Chapter Fourteen

15.1K 543 24
                                    

NAKATINGIN lang si Daleng kay Taylor habang inaayusan siya. Nagsimula ito sa pagpapahid ng kung anong bagay sa kanyang mukha, habang may isang beki naman na nag-aayos ng buhok niya. Nang maikabit na ang mga roller, nagsimula na si Taylor na lagyan siya ng makeup.

Nalula siya nang mapatingin sa malaking lalagyan ni Taylor ng makeup. Isang maletang itim iyon na may mga drawer. May sarili ring salamin ang lalaki na may ilaw.

Hindi maiwasang pagmasdan ni Daleng si Taylor. Ang bango-bango nito, iyong bangong mild at masarap sa ilong. Talagang hindi nababali o tumitikwas ang mga daliri. Para siyang obra maestra na kailangang ipinta ng lalaki. Nang matapos si Taylor, tiningnan siya nito sa salamin mula sa kanyang likuran.

"Perfect."

"Ang ganda ko, Teteng," sabi ni Daleng, tuwang-tuwa. Simpleng-simple lang ang kanyang makeup pero parang ang laki ng iginanda niya.

"You are beautiful." Hinalikan ni Taylor ang kanyang kamay. "I'll leave you and prepare, all right?"

Tumango na lang si Daleng. Naiwan sila ng hair dresser na Pilipino rin pero sa New York nagtatrabaho, kasama raw sa team ni Taylor. May ganoon palang team-team. Ibig sabihin, hindi pala si Taylor ang nag-aayos ng buhok, kundi taga-makeup lang.

"Alagaan mo si Taylor, Ateng," sabi ng beki.

"Oo naman."

"Napakabait niyan. Wala akong masabi."

"Sinabi mo pa. Sobrang bait nga niya. Sayang lang."

"Sayang?" Tumaas ang kilay ng beki. "Bakit naman sayang?"

"No offense naman," depensa agad ni Daleng. "Alam mo na."

"Ano'ng alam mo na?"

Hindi alam ni Daleng kung paano sasabihin ang lahat. Siyempre, alam naman nito iyon kaya bakit kailangan pang sabihin? Kailangan pa ba talaga nilang maglokohan?

"May mga bagay na kahit ano'ng gawin natin, hindi natin puwedeng makuha. Parang sa love. Kahit gaano mo kamahal ang tao, kung hindi mo naman kayang ibigay ang gusto, wala rin," sagot niya.

"OMG." Maarteng tumikwas ang mga daliri ng beki. "Kung tama ang pagkakaintindi ko sa 'yo, naniniwala ka sa mga pinagsasabi ni Sophia. Puwes, bakit mo naman pakakasalan si Taylor kung ganyan ang paniniwala mo, Ateng?"

"Sa amin na lang 'yon."

"Maloloka ako sa 'yo. Ihanda mo na lang ang sarili mo kapag honeymoon na! O baka naman nagkaroon na at hindi mo lang matanggap?"

"Na? Ano'ng nagkaroon na? Ng honeymoon? Siyempre hindi pa, ah."

"Puwes, ihanda mo na ang sarili mo! Nakakaloka ka!"

"Ano'ng ibig mong sabihin?" nalilitong tanong ni Daleng.

"Ikaw ang ano'ng ibig mong sabihin, nakakaloka!" Eksaherado itong kumapit sa dibdib. "Mawiwindang akiz ditey!"

Pilit inalam ni Daleng kung ano ang ibig sabihin ng beki pero ayaw na nitong magsalita. Hindi na siya nangulit pa dahil dumating na ang mama ni Taylor at gustong makita ang kanyang ayos. Tinulungan siya nito at ng kanyang ina na maghanda.

"Ang ganda ng anak ko!" bulalas ng kanyang ina nang maisuot na ni Daleng ang gown. Ngayon lang din siya bumilib nang husto sa sariling ganda. Para siyang artista. Hindi naman nagbago ang kanyang hitsura pero sa pagkaka-makeup ni Taylor, parang ang laki ng iginanda niya.

"You are so beautiful indeed!" sang-ayon ng ina ni Taylor.

Nang matapos ang picture taking, tumuloy na sila sa ibaba kung saan naghihintay ang magkakasal sa kanila ni Taylor. Kahit paano, kabado si Daleng. Ganoon yata ang lahat ng ikinakasal, kahit pa nga hindi masasabing "normal" ang magiging kasal.

Sinabihan si Daleng ng wedding coordinator na pumuwesto sa labas ng event venue. Panay ang hugot niya ng hininga at para siyang mauubusan ng hangin. Hanggang sa bumukas na ang pinto. Pinigilan niya ang sariling mapanganga nang makita kung paanong ang simpleng function room ay naging isang fantasyland. Hindi sila ni Taylor ang nag-ayos ng lugar kundi ang best friend ng lalaki. Iyon daw ang regalo nito sa kanila.

Nakilala na rin ni Daleng ang best friend ni Taylor. Isa iyong baklang nagdadamit-babae at sikat daw na drag queen, "Paloma" ang pangalan. Nakilala niya si Paloma nang walang makeup. Normal itong lalaki, pero kapag nagsalita at naglakad, alam na agad kung ano ang gusto. At iyon ay hindi puso ng saging, kundi saging mismo.

Maliit lang ang kuwarto kung tutuusin pero kuhang-kuha ang kulay na pinili ni Daleng mula sa dala ni Paloma na pagpipilian—pastel colors with light gray: lilac, pink, peach, cream, seafoam blue. Tigtatlo ang hilera ng upuan sa kaliwa at kanan. Mayroong gazebo na punong-puno ng sariwang bulaklak ayon sa kulay na pinili niya. Sa lalakarang aisle ay mayroong mga bulaklak na nakasabit sa mga mababang poste.

Sa likod ng gazebo ay naroon ang pa-V na hilera ng upuan. Mayroon ding maliit na mesang pandalawang tao sa gitna. Kasya na ang mga bisita roon. Hula ni Daleng, tig-labinlima ang kakasya sa dalawang parihabang mesa na parang "sanga" sa gitna.

Ang kisame ng simpleng function room na dating napakapormal ay sinabitan ng mga telang kulay-cream na nakalungayngay. Mayroon ding nakakabit na pagkarami-raming bulaklak. Ang sabihing napakaganda ng ginawa ni Paloma ay kulang. Para itong nag-magic.

Madali ring mahagilap si Paloma sa gitna ng selebrasyon dahil ito lang ang may wig na kulay-mint green. Dahil simple lang ang kasal, walang mga abay at best man pero naka-dress ang beki. Pormal at elegante ang dress nito, kakulay ng kanyang theme. Umiiyak din ito, katabi ng ina ni Taylor.

Bukod kay Paloma, may iba pang mga beki doon, kahit pa nga nakaamerikana. Nahalata lang ni Daleng ang iba dahil na rin sa kakaibang kulay ng buhok at ang ilan naman ay umiiyak habang nakahawak sa dibdib, tikwas ang mga daliri. Hindi na niya pinansin ang mga ito at tumingin sa lalaking pakakasalan.

Ang guwapo-guwapo ni Taylor sa suot na gray suit. Kulay-seafoam blue ang panyo na nakasuksok sa bulsa ng amerikana nito, katerno ng kurbata. Nang hawakan ng lalaki ang kanyang kamay, ngumiti ito at banayad ang boses na sinabing, "You're the most beautiful bride I've ever seen."

May impit pero malakas na hagulhol na narinig si Daleng kaya napatingin siya sa mga bisita. Si Paloma ang umiiyak at ngayon ay pinapatahan ng ibang mga beki. Napansin din niya ang lolo ni Taylor na parang hindi komportable sa kinauupuan nito, katabi ng ina ni Taylor na ngiting-ngiti.

"Dearly beloved, we are gathered here today to witness the holy matrimony of Taylor Sebastian to Magdalena Cruz," sabi ng magkakasal.

Ingles ang seremonya. Sinabi lang ng nagkasal ang obligasyon nina Daleng at Taylor sa isa't isa. Walang masyadong palabok at walang sermon, maliban sa mga habilin. Mas tunog payong-ama iyon kaysa payo ng simbahan dahil hindi naman affiliated sa kahit na anong simbahan ang nagkakasal. Ayon kay Taylor, kaibigan iyon ng lolo nito.

"You may now kiss the bride," pagtatapos ng matandang lalaki.

Humarap si Daleng kay Taylor. Napatitig siya sa mga mata nito. Sa mga sandaling iyon, wala na siyang ibang nakikita kundi ang lalaki lang. parang ang sarap pagbabaran ng kanyang kaluluwa ang mga matang iyon. Kung bakit iyon ang naisip, hindi siguro niya kayang ipaliwanag kailanman.

"Do you mind if I kiss you?" tanong ng lalaki, nakangiti, parang naiilang na nagbibiro.

"S-sige lang."

Itinaas ni Taylor ang kanyang mukha, saka hinalikan ang kanyang mga labi. Ah, natunaw yata kahit ang lamang-loob ni Daleng. Puwede bang huwag nang maghiwalay ang mga labi nila forever and ever?

Pusong Mamon (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon