Nasa dalampasigan si Aliah at mag-isang naglalakad habang marahang tinatangay ng hangin ang ilang hibla ng buhok niya. Napakagandang pagmasdan ng langit at nang payapang karagatan habang nag-aawitan ang iba’t ibang klaseng mga ibon na nasa kakahuyan.
Malapit na niyang marating ang dulo ng aplaya nang mamataan niya ang isang malaking bato. Hindi sila doon nagtayo ng kubo ni Yuri pero parang may kung anong enerhiya na humihila sa kanya kaya inihakbang pa niya ang mga paa papunta sa malaking bato.
At ganoon na lang ang takot niya nang makita niya ang Tita Alison niya na nakahandusay sa buhanginan at parang inaatake sa puso. Hawak- hawak ng tita niya ang puso nito at parang naghahabol ng hininga habang nakasandal sa malaking bato.
Paano nangyaring napunta rin sa islang iyon ang tita Alison niya?
“Tita! Tita!” nagpa-panic na sigaw niya habang tumatakbo palapit sa tita niya para saklolohan ito. Pero kung kailan gahibla na lang ang layo niya sa tita niya ay saka naman siya bumangga sa tila malaking salamin kung kaya tumalsik siya sa buhanginan dala ng enerhiya na nagmumula sa salaming iyon na naghihiwalay sa kanya at sa tita niya.
Muli siyang tumayo at lumapit sa parteng iyon kung saan tila may salamin na nakaharang sa kanya papunta sa tita niya.
Gamit ang isang daliri ay dinutdot niya ang salamin na iyon at nakita niya kung paanong nagliwanag ang kamay niya nang tumama iyon sa salamin na may malakas na enerhiya.
Nang makita niya ang Tita Alison niya na halos mawalan na ng malay dahil sa kawalan ng hangin ay itinuon niya ang pansin sa salamin.
Inilapat niya ang dalawang palad sa malaking salamin at nakita niyang umilaw ang mga iyon na para bang hinihigop ng salamin ang enerhiya na nagmumula sa katawan niya. Nakita at narinig niyang lumagutok ang salamin. Nagkaroon iyon ng crack at kung pag-iigihan lang niya, sigurado siyang mababasag niya ang salaaming iyon gamit ang mga palad niya.
Ang isang crack sa salamin ay dumami nang dumami pero nararamdaman niyang malapit na ring bumigay ang katawan niya. Nanghihina na siya.
“Tita, I’ll gonna save you.”
Pero sa pagkabasag ng salamin ay sumabog naman ang napakatingkad na liwanag. Itinakip niya ang mga braso sa kamay at saka isinigaw ang pangalan ng Tita Alison niya. "Tita Alison!"
Mayamaya ay nawala ang matingkad na liwanag at naramdaman niyang may yumugyog sa magkabilang balikat niya. Pagdilat niya ng mga mata ay nakita niya si Yuri na nag-aalalang nakatitig sa kanya.
“Nanaginip ka na naman.”
BINABASA MO ANG
Dream Catcher [ROMANCE/FANTASY]
FantasyThis story is now published under VIVA Psicom Publishing Inc. Now available in all leading bookstores nationwide for only 175 pesos. Hope you guys could grab a copy. Thank you. :)