. Tutal, ang bilis nitong nagawang kalimutan siya.

Sa apat na naging boyfriend, aasa pa ba si Daleng na makakahanap ng isang matinong lalaki kung hindi na siya nag-improve at hanggang ngayon ay tindera pa rin? May mga sideline siya pero ang trabaho talaga niya ay tindera. Hindi niya iyon ikinahihiya. Pero aminado siyang walang ibang makikilala roon na matino. Hindi na rin naman mahalaga ang pag-ibig sa kanyang sikmura na madalas kumalam. Lintik na, hindi siya mapapakain ng pag-ibig. Sa mga komiks at pocketbook lang uso iyon. Kaya ayaw na ni Daleng na magbasa ng mga ganoon, pinapaasa lang siya.

Heto ang masaklap at totoong realidad—na mamamatay sa gutom o sakit ang kanyang pamilya. Hindi siguro ngayon, pero isang bacteria o virus lang ang pumirmi sa katawang mahina ang resistensiya dahil palaging tipid ang kinakain, mamamatay silang dilat ang mata. Ano ang silbi ng pagpapantasya sa isang matino at guwapong lalaki kung ang makakapagbigay sa kanya ng magandang buhay ay isang bakla?

Ang sabi ni Aling Saleng, handa raw magbayad nang malaki si Taylor. Puwes, tatanggapin niya. Kung isang kaibigan ang kanyang makukuha sa halip na isang romantic partner o lover, so what? Hindi naman yata lahat ng tao sa mundo ay nakakakita ng isang romantic partner. Baka may mga taong tulad niya na nakatakdang maging sawi at bigo.

Anu't anuman, wala nang pakialam si Daleng. Ang gusto na lang niya ay matapos na ang problema. Umaasa siyang magkakausap sila ni Taylor.

Pusong Mamon (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon