IMK-10
"Cereina!?" gulat niyang sambit nang makita ako. Agad siyang humakbang palapit sa akin.
Nanigas pa ang aking leeg nang bigla niya akong yakapin at lihim na hinagkan ang aking leeg. Natulala akong saglit at hindi rin nakagalaw.
"Shanty!" bulalas ni Madre Irene at hinila si Shanty.
"Paumanhin senyorita Cereina!" kabado pang wika ni Madre Irene at hinila na palabas si Shanty. Akmang magpo-protesta pa sana ito ngunit hindi na nakapalag pa.
Nang sumara ang pinto ay diretso akong bumagsak sa sahig at napaluhod. Nasapo ko ang aking mga tuhod. Bigla akong nakaramdam ng panlulumo. Agad akong nagpakawala ng malalim na hininga.
"Ano bang nangyayari sa iyo Shanty at bigla mo na lamang niyakap ang senyorita Cereina? Alam mo ba kung kaninong anak siya? Mapapagalitan tayo dahil sa ginagawa mo anak," pagtataas ng boses ni Madre Irene.
Natawa ako sa aking sarili. Alam kong nasa malayo sila ngunit dinig na dinig ko pa rin ang kanilang usapan. Nakapagtatakang pagdating kay Shanty ay malinaw pa sa sinag ng araw ang linaw ng aking tainga.
"Hindi na po mauulit," sagot naman ni Shanty. Nasapo ko ang aking batok at napatayo. Pinagpagan ko ang aking palda at umupo na sa silyang nakalaan para sa akin.
Nagtataka ako ngayon kung bakit hindi man lang sinabi ni ina sa akin na pumaparito pala si Shanty gayong alam naman ni ina na ayaw ni ama na mapalapit ako sa dayuhang binata. Nakagat ko ang aking labi. Masiyado yatang gumulo lalo ang aking isipan.
Pinilig ko ang aking ulo at inabala ang aking sarili sa pagbabasa ng mga bagong libro. Luma man kay ina ngunit bago pa ito sa aking paningin dahil ito ang unang beses na mababasa ko ang mga ito.
MAKALIPAS ang tatlong oras ay nakatapos din ako ng limang libro at sulit na sulit ang pagtanggap ko sa tungkuling ibinigay sa akin ni ama. Pansamantala man ngunit malaking bagay na pagbabago pa rin ito sa akin.
Tumayo ako mula sa aking pagkakaupo at lumabas ng silid. Diretso ako sa labas ng bahay. Agad kong nakita ang mga batang naglalaro. Nagtatakbuhan, may humahabol, ang ilan naman ay naglatag ng mga kumot sa damuhan at ang iba naman ay abala sa bahay-bahayan.
Lumapit ako sa mga batang naglatag ng mga kumot sa damuhan.
"Senyorita Cereina!" bulalas ng mga ito at biglang napayuko. Nakagat ko ang aking labi. Pati sila ay napakagalang din kung ako ay tratuhin.
"Pakiusap huwag na sanang yumukod pa. Hindi naman ako santo," nakangiti kong wika at umupo sa tabi ng mga bata.
"Gusto niyo bang basahan ko kayo ng libro?" suhestyon ko pa.
"Gusto po!" sabay-sabay nilang sang-ayon. Matamis akong napangiti at kumuha ng librong pambata sa mga nakahilera nilang mga libro.
Nagsimula na akong magbasa. Habang nagkukuwento ako'y agad kong naramdaman ang pag-upo ni Shanty sa dulo at mataman akong tinitigan. Ni ang kumurap ay hindi niya nagawa. Naigting ang aking panga. Hindi ko gusto ang pakiramdam nang naiilang.
Tumikhim ako at nang matapos ang binasa ko'y pinapunta ko na ang mga bata sa loob upang magmeryenda. Iniligpit ko ang mga librong nakalatag.
"Pakiusap Shanty, ayaw ko nang may nakatitig sa akin," wika ko ngunit hindi naman nakatingin sa kanya.
"Hindi lang ako makapaniwala," aniya na may kasama pang pinong pagtawa. Nang tingnan ko siya'y parang napawi ang pagkailang ko kani-kanina lamang.
"Hindi rin ako makapaniwalang nandito ka at hindi ko gusto ang ginawa mo kanina. Paano na lamang kung magsumbong ang Madre Irene sa ama ko? Sa tingin mo ba'y hindi mapapahamak ang ama mo?"
Pumalatak naman siya at humiga. Iniunan niya ang kanyang dalawang braso.
"Hindi ko naisip ang bagay na iyon Cereina. Ang alam ko lang ay masaya ako nang makita kita kanina. Simula nang ipagtabuyan mo ako palayo sa iyo ay mas lalo akong hindi napalagay. Ngunit nirespeto ko ang iyong nais. Sadyang hindi ko lamang napigilan ang bugso ng aking damdamin nang makita kita kanina. Pakiramdam ko'y isang panaginip lamang at ayaw ko nang magising pa sa katotohanang hindi na naman kita makikita. Hindi ko akalaing ang inaasam ko'y dininig agad ng Diyos. Heto ka, sa aking harapan, nakikita ka at masisilayan pa araw-araw," aniya at bumaling sa akin. Kay tamis ng ngiti niya na umaabot pa hanggang mata.
Napakurap ako at agad nag-iwas ng tingin. Kay tapat niya kung maglabas ng damdamin at ngayon lamang ako nakatagpo ng ganitong klaseng nilalang... Sa isang mortal pa.
Hindi ako umimik at akmang tatayo na mula sa aking pagkakaupo ngunit ganoon na lang ang aking gulat nang hilain ako ni Shanty dahilan para masubsub ako sa kanya.
At kapag minamalas ka nga naman ay bumagsak ang aking mga labi sa kanyang mga labi. Namimilog ang aking mga mata dahil sa pagkagulat. Nanigas ang aking leeg nang gumalaw ang kanyang kanang kamay upang yaposin ang aking baywang. At ang mga labi niya'y gumalaq upang sakupin pang lalo ang aking mga labi. Naibuka ko ito dahil sa pagpasok ng kanyang dila sa loob ang aking bibig. Napasinghap ako. Agad ko siyang naitulak at nang makalayo ang aming mga labi at agad kong nalasahan ang kakaibang sarap. Namilog ang aking mga mata at agad na nahawakan ang aking ibabang labi. Nang makita ko ang dulo aking daliri ay nagimbal ako. Nasugatan ko ang dila ni Shanty.
Agad nanginig ang aking mga kamay at unti-unting umaalsa ang aking mga ugat. Nalintikan na! Diretso akong napatayo!
"Cereina! Sandali!"
"Huwag mo akong susundan!" singhal ko sa kanya habang ako ay nakatalikod. Dali-dali kong naitago ang aking mga kamay sa loob ng aking damit. Nagsimula nang humaba ang aking mga kuko. Dali-dali kong tinakbo ang aking opisina. Pasuray-suray na ako kung maglakad.
Nang umabot ako'y agad kong isinilyado ang pinto.
"Ugh!" ungol ko at napaluhod sa sahig.
Halos maluha-luha na ako habang gumagapang palapit sa aking mesa. Ang mga ugat sa aking katawan ay walang pakundangan sa pag-alsa. Ang buhok ko naman ay halos kasing puti na ng harina. Nagbabago na naman ako ng anyo na hindi ko kontrolado.