IMK-28

2.7K 107 4
                                    

IMK-28

NANG makarating ako sa bahay namin ay dire-diretso ako sa pagpasok at pag-akyat sa hagdan. 

"'Nak? Umuwi ka yata? May problema ba?" Hindi ko pinansin si inay Nely. Diretso ako sa ipinagbabawal na palapag ng aming bahay. 

Pinigilan naman ako ni inay Nely. 

"'Nak, alam mong bawal ka riyan." Marahan kong tinabig ang kamay ni inay Nely. 

"Hayaan niyo ako 'nay. Yaman lang din naman at sinimulan ko na ang pagsuway kay ama, bakit hindi ko na lulubusin pa." 

"'Nak! Nahihibang ka na ba!?" 

"Nahihibang na ako inay! Hindi ko na alam kung ano ang isasagot ko sa mga tanong na bumabagabag sa akin. Bakit ninyo ako pinagbabawalan kay Shanty!? Alam mo, 'di ba? Alam mo ang rason kung bakit ngunit wala ka man lang sinasabi sa akin. Bakit 'nay? Ano ang ikinatatakot ninyong lahat!?" sumbat ko. 

Hindi siya agad nakaimik sa akin. Muli akong humakbang. 

"Anak, itigil mo na ito!" awat sa akin ni inay Nely. Hindi ko siya pinakinggan. Nang matapat ako sa ipinagbabawal na silid sa ika-apat na palapag ay agad akong pumasok sa loob.

"'Nak naman! Hindi maganda ang gagawin mong 'to!" pilit na awat niya sa akin ngunit hindi niya ako matinag. Nang makapasok ako sa loob ay agad kong nakita ang hinahanap ko. Ngunit ganoon na lamang ang aking pagkadismaya nang mausisa ko ang libro. Napakaselyado nito. 

Lumabas ako at hinarap muli si inay Nely na aligaga sa paglakad nang paroon at parito. Napatigil ito at humarap sa akin. 

"Cereina naman," anito pa. 

"Sabihin niyo sa akin kung paano ko mabubuksan ang libro." Umiling ito. 

"Huwag niyo akong piliting saktan kayo inay," mariing banta ko. 

"'Nak naman, bakit ba kailangan mo ang librong iyan! Alam mo namang iyan ang dahilan kung bakit hindi mo makontrol ang iyong sarili, 'di ba?" 

Umiling-iling ako. 

"Puwes sabihin ninyo sa akin kung paano ko mabibigyan ng anak si Shanty." 

Napasinghap siya dahil sa kanyang narinig. 

"Kahangalan na ang gagawin mo Cereina. Naririnig mo pa ba ang iyong sarili? Nilalamon ka ng iyong matinding pagmamahal! Naiintindihan ko kung bakit ka nagkakaganito pero huwag sa ganitong paraan naman anak. Ikapapahamak mo ito sa oras na sumuway ka sa iyong ama," maluha-luha nang pakiusap sa akin ni inay Nely. 

Napaatras ako. Pinahaba ko ang aking mga kuko. 

"Kung hindi ninyo ako matutulungan, ano pa ang silibi ng buhay ko sa mundong ito 'nay? Para saan pa ang buhay na walang hanggan kung puno naman ako ng kalungkutan!"

Itinaas ko ang aking kamay upang ihanda ang pagkitil ko sa sarili kong buhay. Namilog ang mga mata ni inay Nely.

"Hindi mo gagawin iyan Cereina!" aniya pa habang gulat na gulat pa rin.

"Kaya ko inay. Isa akong Zoldic. Nakalimutan mo na ba?" 

Idiniin ko ang aking kanang kamay sa aking kaliwang dibdib upang dumiin sa aking balat ang matutulis kong mga kuko. Namilog ang mga mata ni inay Nely at umiling ng husto. Hindi siya makapaniwalang kaya kong kitilin ang sarili kong buhay para lamang kay Shanty. 

Mas nilagyan ko pa ng matinding puwersa ang aking mga daliri upang mas lalong bumaon ang aking mga kuko sa aking dibdib. Anumang oras ay kaya kong hugutin ang sarili kong puso mula sa aking katawan. Nagsimula na ring mangilid ang aking mga luha. Ayaw kong saktan ang kalooban ni inay Nely ngunit wala na akong ibang maisip na paraan. Siya lang ang malapit sa lahat ng aking mga tiyuhin at maging siya ay alam kung ano ang nilalaman ng libro.

Napaluhod ang inay Nely sa aking harapan.

"Sasabihin ko na anak. Pakiusap Cereina, itigil mo na iyan!" Agad kong inalis ang aking kamay sa aking kaliwang dibdib. Mariin akong napapikit at kinalma ang aking sarili. 

Lumapit ako kay inay Nely. Hinila niya ako at niyakap ng mahigpit. 

"Mana ka talaga sa iyong ama. Napakatigas ng iyong ulo." Hindi ako kumibo.

Kumalas naman ito sa kanyang pagkakayakap sa akin.

"Huwag mo na uulitin iyan anak. Pakiusap Cereina, nagmamakaawa ako sa iyo."

Hinawakan ko ang kanyang dalawang kamay at marahan itong pinisil. 

"Hindi ako mangangako inay ngunit iiwasan kong humantong ako sa ganitong sitwasyon." 

Niyakap niya akong muli.

HETO ako ngayon sa labas ng silid ni inay Nely. Hinihintay ko siyang matapos na isulat ang ritwal na hinihingi ko. 

Nakagat ko ang aking labi at napasandal sa gilid ng pinto habang nakahalukikip. Alam kong hindi madali para kay inay Nely ang hinihiling ko ngunit ito lang ang tanging naisip kong paraan. Bibigyan ko ng anak si Shanty bago pa man makauwi sila ama. Nasisiguro kong hindi niya gagalawin si Shanty sa oras na magbunga ang pagmamahalan naming dalawa. Alam kong kasalanan sa Diyos ang gamitin ko ang sanggol na mabubuo sa aking sinapupunan ngunit ito lang ang tangi kong paraan. Susuwayin ko si Luna. Nagawa na ng tiyuhin kong si Zsakae ang ganoon at magagawa ko iyon ulit ngayon. 

Bumukas naman ang pinto ng silid ni inay Nely at ibinigay niya sa aking ang hawak niyang papel. 

"'Nak, maaring mapahamak si Shanty sa gagawin mong ito. Alam mong posibleng madamay ang bata sa lasong nakakabit sa iyo. Katulad nang nangyari sa pinsan mo, ang anak ni Zsakae." 

Itinago ko ang papel sa aking bulsa. 

"Babaliktarin ko ang ritwal na isasagawa ko inay. Ako mismo ang tatanggap ng parusa ni Luna. Hindi si Shanty at mas lalo na ang magiging anak namin." 

Nasapo ni inay Nely ang kanyang noo. 

"Paano mo gagawin iyon anak? Ang ritwal na ibinigay ko sa iyo ay para lamang sa mga taong itinakda para sa inyo." 

"Nakakalimutan mo yata inay. Isa akong Zoldic at nananalaytay sa dugo ko ang dugo ni Luna." Yumakap ako sa kanya. 

"Magiging maayos lang ako inay. Pakiusap. Kahit anong mangyari sa akin ay huwag ninyong sisisihin ang inyong sarili. Sariling pagpapasya ko ito at walang namimilit sa akin. Ni ang matinding pagmamahal ko para kay Shanty ay hindi bumulag sa akin. Gusto ko lang gawin ang mga bagay na gusto ko at iyon ay ang mapasaya ang aking sarili kahit ikapahamak ko pa." 

Narinig ko naman ang paghikbi ni inay Nely habang yakap ko siya. Hinagod ko na lamang ang kanyang likuran. Patawad inay. Patawad inang Catherine. 

I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon