IMK-4
TINULUNGAN ko si ina na mamili ng mga kailangan niyang sangkap sa mga putaheng lulutuin niya. Tuwang-tuwa ako sa nakikita kong makukulay na bagay at ganito pala kaingay ang palengke.
"Hindi ba mabigat anak?" baling ni ina sa akin.
"Po? Alin po ang mabigat?" taka kong tanong sabay pakita ng mga bayong kong hawak na punong-puno na. Bigla pa kaming pinagtinginan ng mga tao.
Narinig ko ang pinong pagtawa ni ina.
"Minsan talaga ay nakakalimutan kong hindi ka pala normal," wika ni ina. Nginitian ko lang si ina.
"Dalhin mo na ang mga iyan sa kalesa anak at puwede ka nang pumunta sa perya. Heto ang pera. Magsaya ka habang nandito tayo, ngunit isang oras lang ang ibibigay ko sa iyo," anang ina. Agad na kumislap ang aking mga mata dahil sa aking narinig. Hinagkan ko si ina sa kanyang pisngi at kinuha ang perang nakalahad sa kanyang palad.
Agad na tinungo ko ang kalesa namin at agad na inilagay ang mga bayong na bitbit ko. Nang mailagay kong lahat ay sabik na sabik pa akong tumawid sa kalsada at tinungo ang hindi kalayuang perya. Kahit sabik na sabik akong subukan ang perya ay umakto pa rin akong isang normal na nilalang dahil kapag tinakbo ko ito'y baka magulat ko ang mga taong nakapalibot sa akin.
Nang umabot ako sa bukana ng perya ay nakagat ko ang aking labi at napatingala sa makukulay nitong mga palamuti.
"Papasok po ba kayo?" Agad na bumaba ang aking ulo sa isang matandang unanong kumausap sa akin.
"May babayaran po ba para makapasok?" tanong ko.
"Bente," sagot naman nito.
Agad kong ibinigay sa kanya ang bente at may itinatak naman siya sa aking hugis bilog na marka.
"Puwede ka nang pumasok," aniya.
Sa pagkasabik ko'y walang alinlangan din naman akong pumasok. Maraming tao kahit na maaga pa lamang. Lahat ng mga taong narito ay abala sa paglalaro ng kung ano-ano. May nakita rin akong mga nagsusugal. Pero isang laro ang umagaw sa aking atensyon. Ang paghagis ng bilog na bakal sa ulo ng mga bote. At agad kong naibigan ang kulay asul na paynetang magiging premyo kapag ako'y nanalo ng tatlong beses.
Agad akong lumapit at humugot ng pera sa aking bulsa ngunit agad akong natigilan nang may isa pang kamay ang biglang nag-abot sa lalaking nakatoka sa laro.
"Isa nga manong," wika nito. Agad na gumalaw ang aking leeg upang lingonin kung sino ang lalaking nakipag-unahan sa akin.
"Shanty," utas ko ngunit walang lumalabas na mga letra sa aking bibig.
Matamis niya akong nginitian at halos nawawala na ang kanyang mga mata. Umawang ang aking bibig ngunit agad ko rin naman itong itinikom at umatras ng konti upang makapagsimula na itong makapaglaro.
Hagis lamang siya nang hagis sa bilog na bakal na kanyang hawak at tymepong sa tatlong huling hagis niya'y napasok itong lahat. Nasabik ako sa aking nakita ngunit hindi ko ito ipinahalata.
"Iyong asul na payneta manong," ani Shanty. Nanlumo ako sa aking narinig. Iyon pa naman ang gusto kong premyo. Ngunit napangiti na lang din naman ako sa kawalan. Marahil ay ibibigay niya ito sa babaeng gusto niya. Nakatutuwa ang isang gaya niyang nilalang.
"Heto," aniya nang humarap sa akin. Nagulat ako sa aking narinig.
"Para sa akin?" ulit ko pa dahil hindi ako makapaniwala sa aking narinig.
"Para talaga sa iyo iyan," aniya pa at matamis muli akong nginitian at nawala uli ang kanyang mapupungay na mga mata.
"Pero..."
Bigla niyang kinuha ang aking kanang kamay at inilagay sa aking palad ang asul na payneta.
"Bagay sa iyo ang payneta," aniya pa.
"Ngunit paano ang babaeng pagbibigyan mo nito?" wika ko pa. Pino naman siyang tumawa, dahilan para kumunot ang aking noo.
"Wala akong ibang babaeng pagbibigyan Cereina, maliban sa iyo."
Umawang ang aking bibig sa pagkamangha.
"Paano mo nalaman ang aking pangalan?" taka kong tanong.
"Kay Papa, anak ka ng amo ni Papa, 'di ba? At nasabi niya rin sa akin na hindi ka lumalabas sa malaking bakod na 'yan. Sobrang tuwa ko nga nang makita kita rito."
Sobra niyang prangka. Iyon agad ang napansin ko. Masiyadong bukal sa loob niya ang magsabi ng kanyang mga nararamdaman.
"Ganyan ba kayong mga taga Maynila? Masiyadong malahad pagdating sa totoong damdamin?" Ito naman ang nagsalubong ang mga kilay.
"Depende sa kaharap namin. At hindi ako nagsisinungaling Cereina. Paano mo nga pala nalaman na taga Maynila ako?"
"Nasabi lang sa akin ni ina," sagot ko. Tumango lamang din naman siya.
"Salamat sa payneta," wika ko at tipid siyang nginitian. Bigla naman siyang kinuha ang payneta sa akin at isinuksok sa nakapusod kong buhok. Pakiramdam ko'y biglang uminit ang aking mukha. Nakapagtataka.
Nang bumalik ito sa aking harapan ay bigla naman itong natigilan at para bang namangha ito.
"Namumula ang mga pisngi mo Cereina," aniya. Agad kong nasapo ang aking mukha.
"Nainitan lang ako," alanganin ko pang sagot dahil hindi ko alam kung bakit ako namumula.
Kumikit-balikat naman ito.
"Gusto mo bang sumakay sa malaking barkong idinuduyan?" alok niya. Nakagat ko ang aking labi. Nag-aalangan ako. Ngunit bago pa man ako makasagot ay bigla na lamang niya akong hinila papunta sa barkong sinasabi niya. Siya pa mismo ang nagbayad at hanggang ngayon ay hawak niya pa rin ang aking kaliwang kamay. At ayaw mawala ang tingin ko rito hanggang sa makasakay kami.
Nang mapuna niya ang pagtitig ko sa aming magkadaop na kamay ay para siyang napasong binitiwan ako.
"Matutuwa ka rito," aniya pa at muli akong nginitian.
Tumango lamang ako. Nang magsimula nang umandar ang sinasakyan naming barko at napahiyaw pa ito sa sobrang sabik. Palakas nang palakas ang pagduyan ng barko at hindi ko maintindihan ang aking sarili. Aminado akong masaya ang sinasakyan namin ngunit parang mas umaalpas pa ang kasiyahan ko dahil sa nakikita kong sigla sa mukha ni Shanty. Buong pagduyan ng barko ay nakatuon lamang ang mga mata ko sa kanya. Paminsan-minsan ay sinusulyapan niya ako. Masayahin siyang tao at 'yon ang nakikita ko.