IMK-13
NAPAKURAP ako nang akmang susuntukin niya ulit ang pader ngunit agad kong iniharang ang aking kanang palad. Bahagyang lumambot ang ekspresyon ng kanyang mukha.
"May palabas ang mga bata mamaya kaya kailangan ko magpalit ng damit," paliwanag ko sa kanya.
Tiim-bagang siyang napatitig ng husto sa akin.
"Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko Cereina," mariin niyang wika.
Nakagat ko ang aking labi. Ang akala ko'y lusot na ako sa aking pagbibigay ng dahilan.
"Shanty..."
Binasa ko ang aking natutuyong mga labi gamit ang aking dila.
"Kasi...
"Senyorita Cereina? Nariyan ka ba? Gusto ko lang sanang sabihin sa inyo na magsisimula na ang palabas ng mga bata," wika ni Madre Irene kasabay nang marahang pagkatok nito sa pinto.
"Lalabas na po," sagot ko habang ang mga mata ko'y nakatitig sa mga mata ni Shanty. Naghahanap pa rin ng mga kasagutan ang kanyang mga mata.
Narinig ko ang mga hakbang ni Madre Irene, palayo sa aking opisina.
"Kailangan na ako ng mga bata Shanty."
"Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko."
Marahas akong nagpakawala ng hininga.
"Wala akong dapat na ipaliwanag sa iyo Shanty. Pakiusap. Wala kang nakita."
Umalis ako sa kanyang harapan at dali-daling lumabas ng aking opisina. Nakuyom ko ang aking mga kamao. Alam kong hindi niya ako titigilan at kukulitin niya ako upang ako'y bumigay. Ngunit paano ko iiwasan ito gayong mga dalawang linggo pa ang pananatili ko rito sa bahay ampunan. Hindi ko siya puwedeng iwasan nang basta-basta. Makahahalata ang mga tao rito sa ampunan.
Mariin akong napapikit. Tilay bigla akong nakaramdam ng matinding pagsisisi kung bakit tinanggap ko pa ang alok sa akin ni ama. Ngayon ay nahihirapan akong takasan ang problemang ito. Hindi ko naman siya puwedeng paslangin upang mailihim lamang ang kanyang nakita. Hindi ko magagawa iyon kay Shanty. Hindi.
Lumabas ako ng bahay ampunan at tinungo ang maliit nilang himnasyo. Nagsisimula na ang pag-areglo ng musika gamit ang piyano at ang iba namang madre ay inaayos na ang paghilera ng mga bata. Huminga ako ng malalim at lumapit sa kanila.
"Senyorita Cereina," salubong sa akin ni Madre Irene.
"Magsisimula na po ba tayo?" tanong ko dahil ibig ko na ang matapos ito at makauwi sa amin.
"Konting pag-aayos na lamang senyorita. Maupo ka muna. Doon nga pala ang upuan ng mga hurado," paliwanag nito.
"Mga?" taka ko pang tanong.
"Kasama si Shanty. Isa rin kasi siyang espesiyal na tao rito sa bahay ampunan." Muntik na akong mapalatak sa aking narinig.
"Matanong ko lamang po, Madre Irene. Ano ba ang ugnayan ninyo kay Shanty at ganoon na lamang siya ka espesiyal?"
Ngumiti naman ito.
"Malaki ang naitulong ni Shanty sa bahay ampunan. Isa siya sa mga taga pagbigay ng malaking penansiyal dito sa Cerine. Tuwing bakasyon ay palagian siyang gumagawi rito kasama ang kaibigang si Jeoffrey. Sa katunayan pa nga niyan ay naghahakot ng iba pang mga may bukal sa loob na magbigay ng kahit anumang tulong itong si Shanty. Kaya ganoon na lamang siya ka importante sa amin."
Nakagat ko ang aking labi. Bigla kong naisip. Naghihirap na ba kami kung kaya hindi na kaya ng pamilya ko ang suportahan ang bahay ampunan?
"Senyorita..." utag nito sa akin.
"Hindi na ba kaya ng pamilya ko ang sustentuhan ang bahay ampunan?" diretsahang wika ko.
"Nako, hindi po iyan totoo senyorita Cereina," sagot nito kasabay ang pag-iling ng kanyang ulo.
"Kayang-kaya po ng pamilya ninyo ang suportahan ang kahit na sino. Iyon nga lang po ay kabilin-bilinan ng inyong inang si senyorita Catherine ay huwag umasa sa inyong ama. Hindi po gusto ng inyon ina na habang buhay na lamang umasa sa iyong ama. Gustong itaguyod ng iyong ina ang bahay ampunan na ito na walang kahit isang piso man lang na galing sa inyong ama. Maging ang bahay na ito ay donasyon din galing sa taong bayan, senyorita Cereina," mahaba niyang paliwanag.
Napangiti ako. Matigas din ang ulo ni ina at walang duda na nagmana nga ako sa kanya.
"Magsisimula na po tayo," anito at iniwan na ako.
Tinungo ko ang upuang nakalagak para sa akin. Bahagyang naliwanagan ang aking isip tungkol sa ugnayan ni Shanty at sa bahay ampunan.
Umayos ako sa pagkakaupo nang may biglang umupo sa aking tabi. Nagtama ang aming mga siko at napabaling ako sa aking tabi.
Napalunok ako nang makita ko ang wala pa ring emosyon na mukha ni Shanty. Tinitigan niya lang din naman ako at itinuon na ang mga mata sa harap ng entablado. Lihim kong nakagat ang aking labi. Alam kong hindi mawaksi sa utak niya ang nakita niya kanina. Malamig din ang kanyang mga kilos. Pahapyaw ko siyang sinulyapan at tumuon ang aking mga mata sa nakabenda niyang kamay— ang palad na nasugatan kanina. Ang isa pa niyang kamao ay namumula rin dahil ito sa pagsuntok niya kanina sa pader. Mariin akong napapikit at napabuga ng hangin. Ang akala ko'y makalulusot na ako kanina ngunit sadyang pinaglalaruan ako ng tadhana. Umiiwas na ako ngunit heto ako ngayon, katabi na naman siya.
"Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin ako sinasagot Cereina," biglang wika niya habang nagsisimula na ang mga bata sa pagkanta. Hindi siya nakatingin sa akin ngunit kita ko naman ang pag-igting ng kanyang mga panga.
"Pakiusap Shanty. Ayaw kong pag-usapan ito."
Napakurap ako nang mabali niya ang hawak niyang lapis sa kanyang kanang kamay.
"Hindi kita titigilan hangga't hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nakita ko kanina," mariin niyang sagot at matalim ako sinulyapan.
Nasapo ko ang aking batok dahil sa pag-usbong ng aking iritasyon. Hindi na ako kumibo pa at itinuon ang aking atensyon sa harap ng entablado. Panandaliang gumaan ang aking pakiramdam sa hindi nito pag-imik.
Umayos naman ito sa pag-upo at muling nagtama ang aming mga siko hanggang sa hindi na ito naghiwalay pa at patuloy na nagkiskisan.
"Nilalamig ka," anito ngunit hindi naman nakatingin sa akin.
Umipod ako ng konti.
"Ayos lang ako," sagot ko.
Hindi ako lamigin. Paano kaya kapag nalaman nitong isa akong bampira? Tatakbo kaya siya? Natawa ako sa aking naisip.
"Hindi mo ako madadala sa pino mong pagtawa," anito dahilan para mamilog ang aking mga mata. Impit kong naitikom ang aking bibig at pinaikot ang aking mga mata. Makulit din siyang nilalang.