IMK-16

3.1K 126 2
                                    


IMK-16

Matapos niya akong hagkan ng mariin ay kusa rin naman itong lumubay sa aking mga labi. Hawak ng kanyang dalawang kamay ang aking mukha. Parang pilit niyang minimemorya ang bawat bahagi ng aking mukha dahil sa lagkit nang kanyang pagkakatitig sa akin. 

Natigilan naman ako nang biglang bumagsak ang mga butil ng mga luha sa kanyang mga mata. 

"Naguguluhan na ako Cereina. Hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong gawin para mawala itong mga katanungang nais kong masagutan. Gusto ko ng mga paliwanag ngunit ayaw mo naman iyong ibigay sa akin. Nahihirapan na ang aking kalooban. Nahihirapan na akong pagtagpiin ang aking mga nasaksihan."

Inalis ko ang kanyang mga kamay sa aking mukha at umayos sa pag-upo sa kanyang tabi.

"Bakit ba kailangan mo pang isipin ang mga bagay na hindi naman kaya ng utak mo na bigyan ito ng kasagutan? Dahil ba roon ay kaya ka nagkasakit?" sagot ko sa kanyang mabigat na saloobin para sa akin.

"Siguro nga," sagot niya at dahan-dahan na bumangon. Sumandal siya sa ulunan ng kama.

"Pakiusap Shanty. Itigil mo na ang paghahanap ng mga kasagutan. Magkakasakit ka lamang kung ipagpapatuloy mo ito."

Umiling naman siya sa akin.

"Mahal kita."

Nagulat ako sa aking narinig. Agad kong iniwas ang aking paningin sa kanya at bigla na lamang bumagsak ang aking mga luha. Agad ko itong pinahiran. Hindi kasiyahan ang nararamdaman ko sa kanyang pagtatapat, kundi isang matinding kalungkutan.

"Napag-usapan na natin ito Shanty. Itigil mo na itong kahibangan mo..." huminga ako ng malalim.

"H-hindi kita gusto," nahihirapan kong dugtong sa aking unang sinabi.

Tumayo na ako ngunit bigla niyang hinila ang aking kaliwang kamay. 

"Bakit ayaw mo akong tingnan? Alam kong nagsisinungaling ka lamang Cereina. Ramdam ko sa bawat pagdampi ng iyong mga labi sa aking mga labi ang isang pagmamahal." 

Nakuyom ko ang aking mga kamao.

"Hindi mo ako dapat minahal Shanty."

Narinig ko naman ang marahas na pagbuga nito ng hangin.

"Hindi kita pipilitin. Ngunit maari bang makita ko man lang ang iyong sugat sa tagiliran? Alam kong nasugatan ka kahapon ngunit nagtataka ako dahil itim na dugo ang nagmantsa sa aking damit. Gusto ko lang malaman Cereina."

Mariin akong napapikit at nakagat ang aking labi. Napabuga ako ng hangin at umupo muli pabalik sa gilid ng kanyang kama. 

Tumalikod ako at inilagay ang aking mga buhok sa aking harapan. Ibinaba ko ang siper sa likuran ng aking suot na bestida. Ibinaba ko mula sa aking balikat ang magkabilang puntas ng aking bestida hanggang umabot ang kalahit ng aking damit sa aking baywang.

Habang ginagawa ko iyon ay panay na sa pagtulo ang aking mga luha. Hindi ko na mapigil ang aking sarili na maging madamdamin dahil sa pagtatapat sa akin ni Shanty. Aminado na akong iniibig ko siya ngunit pilit kong inilalayo ang aking sarili sa kanya. May malaki pa rin akong alinlangan sa aking sarili. 

Narinig ko naman ang pino niyang pagtawa. Nakagat ko ang aking labi. Ibabalik ko na sana ang aking damit sa pagkakaayos nito ngunit laking gulat ko nang bigla niya akong niyakap mula sa likod. 

"Bakit ka umiiyak?" tanong niya dahilan para ako ay matigilan muli.

"Hindi mo napansing may salamin sa gilid ng aking kama at nakikita ko ang itsura ng iyong mukha. Malungkot ka Cereina at mas lalong patuloy na lumuluha ang iyong mga mata. Bakit?"

Natakpan ko ang aking bibig at tuluyan na akong napahagulhol. Mas lalo namang humigpit ang kanyang yakap sa akin.

"H-hindi mo ako puwedeng mahalin," umiiyak kong wika.

Naramdaman ko naman ang pagbagsak ng kanyang mga luha sa aking kanang balikat.

"Bakit Cereina? Bakit hindi kita puwedeng mahalin?"

Mas lalo akong naiyak sa kanyang naging tanong. 

"Alam kong may nararamdaman ka na para sa akin. Ngunit lubos kong hindi maintindihan ay kung bakit pinipigilan mo ang iyong sarili. Bakit Cereina? Naging maloko ba ako sa iyo kung kaya ay hindi mo ako magawang pagkatiwalaan?"

Agad akong umiling. 

"Hindi totoo iyan," tanggi ko.

"Kung ganoon ay ano ang bagay na pumipigil sa iyo para ako'y tanggapin mo nang tuluyan?" 

Nasapo ko ang aking noo. 

"Hindi ako ang nararapat para sa iyo Shanty." Ikinulong naman niya ang aking mukha sa kanyang mga palad at pinaharap ako sa kanya. 

"Hindi ko maramdaman ang salitang hindi ka karapat-dapat sa akin Cereina. Hindi ko nakikita ang salitang mali upang ikaw ay ibigin ko. Hindi ko nakikita ang salitang itigil itong nararamdaman ko dahil hindi ko kaya. Noong unang beses kitang nasilayan ay alam kong hindi nagkamali ang puso ko sa pagtibok para lamang sa iyo. Kaya nakikiusap din ako sa iyo Cereina. Sabihin mo sa akin ang totoo. Ano ba ang pumipigil sa iyo?"

Nasapo ko ang aking dibdib. Kay bigat ng aking nararamdaman at para akong tinutusok ng mga bawat salitang binibitiwan ni Shanty para lamang sa akin.

"Cereina..."

"Pakiusap, maari bang sundin mo muna ang saloobin ng iyong puso at hayaan ang sarili mong ilabas ang totoo mong nararamdaman?" 

Hindi ko na kaya.

Kinabig ko siya at niyakap. 

"Mahal kita. Mahal na kita!"

Narinig ko naman ang pagluha niya ng todo. 

"Mahal na mahal kita Cereina. Hindi ko kaya ang lumayo sa iyo."

Hinagkan niya ang aking noo at tinuyo ang aking mga luha sa aking magkabilang pisngi. 

I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon