IMK-29
MATAPOS ang tagpong iyon sa bahay namin ay bumalik na ako sa bahay ampunan. Nadatnan ko pa si Shanty na aligaga at para bang may hinahanap.
Nang makita niya ako'y mabilis pa siyang tumakbo at yumakap sa akin ng husto.
"Saan ka galing? Kanina pa kita hinahanap? Ang akala ko'y iniwan mo na ako."
Agad namang kumunot ang aking noo.
"May nakalimutan lang ako sa bahay. Bakit naman kita iiwan?"
Ikinukong naman niya ang aking mukha sa kanyang mga kamay.
"Hindi mo maaalis sa akin ang mangamba mahal ko. Ipinagbabawal ang relasyon nating dalawa at ayaw ko lang na ilayo ka nila sa akin."
Napayuko ako at yumakap sa kanya.
"Hindi mangyayari iyon," wika ko.
"Tara na. Kanina pa ka hinahanap ng mga madre," aniya. Tumango lamang ako.
SUMAPIT ang hapon at tapos na ang mga gawain ko sa opisina. Maging si Shanty ay ganoon din. Iyon nga lang ay mukhang buong araw niya'y nakalaan pa rin yata sa akin. Madalas niya akong daanan sa aking opisina. Sinisilip niya ako palagi at dinadalhan ng kung ano-anong nais niyang maibigan. At para ring sinisiguro niya na hindi ako mawawala sa kanyang paningin. At gusto ko ang bagay na iyon.
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo ko sa aking silya at kinuha ang isang pares ng damit sa aking tukador. Nagbihis ako upang palitan ang aking unang isinuot. Naalala kong may dadaluhan kaming baylehan mamaya at ayaw ko nang umuwi ng bahay. Nagpadala na rin ako ng sulat kay inay Nely upang magpaalam na baka gagabihin akong lalo sa pag-uwi.
Nang matapos ako ay kinuha ko ang papel na ibinigay sa akin ni inay Nely kanina. Binuklat ko ito at binasa ang nakasulat. Nakagat ko agad ang aking labi. Napisil ko ang aking batok. Mukhang kailangan kong gumawa ng paraan para magkasarilinan kami mamaya ni Shanty. Kailangang makipagniig ako sa kanyang mamaya sa ilalim ng kabilugan ng buwan.
Agad akong napatingin sa kalendaryo at saktong bilog na bilog ang buwan na lalabas mamaya. Isinaulo ko ang bibigkasin kong ritwal habang hinihintay si Shanty na sunduin ako sa aking opisina.
Paroon at parito ang aking paglakad habang walang ingay na nagmumula sa aking bibig ang bawat salitang aking binibigkas.
Napatigil ako sa paghakbang nang maramdaman ko ang presensiya ni Shanty na papalapit na sa aking kinaroonan. Napangiti ako sa kawalan. Nilukot ko ang hawak kong papel, piniga at hanggang sa tuluyan ko itong mapulbos.
Kumatok naman si Shanty sa pinto ng aking opisina. At kasunod nito ay ang pagbukas ng pinto.
"Mahal ko, handa ka na ba?" ani Shanty sa akin. Tumango ako.
"Ikaw ba?" balik kong tanong sa kanya.
"Kanina pa nga ako sabik na sabik na mapuntahan ka agad dito," aniya pa at hindi maitago ang mga ngiti sa kanyang labi.
"Kung ganoon ay lumakad na tayo," wika ko pa. Agad naman siyang lumapit sa akin at hinawakan ang aking kanang kamay. Kanya itong hinagkan. Nakagat ko lamang ang aking labi at inayos ang kanyang buhok.
"Hindi ako lalayo sa iyo mamaya, pangako. Kahit kulitin pa ako nang kulitin ni Selly." Natawa ako sa kanyang sinabi.
"Panindigan mo iyan," sagot ko pa. Tumango naman siya at mabilis pang hinagkan ang aking mga labi.
Lumubay din naman siya sa akin at kinayag na ako palabas ng aking opisina. Iniwan ko na rin ang dala kong mga gamit. Sana nga lang ay hindi ako atakihin mamaya.
SUMAKAY kami ni Shanty sa isang kabayong nirentahan niya.
Inalalayan niya akong sumakay sa kabayo at maging siya ay sumunod din naman agad.
"Malayo ba ang himnasyo?" usisa ko pa nang lumakad na ang aming kabayong sinasakyan.
"Hindi naman ganoon kalayo mahal ko."
"Bakit hindi natin ito patakbuhin nang hindi naman tayo maabutan ng gabi rito sa daan?"
"Mas gusto ko ang ganito," aniya at yumakap sa aking baywang habang ang isang kamay niya'y nakahawak sa lubid.
"Salamat," wika ko.
"Para saan mahal ko?"
"Para sa hindi mo pagbitiw sa pagmamahalan nating dalawa kahit pinagbabawalan ka na ng iyong ama." Narinig ko naman ang buntong-hininga niya.
"Masaya ako sa nangyayari sa ating dalawa Cereina at hindi ko hahayaang pigilan nila tayo." Napakapit ako sa kanyang bisig.
"Gusto mo ba ng anak, Shanty?" tanong kong bigla. Napatigil naman ang kabayong sinasakyan namin.
"Bakit mo naitanong Cereina?"
Binalingan ko siya.
"Gusto ko lang malaman."
Binitiwan naman niya ang lubid at ang dalawang bisig na niya ang yumapos sa aking baywang habang ang kanyang mukha ay nakasiksik sa aking leeg.
"Gusto. Gustong-gusto ko na ikaw ang maging ina ng magiging anak natin." Napangiti ako.
"Gusto ko rin iyon," sang-ayon ko. Hinagkan naman niya ang aking leeg at muli nang pinalakad ang aming sinasakyang kabayo.
NANG makarating kami sa himanasyo sa bayan kung saan gaganapin ang baylehan ay namangha ako ng husto sa aking mga nakikita. Ala sais na ng gabi at kumukutitap ang ilaw na nagmumula sa isang bilog na nasa gitna ng himnasyo. Nakakaaliw dahil may iba't ibat kulay pang lumalabas dito. Maganda rin ang musikang nanggagaling sa radyo. Hindi siya ganoon kasakit sa tainga at nakakaindak din to.
"Nagsimula na yata sila," ani pa Shanty sa akin.
"Malapit lang ba ang bahay niyo rito?"
"Hmm? Kung ang bahay paupahan ang tinutukoy mo ay oo ngunit ang tahanan ko ay malapit sa dagat Cereina. Alam mo naman siguro na ang aking ama ay laging nasa laot."
Napatango-tango ako. Umuna na siyang bumaba sa kabayo at inalalayan din naman akong makababa rito. Itinali niya ang lubig ng kabayo sa malaking puno.
"Ang daming tao," wika ko pa.
"Ganoon talaga kapag baylehan mahal ko. Maraming dadayo."
"Nasaan ba ang kaibigan mo?" sabi ko pa habang nagkukunwaring tinatanaw sa malayo ang kaibigan niyang si Jeoffrey. Ngunit ang totoo'y kita ko naman kung saan ito nakapuwesto dahil amoy pa lang ni Selly ay nakadikit din sa katawan ni Jeoffrey.
"Hanapin natin." Tumango lang ako kay Shanty. Hinawakan niyang mahigpit ang aking kamay at sumuot na sa maraming nagsasayaw sa gitna. Hinayaan ko lang si Shanty na hilain ako. Saka ko na sasabihin sa kanya kung saan nakapuwesto si Jeoffrey kapag nakalabas na kami sa nagkukumpulang mga tao.
![](https://img.wattpad.com/cover/77750852-288-k940401.jpg)