IMK-33

4.2K 152 16
                                    

NAHIGIT ko ang aking hininga nang bigla akong magkamalay. Diretso pa akong napabangon. Nasa kubo na ako na pagmamay-ari ng aking mga magulang. Ang kubong tinambayan namin ni Shanty noong isang gabing pumuslit siya rito sa aming teritoryo.

Nausisa ko agad ang aking sarili. Balik sa normal ang aking dating itsura at para bang walang nangyari sa akin. Pero agad akong nabahala dahil kailanman ay hindi ako nawawalan ng ulirat. Depende iyon sa sitwasyon ngunit ang nangyari sa akin kanina ay kakaiba.

Nasapo ko ang aking noo. Agad akong bumaba sa kama.

"Shanty?" tawag ko sa kanya. 

Wala akong kasama sa labas ng kubo kung kaya ay pinili ko ang lumabas na lamang. Ganoon na lamang ang aking gulat namang makita ko si Shanty na nakatayo sa labas habang siya'y nakatalikod sa akin. Nang umipod ako upang tingnan kung ako ang tinatanaw ni Shanty ay ganoon na lamang ang aking gulat nang makita ko ang aking ama at ina. 

"Shanty?" nanginginig ang boses ko nang siya'y aking tawagin.

Bahagya naman niya akong nilingon. 

"Buhay ka?" aniya pa at para bang gulat nang makita ako. Nag-unahan din sa pagbagsak ang mga luha niya at agad akong niyakap. Yumapos din naman ako sa kanya ngunit hindi ko naman maiwasan ang mapakunot ng aking noo.

"Anong sinasabi mong buhay ako? Bakit ano bang nangyari? Bakit nandito sila ama?" sunod-sunod kong tanong sa kanya.

"Isang linggo kang nakaratay sa kama, walang buhay. Hindi ko alam kung ano ang gagawin sa iyo. Wala akong ibang mapagtanungan. Hindi rin naman kita mailibing dahil hindi ko kaya Cereina."

Napaawang ang aking mga labi. Isang linggo?

"Nang malaman kong dumating na pala ang mga magulang mo'y agad kong sinabi sa kanila ang nangyari sa iyo. Hindi ko rin kasi naipagtapat ng maaga ka aling Nely ang nangyari sa iyo dahil natatakot ako," segunda niya pa.

Nasapo ko ang aking noo. Hindi ako makapaniwalang isang linggo na pala akong walang malay. 

"Cereina," tawag sa akin ni ama. 

Humigpit ang kapit ko sa damit na suot ni Shanty.

"Umuwi na tayo anak," wika naman ni ina. 

"Ayoko!" mariing sagot ko kay ina. 

Kita ko agad ang pag-igting ng panga ni ama. 

"Umuwi ka na," ulit pa ni ama sa akin. 

Humakbang ako upang itago si Shanty sa aking likuran. 

"Ayoko! Alam kong ikukulong niyo lang ulit ako sa seldang iyon!" giit ko. 

Panay naman ang senyas sa akin ni ina na tumahimik ako at sundin na lamang si ama. Umiling-iling ako. 

"Hindi ninyo ako mapipilit ama! Buhay ko ito!" 

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni ama at biglang lumitaw sa aking harapan. Agad nanigas ang aking leeg nang makita ang biglang pagbabago nito ng anyo. 

"Kapag sinabi kong uuwi ka, uuwi ka," mariing ani ni ama. 

"Cereina," utas naman ni Shanty sa aking likuran. Parang pati siya ay sang-ayon din sa pagpapauwi sa akin nila ama at ina. 

Umiling ako.

"Pakiusap ama, huwag ninyo akong ilayo kay Shanty," umiiyak kong pakiusap ngunit ganoon na lamang ang aking gulat nang pagbuhatan ako ni ama ng kamay. Sinampal niya ako at sa lakas niyon ay tumilapon ako sa ere. Nakita ko namang natumba si Shanty dahil rin sa matinding gulat.

I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon