IMK-3

4.5K 139 4
                                    


IMK-3

NANG makapasok ako sa bahay namin ay biglang lumitaw si ama sa aking harapan. 

"A-ama?" utas ko. 

"Hindi ko gusto ang pagtitig mo sa lalaking iyon," wika nito na agad din namang ikinayuko ng aking ulo. 

"Lumayo ka sa kanya," anito at agad na sumunod kay ama. Laglag ang aking mga balikat at napabuga ng hangin. 

Diresto ko na tinalon ang ika'lawang palapag kung saan naroon ang aking silid. Diretso ako agad na dumapa sa aking kama at napatihaya. Iniisip ko kung bakit kaya biglang nasabi ni ama sa akin iyon gayong kapag may lalaki naman akong nakakaharap ay hindi naman ganoon ang kanyang pagtrato. 

Nakagat ko ang aking labi at inabala na lamang ang aking sarili sa pagbabasa ng mga nobela. 

KINABUKASAN, agad akong napababa sa aking kama nang marinig ko ang katok ni ina sa pinto ng aking silid. Imbes na lumitaw sa harapan ni ina. Magugulatin kasi ito at ayaw ko namang mapagalitan ni ama. 

"Anak ko, magandang umaga sa iyo," masiglang bati ni inang Catherine sa akin. 

"Magandang umaga rin naman ina," bati ko pabalik. Agad kong nakita ang dala niyang mga bayong. 

"Para saan po ang mga iyan?" tanong ko. 

"Maari bang samahan mo ako sa labas ng malaking bakod anak? Mamamalengke kasi ako ngayon. Darating ang ate Yana mo, pati na ang ate Angelika mo." 

Napakurap ako. Hindi pa ako nakalalabas ng malaking bakod, kahit isang beses. Ngayon lang ito mangyayari. 

"Pero hindi ako papayagan ni ama," sagot ko kay ina. 

"Pumayag siya anak. Nagpaalam naman na ako sa kanya," sagot nito dahilan para mawala ang lungkot sa aking mukha. 

"Totoo po!? Hindi po kayo nagbibiro?" 

Agad naman itong umiling. Mabilis kong nayakap si ina. 

"Sandaling bihis lang ito ina, teka..." Isang mabilis na pagkilos agad ang aking ginawa at sa isang iglap lang ay bumalik muli ako kay ina na nakabihis na. 

"Ang ganda talaga ng anak ko," wika ni ina. 

"Binobola ninyo ako ina," sagot ko naman at kinuha ang dalang mga bayong na dala ni ina.

Bumaba na kami at si ama agad ang sumalubong sa aming dalawa ni ina. 

"Ingat ka mahal ko," wika ni ama at hinagkan si ina. Napangiti ako. Napakalambing talaga ni ama pagdating kay ina. 

Ako naman ang hinagkan ni ama sa aking noo. 

"Huwag mong bibigyan ng sakit ng ulo ang iyong ina, Cereina..."

Napatango ako. Kinayag na ako ni ina pasakay sa aming antigong kalesa. Habang nasa biyahe ay sabik na sabik ako sa aking makikita at mararanasan ngayong araw. 

"Anong mayroon sa labas ng bakod ina?" tanong ko habang may kislap sa aking mga mata. 

"Magulo pero masaya. Maingay ang mga taga nayon, hindi katulad dito sa looban anak. At saka may perya," kuwento ni ina. 

"Perya?" 

"Oo," sagot nito. 

"Ano po ang perya?" Bigla namang nawala ang ngiti ni ina sa kanyang mga labi at biglang nanubig ang kanyang mga mata. Nang mapansin niya ito'y agad din naman siya tumingala at suminghot. Kahit hindi sabihin ni ina sa akin ay ramdam ko ang matinding awa niya sa akin. Hindi ko rin naman siya mapipigilang makaramdam ng ganoon. Sa halos apat na daang taon kong nakakulong sa malaking bahay namin ay talagang hindi ko malalaman ang ganoong klaseng mga bagay. Alam ko ang mga salita. Hindi ako ganoon ka mangmang ngunit sa libro ko lamang nababasa ang mga iyon at kahit kailan ay hindi ko man lang naranasan. Ngayon pa lang ako magsisimula.

"Patawarin mo ako anak," wika ni ina. Agad kong hinaplos ang kanyang kanang kamay. 

"Ayos lang ina, nasanay naman na ako."

Maluha-luha naman siyang napatango. Napangiti ako. Walang kupas ang ganda ni ina kahit ilang daang taon na ang lumipas. Para ko lang siyang kapatid kung ang pagbabasehan ang mga mata ng isang mortal.

"Hayaan mo't makikita mo mamaya ang perya," wika ni ina. Sabik na sabik din naman akong napatango. 

NANG marating namin ang malaking bakod ay napatingala ako at sinukat ng aking mga mata kung gaano ito ka tayog. Sa kakayahan ko'y kaya ko itong talunin. Binuksan naman ang tarangkahan at agad din namang tumakbo ang kalesang sinasakyan namin. Natakpan ko ang aking mukha nang tumama sa aking mga mata ang sinag ng araw. Bahagya akong napapikit. Hindi naman masakit maarawan ngunit masakit sa aking mga mata. Agad akong napayuko. 

"Hindi ka ba nasanay sa matinding sikat ng araw anak ko?" 

Bumaling ako kay ina. 

"Medyo ina," sagot ko. 

Nang mag-angat muli ako ng aking ulo ay ganoon na lang ang aking tuwa nang masaksihan ng aking mga mata ang mga taong abala sa kani-kanilang mga gawain. May nagbebenta ng mga kung ano-ano. Ni hindi ko alam kung ano ang tawag sa ilan sa mga ito. 

"Sa palengke po tayo, 'di ba ina?" muling tanong ko. 

"Oo anak, madadaanan natin ang perya." Isang masiglang ngiti lamang ang naging tugon ko kay ina. 

NANG umabot kami malapit sa palengke ay agad nahagip ng mata ko ang isang kakaibang lugar. Maraming kulay at palamuti sa buong paligid. Marami pang mga sasakyang gawa sa bakal ang gumagalaw at umiikot sa ere. May korteng bilog pa na para kang dadalhin sa itaas gamit ang sasakyang ito. 

"Iyan ang perya anak," wika ni ina. Nakagat ko lamang ang aking labi dahil sa sobrang kasabikan ko. Tama si ina. Magulo at maraming tao ngunit sa nakikita ko naman ay masaya ang buong paligid. 

"Gusto mo bang mamasyal?" tanong sa akin ni ina. 

"Mamaya na lang po pagkatapos nating mamili ina. Walang magdadala ng mga bayong at isa pa'y mabigat na ang mga ito kapag nagkalaman na," sagot ko.

Muli ay matamis na ngiti ang itinugon ni ina sa akin.

I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon