WALANG katao-tao sa bahay nang makauwi si Daleng. Inaasahan na niyang nasa opisina si Taylor at masyadong busy. Sa limang araw niya sa Atlantic City, naglakad-lakad din siya sa beach at nag-isip nang mabuti. Pinal na ang kanyang desisyon. Kung hindi niya gagawin ngayon, kailan pa? Magpapakalulong na lang siya sa pagkakamali?
Inempake ni Daleng ang lahat ng mga gamit. Ang alam niya, puwedeng maipa-rebook ang plane ticket na binili ni Taylor. Sasabihin niya sa lalaki na magpapa-rebook na lang siya.
Nakatulog na si Daleng sa kahihintay kay Taylor. Kinabukasan, nang magising siya ay naging malinaw na hindi umuwi ang lalaki sa bahay. Magdamag na hindi niya alam kung saan ito nagpunta.
Tinawagan na lang ni Daleng ang ina.
Agad nitong sinagot ang tawag niya. "O, kumusta na ang anak kong Istetsayd?"
"Nakakalungkot dito, 'Nay. Palagi namang wala si Taylor, eh."
"Eh, di gumala ka! Alangan namang asahan mong pipirmi diyan sa bahay ang asawa mo, eh, may trabaho nga?"
"Eh, kaya lang po, wala naman akong ibang mapuntahan dito dahil ang mahal-mahal naman ng hotel." Kahit may pera na, ayaw niyang gastusin. Abuso na siya kung hihiling ng isa pang jackpot dahil naipang-hotel niya ang unang panalo.
"Eh, di bisitahin mo ang tiyang mo. Diyan iyon nagtatrabaho sa Amerika. Nasa may California."
"Malayo po dito 'Nay." Ang tinukoy ng kanyang ina ay ang malayo nitong pinsan na nakakausap lang noon sa sulat. May pamilya na ito sa Amerika. Hindi niya ito pinuntahan noong nagpuntang California dahil wala naman siyang sasabihin dito.
"Kailan ka ba uuwi?"
"Hindi ko po alam. Sana po malapit na."
"Parang may problema, ah?"
"Wala naman, 'Nay. Naiinip lang ako. Palaging nasa trabaho si Taylor at nahihiya naman akong gumastos ng pera niya."
"Mas maganda pa ngang umuwi ka. Ang kaso, siyempre kailangang kasama ka ng asawa mo. Paano ba ang gagawin?"
"Hindi ko po alam." Napabuntong-hininga si Daleng. Kinumusta niya ang negosyo at sinabi ng nanay niya ang magandang balita, na malakas ang kanilang tindahan. Malaki pa ang natirang pera kaya iyon na lang ang pagsisikapan nilang palaguin. Saka na lang niya sasabihin ang plano sa ina, kapag nakapag-usap na sila ni Taylor at tumagal-tagal ang lahat. Baka puwedeng sabihin na lang niya kapag napansin ng ina wala na silang communication ng kanyang "asawa."
Nang matapos makipag-usap sa ina, narinig ni Daleng na bumukas ang pinto. Iniluwa niyon si Sophia, may dalang isang shopping bag.
"Oh, you're here." Halatang nabigla ang babae.
"Of course. It's my house."
"Taylor said you're in Atlantic City."
Pati schedule ng asawa niya, alam ng babaeng ito. Hindi sinabi ni Daleng kay Taylor na uuwi siya kahapon. Kaya siguro hindi umuwi, akala wala siya sa bahay. At ngayon, nakaplano sigurong doon mismo sa bahay magmilagro.
"I was planning on cooking a good meal for my darling," patuloy ng babae.
Gustong sabunutan ni Daleng si Sophia pero sinabi na lang, "Okay. Tell him I left." Hinila na niya palabas ng apartment ang maleta. Hindi niya alam kung saan pupunta. Mamumulubi siya sa New York kung magho-hotel siya.
Tinawagan ni Daleng ang ina, tinanong kung ano ang address ng tiyahin sa California. Ibinigay naman nito, pati phone number. Tinawagan niya iyon at sinabing baka puwedeng tulungan siyang makahanap ng affordable na accommodation sa California. Sinabi ng kanyang tiyahin na pupunta raw ito sa London sa susunod na araw at kung gusto niya, doon na lang siya makituloy sa anak nito sa New York at ibibilin na lang siya. Hiningi niya ang address na ibinigay naman ng matanda.
Tinawagan ni Daleng ang malayong pinsan mayamaya at nalamang natawagan na raw ito ng ina. Nagkasundo sila kung saan magkikita. Nagpunta na siya sa kanilang meeting place at naghintay. Nang makita ang pinsan, isang ngiti ang isinalubong nito. Isang maamong mukha kahit estranghero at handa siyang patuluyin sa bahay nito.
Sadyang mabait ang Diyos, naisip ni Daleng.
BINABASA MO ANG
Pusong Mamon (Completed)
RomanceWalang pagdadalawang-isip na tinanggap ni Magdalena ang inaalok na kasal ni Taylor, isang beki na nangangailangan ng tagapagmana. Unang-una, kailangan niya ng pera at timing na timing ang proposal ng beki. Pangalawa, hindi siya nangangamba para sa k...