IMK-6

4K 126 5
                                    


IMK-6 

KINAUMAGAHAN ay maagang nagsidatingan ang aking mga tiyahing sina ate Yana, ate Jeorgie at ate Angelika.

Kahit nasa loob pa ako ng aking silid ay dinig na dinig ko ang palitan nila ng mga pagbati sa isa't isa. Agad kong inayos ang aking buhok at ginamit ang asul na payneta. Lumabas ako ng aking silid at pumanaog sa hagdan. 

"Nandito na si Cereina," wika ni ate Jeorgie kahit hindi pa naman niya ako nakikita. 

"Magandang umaga po," bati ko nang ako'y tumunghay sa kanilang harapan.

"Aba, gumanda ka yata lalo Cereina," masiglang kumento pa sa akin ni ate Angelika. 

"Po? Kayo rin naman po," balik kong puri sa kanya. Naghila ako ng silya at umupo rito. Katabi ko ang inang Catherine. 

"May binata na bang umaaligid sa iyo Cereina?" tanong pa sa akin ni ate Yana. Agad akong napalunok. 

"Wala po!" sagot ko kasabay nang aking pag-iling. Agad namang nagkulay pula ang mga mata ni ate Jeorgie. Tila yata't hinuhuli niya ako. Agad akong napatikhim. 

"Bawal po ako sa ganoon," sagot ko. Nakita ko namang kumikit-balikat si ina at naghiyawan naman ang mga tiyahin ko dahil sa pagkadismaya. 

"Pinagbawalan ba siya ng iyong asawa, ate Catherine?" tanong naman ni ate Yana kay ina. 

Tipid na tumango si ina at hinaplos ang aking kanang kamay. 

"Hindi pa masiyadong maayos ang kalagayan ni Cereina at minabuti namin ni Steffano na bantayan siya ng maigi."

"Hay, sana puwede ko ring pagbawalan ang kambal ko," maktol ni ate Jeorgie. 

Nagtawanan naman ang lahat maliban sa akin. 

"Zoldic? Pagbabawalan mo? Wala yata sa lahi nila ang masunuring tapat pagdating sa kanilang mga desisyon at puro pa lalaki ang mga anak natin... Saan nga ba sila magmamana," wika naman ni ate Angelika. 

Napatango-tango naman ang ilan bilang pagsang-ayon at hindi kasama ro'n si ina. Wala naman akong kapatid na lalaki kaya hindi ko tukoy kung anong ugali mayroon ang aking mga pinsan, maliban kay Arthyseuos Ynue na sobrang malapit sa akin. 

"Tutal ay tayo lang naman ang nasa hapag, kumain na tayo," nakangiting wika ni ina. Sumang-ayon lang din naman ang lahat. 

Si ate Yana at ate Angelika ay katulad ni ina na kayang kumain ng pagkaing kinakain ng mga mortal, samantalang kaming dalawa ni ate Jeorgie ay kuntento na sa isang basong may lamang dugo.

Uminom ako ng konti at mariing napapikit dahil sa matinding sarap. Nang magdilat ako'y agad ko rin namang pinunasan ang aking labi. Natigilan pa akong sandali nang bigla akong may maalala.

"Ang ate Hollian po ba? Hindi siya dadalaw?" tanong ko. 

"Abala siya sa pag-aasekaso ng asyenda Cereina kaya baka humabol na lamang iyon pagkatapos ng ani," sagot sa akin ni ate Angelika. Napatango ako. Dalawang asyenda ang pinapatakbo nito at malaking responsibilidad nga iyon para kay ate Hollian. 

"Teka, may nakaligtaan akong daanan sa bayan," wika ni ate Jeorgie dahilan para matuon ang atensyon ko sa kanya. 

"Maari ko bang utusan si Cereina na pumunta sa pampublikong silid-aklatan, ate Catherine?" wika ni ate Jeorgie kay ina.

"Oo naman. Hindi naman na bawal sa kanya ang pumunta sa kabilang bakod. Ipagpapaalam ko siya kay Steffano. May kailangan ka bang mga libro roon?"

"May ipinapahanap kasi si Zairan sa akin at hindi ko naman alam kung paano ang lengguwaheng ginagamit nila. Iyong lengguwaheng iyon pa naman ang pamagat ng mga libro," sagot ni ate Jeorgie kay ina. 

"Tamang-tama. Alam na alam ni Cereina ang mga iyan. May listahan ka ba na maari niyang dalhin?" 

Agad namang naglabas ng isang kapirasong papel si ate Jeorgie at ibinigay sa akin. Kinuha ko ito at itinupi. 

"Salamat Cereina," ani ate Jeorgie sa akin. Tumango lamang ako at masiglang sinuklian ito ng ngiti. 

Kinuha ko ang papel ang itinago sa aking bulsa. Habang kuyom ko ang papel ay bigla akong nakaramdam ng matinding pananabik. Hindi ko alam kung bakit ngunit kating-kati na ang aking mga paa na muling maka-apak sa labas ng malaking bakod. 

"Ngayon niyo na po ba ito kailangan?" tanong ko kay ate Jeorgie. 

"Oo sana Cereina, ayos lang ba sa iyo? Uuwi na rin kasi kami mamaya at sa ibang daan naman tutungo ang kalesang sasakyan ko. Kaya talagang hindi ako makakapunta ng silid-aklatan. Mahirap din mawala sa paningin ng kambal ko. Lagi akong hinahanap," paliwanag nito. 

"Wala pong problema," sagot ko at agad na inubos ang laman ng aking baso. Agad din naman akong tumayo. 

"Pakisabi kay ama, ina, sandali lamang ako," paalam ko pa kay inang Catherine. 

"Akong bahala," anito at kinindatan pa ako ng aking ina. Matamis lamang akong ngumiti sa kanya at lumakad na. 

Agad kong tinungo ang kuwadra at kinuha ang puting kabayo. Sumakay ako agad at pinatakbo ito ng mabilis. 

Kung tutuusin ay kaya ko namang lumitaw na lamang doon ngunit hindi ko ginawa. Gusto kong umaktong normal kahit paminsan-minsan man lang. 

Mas binilisan ko pa ang pagpapatakbo ng aking sinasakyang kabayo at agad na lumabas sa malaking bakod nang ako'y pagbuksan ng bantay. 

Tinungo ko agad ang pampublikong silid-aklatan. Ito man ang unang beses na pupunta ako roon ngunit alam ko kung ano ang itsura ng lugar pati na ang mga kalye dahil ang mapa ng isla Bakunawa ay nakapinta sa lihim na silid ni ama kung saan naroon din ang mahiwagang salamin ni Luna. 

Humawak akong mabuti sa lubid ng aking kabayo at mas pinatakbo pa ito ng mabilis. Nang lumiko ako ay agad ko rin namang nakita sa dulo ang pampubliko silid-akalatan. Walang pinagbago ang itsura ng silid-aklatan. Kung ano ang nakita ko sa larawan ay ganoon pa rin sa personal. Ang pintura naman ay ganoon pa rin ngunit mas pinatingkad pa at inayos. Luma na ang silid-aklatan. Ilang dekada na ring nakatayo ito rito at talaga nga namang nakatutuwang pagmasdan ang malaking gusaling napagdaan man ng mahabang panahon ngunit nananatiling naging matayog.


I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon