IMK-2
HUGOT at buga ng hininga ang aking ginagawa habang nakatayo sa harapan ng pinto nila ama at ina. Gusto kong huminga ng patawad sa nagawa ko na namang kasalanan. Hindi ito ang unang beses na sinuway ko si ama pero ngayon niya lang ako nasaktan. Marahil ay hindi na niya napigilan ang aking sarili dahil sa naging pagkakamali ko. Muntik na akong may mapatay kanina kung hindi maagap na dumating ang pinsan kong si Arthyseous Ynue. Baka ano na ang nagawa ko sa dalawang turistang dayo.
Nasapo ko ang aking batok at mariing piniga ito bago lakas loob na kumatok sa pinto. Umuwang naman ito at iniluwa nito si ina.
"Magandang gabi ina," bati ko at humalik sa kanyang kanang pisngi.
"Magandang gabi rin anak ko. Maayos ka na ba?"
Tipid akong tumango.
"Si ama ba, ina? Nandiyan siya?" kinakabahan ko pang tanong.
Maagap naman na hinawakan ni ina ang aking mga kamay at bahagyang pinisil ang mga ito.
"Huwag kang kabahan anak ko. Hindi galit ang iyong ama sa iyo. Alam mong labis lamang siyang nag-aalala sa kaligtasan mo," anito dahilan para mayakap ko agad ang aking ina ng may katamtamang higpit.
"Salamat ina at alam ko naman ang bagay na iyon."
Hinagod naman niya ang aking likurang bahagi.
"Pumasok ka na," wika nito.
Tumango lamang ako at pumasok na ako. Saglit ko pang sinulyapan si ina bago bumaling kay ama na nakatayo sa harapan ng binata habang ang mga kamay nito'y nakatago sa kanyang bulsa.
"Ama..." sambit ko. Nilingon naman nito ako.
"Maayos na ba ang iyong pakiramdam?" tanong nito. Umawang ang aking bibig at agad din namang napatikom.
"Maayos na po," sagot ko. Lumapit naman ito sa akin at biglang hinagkan ang aking noo.
"Patawarin mo ako anak kung nasaktan kita kanina. Nadala lamang ako sa matinding pag-aalala sa iyo," anito.
Nakagat ko ang aking labi at agad na nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha. Agad akong yumakap kay ama. Narinig ko naman ang pino nitong pagtawa.
"Mana ka talaga sa iyong ina. Masiyado kang iyakin," anito pa at muling hinagkan ang aking noo.
"Patawarin mo ako ama, hindi na ako uulit," humihikbi kong anas.
"Wala kang dapat na ihingi ng kapatawaran Cereina. Kasalanan ko kung bakit kailangan mong maranasan ang ganitong mga bagay. Ako at iyong ina. Hindi namin hinangad na makulong ka rito. Hinangad kong maranasan mo rin ang kalayaang natatamasa ko noon at hanggang ngayon. Ngunit dahil sa lasong ibinigay sa iyo ni Akesha ay nakulong ka rito."
Umiling-iling ako.
"Labis kong naiintindihan ang mga hinaing ninyo ni ina, ama. Patawad kung hindi ko man lang ito isinasa-isip."
Hinarap naman niya ako sa kanya.
"Magiging maayos ka rin anak ko. Sa oras na makuha ni Mocha ang lunas ay magagawa mo na lahat ang anumang naisin mo. Konting pagtitiis pa Cereina."
"Naiintindihan ko ama," sagot ko at pinahiran ang aking mga luha at muling yumakap sa kanya.
Biglang pumasok sa aking utak. Sana'y kasing ugali ni ama ang nakatakda para sa akin.
MATAPOS ang pakikipag-usap ko ng masinsinan kay ama ay agad din naman akong bumalik sa aking silid. Binuksan ko ang bintana at tinalon ang bubongan upang doon pumuwesto. Maganda kasing pagmasdan ang bilog na buwan dito sa aking puwesto.
Marahan akong pumikit at nang magdilat ako'y alam kong nagbago na ang kulay ng aking mga mata. Mas lalong lumapit sa aking paningin ang bilog ng buwan.
Habang ninanamnam ko ang simoy ng hangin at ang liwanag ng buwan ay bigla naman akong nakarinig ng malakas na busina mula sa labas ng aming matayog na koral na gawa sa bakal.
Sinilip ko ang pinto sa ibaba at nakita kong lumabas si ama, kasunod nito si ina.
Pasimpleng ikinumpas ni ama ang kanyang mga daliri at nagawa niyang buksan ang tarangkahan.
"Senyorito Steffano, magandang gabi po."
"Memphis, anong sadya mo at gabing-gabi na'y naparito ka," wika ni ama.
Agad namang kumunot ang aking noo nang makilala ang kausap ni ama. Si ginoong Memphis, ang nag-iisang utusan ni ama na nagdadala ng mga dayuhan dito sa isla Bakunawa. Ano kaya ang ginagawa niya rito gayong nasa laot naman ito palagi at nagagawi lang dito kung may bago na naman siyang hatid na dayuhan.
"Pasensiya ka na senyorito Steffano. Gusto ko lang humingi ng despinsa sa ginawang pagpasok ng anak ko sa bakuran ninyo," anang ginoong Memphis kay ama.
"Ang tinutukoy mo ba'y ang dalawang dayuhan na napadpad dito? Sino ang anak mo sa dalawa? Iyong matangkad ba?" wika naman ni ama.
Naghintay ako sa magiging sagot ni ginoong Memphis nang bigla na lamang may isa pang lalaking humarap kay ama.
"Papa, pumutok yata ang gulong sa likurang bahagi ng sasakyan natin," anito.
Umawang ang aking bibig. Siya ang lalaking nasugatan kanina sa burol.
"Bumati ka kay senyorito Steffano, Shanty," wika ni ginoong Memphis.
"Magandang gabi po," bati naman nito kay ama. Nakagat ko ang aking labi. Magandang lalaki ang anak ni ginoong Memphis at sa totoo lang ay ngayon ko lang nalaman na may anak pala ito.
"Magandang gabi rin," bati naman ni ama sa mga ito. Bahagya namang pumaling si ama. Napaatras ako. Alam niyang nasa itaas ako. Diretso ako agad na umikot sa likod ng bahay at tumalon.
Inayos ko pa ang aking suot na bestida. Lumakad ako at lumapit kay ina.
"May anak at asawa po pala si ginoong Memphis, ina?" tanong ko agad.
"Oo anak. Hindi lang ito talaga nagku-kuwento sa ilan niyang mga kakilala. Ang alam ko'y hiwalay na ito sa asawa at ang anak niyang si Shanty ay laking Maynila anak," paliwanag ni ina dahilan para mapatango naman ako.
Bumaling ako kay ama ngunit laking tigil ko nang magkasalubong ang mga mata namin ni Shanty. Tipid niya akong nginitian at nahihiya rin naman akong tumugon ng simple ngiti rito.
"Mukhang interesado ang dayuhan sa iyo anak ko," wika pa ni ina at biglang sinundot ang aking tagiliran.
"Nagkakamali ka ina," sagot ko pa kasabay nang pag-iling ng aking ulo.
Muli akong tumingin kina ama. Nakatitig pa rin ang binata sa akin at hindi ko maiwasang mailang.
"Tara na anak," wika ni ginoong Memphis.
"Maraming salamat po senyorito Steffano," habol pa nito.
Ayaw naman akong lubuyan ng pagkakatitig ng anak ni ginoong Memphis. Hinila pa siya ng kanyang ama at tinapik ang kanyang kanang pisngi dahil sa pagkatulala. Natawa ako at nakagat ang aking labi.
Kumaway pa ito sa akin bago tuluyang nawala ang sasakyan nito. Bigla naman akong nilingon ni ama. Agad akong napatalikod at napangiwi. Lihim akong napatawa sa aking sarili.
![](https://img.wattpad.com/cover/77750852-288-k940401.jpg)