IMK-31
Pasuray-suray ang aking paghakbang. Uhaw na uhaw na ako kasabay ang pamimilipit sa sakit ng aking sikmura. Habol ko pa rin ang aking hininga. Ang dami kong naririnig sa aking paligid. Alam ko pa kung ano ang aking ginagawa ngunit may sariling utak ang aking katawan. Para akong isang kawatan na nakamasid sa buong paligid. Tuyong-tuyo na ang aking lalamunan.
Napasandal ako sa isang bahay na aking nahintuan. Nang makarinig ako ng asong tahol nang tahol. Napalunok ako at agad na napatayo. Hinanap ko agad ang maingay na nilalang na iyon.
"H-hindi..." utas ko ngunit patuloy sa paghakbang ang aking mga paa. Hanggang sa madatnan ko ang asong nakatali sa kabilang bahay. Walang pag-aatubili ko itong sinunggaban at kinagat ang leeg nito. Halos mangisay ito at umungol hanggang sa tuluyan ko itong mapatay dahil sa pag-ubos ko ng kanyang dugo.
Napasinghap ako nang mahimasmasan ang aking matinding pagkauhaw. At agad akong natauhan sa aking nagawa. Nangingnig akong lumayo sa patay na hayop na aking nilantakan kanina lamang. Nag-unahan sa pagtulo ang aking mga luha habang pinagmamasdan ang aking mga kamay na punong-puno ng dugo. Maging ang aking mukha at dibdib ay ganoon din. Napatayo ako. Hindi pa rin bumabalik sa dati ang aking anyo ngunit bahagya nang kumalma ang aking sarili sa matinding pagkauhaw.
"Cereina, kanina pa kita hinahanap? Anong ginagawa mo rito?" Natigilan ako at nanigas ang aking leeg dahil sa aking narinig.
Akmang maglalaho sana ako ngunit nahapigilan ni Shanty ang aking kanang braso at diretso akong iniharap sa kanya. Napakurap siya ng ilang beses at halos mamutla ang kanyang mukha. Ramdam ko ang biglaang panlalamig ng kanyang mga palad na nakahawak sa aking magkabilang braso. Napalunok ako. Dahan-dahan niyang nilingon ang hayop na napatay ko habang wala na itong buhay at duguan.
"S-shanty..." utas ko at napapikit ng mariin. Hinihintay kong katakutan niya ako at layuan. Patuloy pa rin sa pagbagsak ang aking mga luha nang maramdaman ko ang pagpatong ng isang tela sa aking likuran. Nang magdilat ako ay ang tsaketa ni Shanty ang nakabalot sa akin. Kinuha niya pa ang patay na hayop at hinila ako palayo sa lugar.
Nang nasa liblib na kami'y nagawa niya pang ilibing ang asong napatay ko. Hinila niya ako muli at huminto nang matapat kami sa ilog na kumukunekto sa aming tagong hardin.
Tinanggal niya ang tsaketa sa akin at hinila akong muli upang mailublob ang aking sarili sa tubig ilog. Hanggang baywang lang namin ito at may mga bato rin kaming naaapakan.
Kinuha niya ang dalawa kong kamay at binasa niya ito ng tubig. Pilit niyang tinatanggal ang mga natuyong dugo sa aking mga kamay.
"S-shanty..." wika kong muli.
"Ssh! Walang nakakita sa ginawa mo. Huwag kang mag-alala mahal ko," aniya habang nanginginig ang kanyang mga boses.
"H-halimaw ako," umiiyak kong wika. Napatigil siya at napayuko, kasunod ay ang pagyugyog ng kanyang dalawang balikat.
"Hindi totoo iyan!" galit niyang bulyaw sa akin at nang makita ko ang kanyang mukha ay sunod-sunod na ang kanyang pagluha.
"Halimaw ako," ulit ko.
Mas lalo siyang umiyak ng todo habang mahigpit na hawak ang aking magkabilang balikat.
"Ayaw kong maniwala! Hindi totoo iyan! Normal ka!" giit niya. Umiling-iling ako.
"Pakiusap Cereina! Magsinungaling ka ulit sa akin! Sabihin mo sa aking guni-guni ko lamang ang nakita ko ngayon gabi! Pakiusap mahal ko! Sabihin mo sa akin na hindi totoo ang pagbabago mong ito ngayon. Na pawang imahinasyon ko lamang ang lahat. Ang pagkahulog mo mula sa bobong ng bahay ampunan, ang pagligtas mo sa akin noong aksidente akong nahulugan ng bakal sa himnasyo. Ito pagbabago ng kulay ng iyong mga buhok. Iyong pagpatay mo sa malaking lobo noong pinuntahan kita sa inyo. Sabihin mo sa akin na guni-guni ko lang lahat ng iyon! Na lahat ay isang bangungot lang!" aniya habang niyuyugyog ang aking magkabilang balikat.
Nakagat ko ang aking labi at mapait na napangiti. Kung ganoon ay matagal na niyang napupuna ang kakaibang mga bagay sa akin.
"Totoo lahat iyon Shanty." Siya naman ang umiling.
"Hindi ka katulad ng amain ko! Hindi totoo iyan!"
Mariin akong napapikit at pinahiran ang mga luha ko sa mata kahit walang ampat pa rin ito sa pagtulo.
"Kulay pula ang aking mga mata, kulay puti ang aking mga buhok at dugo ang bumubuhay sa akin. Isa akong bampira Shanty. At hindi na mababago iyon kahit magsinungaling pa ako sa iyo."
Nasapo niya ang kanyang noo at halos pigain niya ang kanyang batok.
"Hindi ka ba natatakot? Baka masaktan kita..."
Bumaling naman siya sa akin at lumapit. Napaatras ako ngunit maagap niyang naikulong sa kanyang mga bisig ang aking baywang. Gumapang naman ang isa niyang kamay sa aking kaliwang pisngi.
"Alam mo ba kung saan ako natatakot? Natatakot ako na baka mawala ka sa akin. Natatakot ako na baka hindi ko kayang makipagsabayan sa iyo kapag tumanda na ako. Natatakot akong mawala sa mundo na hindi ka makakasama ng matagal. Kahit alam kong may hinala na ako kung ano ka'y nanatiling tikom ang aking bibig dahil takot akong layuan mo ako. At masasaktan lang ako Cereina kapag nawala ka sa akin. Tanggap ko kung ano ka. Ang hindi ko matanggap ay ang maikling buhay na mayroon ako. Hindi ko kaya na wala ka. Hindi ko kaya," aniya at mahigpit akong niyakap. Nakaawang lamang ang aking bibig habang patuloy sa pagbagsak ang aking mga luha. Hindi ko inaasahang maririnig ko iyon mula mismo sa kanya. At walang pagsidlan ang aking matinding saya dahil doon. Marahan akong gumalaw at yumapos din sa kanya. Lumuwag naman ang kanyang pagkakayakap at ako'y kanyang hinagkan. Buong pagnanasa ko itong tinugon at walang sawang dinama ang matinding init ng kanyang pagmamahal para sa akin.
![](https://img.wattpad.com/cover/77750852-288-k940401.jpg)