IMK-25

3K 107 4
                                    


IMK-25

"HUBARIN mo na iyang mga basa mong damit Shanty," utos ko sa kanya. 

"Ha?" aniya pa habang nakaawang ang kanyang mga labi. 

"Magkakasakit ka kapag hindi mo hinubad iyan. Maari natin iyang isampay dito sa gilid ng tsimenea."

Kumuha ako ng kumot sa loob ng nakatabing malaking baol. Ibinigay ko ito kay Shanty. Ngunit bago pa man niya ito makuha ay nahubad na niya ang kanyang pang-itaas na damit, kasunod ay ang kanyang pantalon, hanggang sa tuluyan na siyang hubad baro sa aking harapan. Nag-iwas ako agad ng aking mga tingin. Kinuha niya sa akin ang kumot at ibinalot sa kanyang katawan. Inabala ko rin ang aking sarili sa pagsampay ng kanyang mga basang damit.

Nang matapos ako'y laking gulat ko nang hilain ako ni Shanty. Nang matumba ako sa kanya ay agad niya akong ikinulong sa kanyang mga bisig habang ang kumot ay nakatapi rin sa akin. Kinuha pa niya ang tsaketang nakapatong sa aking katawan. Ngayon ay damang-dama ko ang init ng kanyang hubad na katawan. 

Isiniksik niya sa aking leeg ang kanyang mukha at hinagkan ang aking leeg. 

"Nilalamig ka?" tanong niya at ipinatong ang kanyang baba sa aking kanang balikat. 

"Hindi naman," sagot ko kasabay nang pag-iling ng aking ulo. 

Hinagkan naman niya ang likod ng aking punong-tainga. 

"Hindi ka ba hahanapin ni aling Nely?" 

Umiling akong muli.

"Nakapagpaalam ako ng maayos. Alam naman no'n kung saan ako hahanapin. Ikaw ang inaalala ko. Baka hinahanap ka na sa bahay ampunan." 

Ginagap naman niya ang aking mga kamay at pinaglaruan ang aking mga daliri. 

"Nagpaalam akong magtutungo sa bayan." Mahina akong napatawa. 

"Nagsinungaling ka sa kanya." Siya naman ang napatawa rin.

"Ayaw ko lang na mag-alala siya. At ayaw ko ring malaman ni Selly ang pagparito ko sa iyo." 

Agad na tumikwas ang aking kaliwang kilay.

"Kinukulit ka pa rin ba ni Selly?"

"Hmm, medyo. Simula kasi nang makita ka niya ay panay na ang pangungulit niya kay Jeoffrey na pauwiin ako sa bahay namin." Umigting ang aking panga. 

"Hindi mo kailangan makaramdam ng selos, mahal ko. Ikaw ang itinitibok nitong puso ko kahit ano pa ang mangyari." 

Isiniksik ko ng todo ang aking katawan sa kanya at nahilig sa kanyang kaliwang braso.

"Alam ko," sagot ko na lamang kahit na ang totoo'y gigil na gigil ako sa aking narinig. 

NAGKUNWARI akong nakatulog sa bisig ni Shanty. Maglatabi kami sa sahig habang parehong nakabalot ang aming mga katawan sa makapal na kumot. Rinig ko ang banayad na paghinga niya. Nang tingalain ko siya'y mahimbing na nga ang kanyang tulog. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha. Saka ko napagtantong hindi niya kamukha o kahit saang anggulo ay hindi ko makita si Ginoong Memphis sa kanya. Marahil ay mana siya sa kanyang ina. 

Dahan-dahan akong gumalaw upang umalis sa kanyang tabi. Naglagay ako muli ng panggatong sa tsimenea upang hindi mamatay ang apoy. Kinuha ko ang aking damit at isinuot ito. Tuyo na rin ang mga damit ni Shanty kaya tinupi ko na lamang ito at itinabi. 

Napasulyap ako sa kanyang suot na relo. Pasado alas tres na ng madaling araw. 

Nang akmang tatabi muli ako kay Shanty ay napatigil ako.

Agad akong nawala sa loob ng bahay at nang tumunghay ako'y kaharap ko na sa labas ang aking pinsang si Arthyseuos Ynue. 

"Kailan ka pa natutong magsinungaling sa akin?" aniya.

Nakuyom ko ang aking mga kamao. 

"Hindi ko kailangang magpaliwanag sa iyo." 

"Alam ko pero kailangan kong makialam. Layuan mo ang lalaking iyan Cereina." 

Nagsalubong ang aking mga kilay. 

"Pati ba naman ikaw!?" 

"Hindi mo ako naiintindihan."

"Puwes ipaintindi mo sa akin! Dahil hindi ko na maintindihan! Ikaw, si ama at si ina. Bakit? Ano ba ang alam niyo na hindi ko alam?" pagpupuyos ng aking kalooban.

Tiim bagang naman siyang napatitig sa akin. 

"Ayaw lang namin na masaktan ka." 

Napatawa ako.

"Sakit? Anong sakit ba ang pinagsasabi mo? Sama ng loob ang nararamdaman ko dahil hindi ko maintindihan kung bakit pilit ninyo akong inilalayo kay Shanty! Mahal ko siya. Bakit ayaw niyong maging masaya para sa akin? Alam mong buong buhay akong nakakulong dito sa loob! Ni hindi ko man lang naranasan ang mga naranasan mo sa labas ng malaking bakod na 'yon! Ni hindi ko man lang naranasang makalabas ng isla Bakunawa! Bakit!?" umiiyak kong sumbat sa kanya.

Humugot naman siya ng mamalim na hininga. 

"Hahayaan kita sa anumang nais mong gustuhin. Pero ito lang ang masasabi ko sa iyo Cereina. Pinagsabihan na kita. Hindi ako nagkulang. Hindi ako ang kaaway mo Cereina, ang iyong ama," aniya at humakbang palapit sa akin upang hagkan ang aking noo bago tuluyang nawala sa aking harapan. 

Napaluhod akong diretso at walang ampat sa pagtulo ang aking mga luha.

Tama ang pinsan ko. Manganganib si Shanty sa oras na bumalik dito sila ama at ina. Nakuyom ko ang aking mga kamao. Bumalik na ako sa loob. Tumabi na ako kay Shanty at humilig sa kanyang kaliwang braso. Lihim pa rin akong umiiyak habang hinahaplos ang maamong mukha ni Shanty. 

"Gagawin ko ang lahat, mailigtas lamang kita mula kay ama at sa lahat nang hahadlang sa ating dalawa. Pangako."

Hinagkan ko ang kanyang labi at yumakap sa kanya. Naramdaman ko naman ang kanyang paggalaw at yumakap sa aking baywang. 

Dinig na dinig ko ang tibok ng kanyang puso. Mariin akong napapikit. Dinarasal ko na sana'y mahanap na ni ama ang lunas sa isinumpang ritwal na ipinataw sa akin noon ni Akesha. 

I'M HIS KNIGHT [Zoldic Legacy Book 7]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon