IMK-8
"CEREINA?" untag niya sa akin. Tumikhim ako.
"Hindi mo alam ang mga pinagsasabi mo," mariing sagot ko.
Pino naman siyang tumawa at biglang hinapit ang aking baywang. Namilog ang aking mga mata dahil sa pagkabigla sa kanyang ginawa.
Dinig na dinig ko ang malakas na tibok ng kanyang puso.
"Dama mo ba ang kakaibang pintig ng aking puso Cereina? Sa iyo lang iyan kumakabog ng malakas. Alam ko sa sarili ko na hindi basta pagkagusto lang ang nararamdaman ko para sa iyo. Alam kong higit pa roon ngunit gusto ko rin namang kumpirmahin din. Ayaw kong magbitiw ng mga salitang hindi naman ako sigurado sa aking nararamdaman."
Nahigit ko ang aking hininga at agad na umipod.
"Baba!" wika ko na may pag-alsa ng aking boses.
"Ngunit Cereina..."
"Ang sabi ko, baba!" ulit ko.
Alanganin man ngunit bumaba rin naman siya.
"Hayon ang klinika," turo ko pa sa gusali.
"Cereina," pigil niya sa lubid ng aking kabayo.
Mataman ko siyang tinitigan.
"Ikaw na rin ang may sabi Shanty. Hindi ka sigurado sa iyong nararamdaman at ayaw ko nang maulit muli ito. Ayaw ko nang marinig ang mga kahangalan mong pagtatapat sa akin," wika ko at pinatakbo na ang aking kabayo palayo sa kanya.
Habang nasa daan ako'y kusang tumulo ang aking mga luha. Nasasaktan ako at hindi ko alam kung bakit. Unang beses kong makaranas ng ganito. Ako ba'y may gusto na rin sa kanya? Ngunit napaka-imposible! Hindi ako dapat mahulog ng ganoong kaigsing panahon lamang. Isa pa'y mali ang damdamin niya para sa akin. Hindi siya dapat magkagusto sa akin. Sa isang kagaya kong halimaw!
Pinunasan ko ang aking mga luha at tinahak na ang daan pauwi sa aming bahay.
Nang umabot ako sa bukana ng aming bahay ay agad na sumalubong sa akin si ama. Bumaba ako sa aking kabayo at napayuko.
Lumapit siya sa akin at hinaplos ang aking kanang pisngi.
"Ama..." utas ko.
"Bakit ka umiiyak?" tanong niya.
Hindi ko na napigilan ang aking sarili at agad akong yumakap kay ama. Humagulhol ako ng husto. Nagkasala na naman ako kay ama.
"Tumahan ka na. Ayaw kong makita ka ng ina mo na ganito," alo sa akin ni ama habang tinatapik ang aking balikat.
"Nagkasala ako sa iyo ulit ama," pagtatapat ko.
"Alam ko, huwag ka nang makikipagkita sa anak ni Memphis." Mas lalo akong napahagulhol. Tama si ama. Mali ang mapalapit ako kay Shanty. Maling-mali.
INAYOS ko na ang aking sarili at pinunasan ko ang aking mga luha. Sabay na kaming pumasok ni ama sa loob ng bahay. Wala na rin naman siyang iba pang sinabi at tinungo ang sarili naming sili-aklatan. Ako naman ay ibinigay na kay ate Jeorgie ang hinahanap niyang libro.
Hindi na ako nakipagkuwentuhan sa kanila dahil diretso na ako agad sa aking silid at nagkulong. Laging bumabagabag sa akin ang mga damdaming inilahad sa akin ni Shanty.
Nasapo ko ang aking dibdib at noo.
Hindi ako dapat magpaapekto.
NAPATIHAYA ako sa aking kama habang nagbabasa ng aking hawak na libro nang bigla kong marinig ang boses ni Shanty. Agad akong napababa ng aking kama at tumunghay sa bintana. Pumikit ako at pinagana pang lalo ang aking pandinig.
"Cereina," utas nito.
Namilog ang aking mga mata. Nasa burol siya. Nakuyom ko ang aking kamao at tumalon sa bintana. Mabilis akong tumakbo at lumitaw sa burol.
Agad kong nakita ang isang sulo. Dali-dali akong lumapit sa kanya.
"Cereina, pakiusap, magpakita ka naman sa akin," anito at nang makalapit ako'y lumitaw ako sa kanyang harapan. Tinakpan ko ang kanyang bibig at itinapon ang sulong hawak niya. Pinatay ko ang apoy nito. Gulat pa ang kanyang mukha nang makita ako sa kanyang harapan. Lalo pa at kay liwanag ng buwan sa kalangitan.
Umungol siya. Umiling ako. Agad ko siyang hinila papunta sa tulay kung saan siya dumaan upang makapasok sa aming teritoryo.
"Anong ginagawa mo rito!?" mariing tanong ko sa kanya. Inalis niya ang aking kamay.
"Gusto kitang makita. Marami akong gustong sabihin sa iyo," paliwanag niya.
"Hangal ka! Hindi mo alam kung ano ang iyong mga sinasabi! Hindi mo alam kung anong lugar ang pinasok mo! Hindi mo alam kung ano ang puwedeng mangyari sa iyo sa oras na mahuli ka nila! Kabaliwan ang iyong nais Shanty! Umalis ka na at huwag na huwag ka nang babalik dito!"
Marahan ko siyang itinulak at tinalikuran.
"Mahal kita!" sigaw niya dahil para matigilan ako at tumigil din sa paghakbang.
Humarap akong muli sa kanya.
"Tumigil ka na! Hindi mo alam ang pinagsasabi mo!" mariing wika ko at muli siyang tinalikuran. Agad na nag-unahan sa pagbagsak ang mga luha ko sa aking mga mata.
Nasasaktan ako. Nasapo ko ang aking dibdib. Ngunit ganoon na lang ang aking gulat nang kabigin ako ni Shanty at mariing hinalikan ang aking mga labi.
Napasinghap ako. Inilayo niya ang kanyang mga labi sa akin ngunit ang kanyang noo naman ay nakadikit din sa aking noo.
"Mahal kita Cereina. Kahangalan mo mang ituring ito ngunit totoong iniibig kita."
Mariin akong napapikit at lumayo sa kanya.
"Hindi mo ako mahal! Hindi mo ako kilalang lubusan Shanty! Paano mo nasasabi sa aking umiibig ka gayong wala pang isang buwan nang makilala mo ako!"
"Oo! Sabihin na nating wala pang isang buwan kita noong ika'y aking makilala ngunit sapat bang basehan iyon para masabi mong nagsisinungaling lamang ako sa aking nararamdaman? Walang oras, araw at taong pinipili ang pagmamahal Cereina. Nagkukusa ito!" aniya habang itinuturo ang kanyang kaliwang dibdib.
Nakuyom ko ang aking mga kamao.
"Umalis ka na. Pakiusap," umiiyak kong pagmamakaawa sa kanya at muli nang humakbang palayo.
Hindi tama ba ibigin mo ako Shanty dahil ang mundong ginagalawan ko'y hindi mo aakalaing mayroon pa pala sa mundong ito. At iyon ay ang uri namin bilang isang bampira.