TAHIMIK NA PUMASOK NG MANSION SI ALYANNA. Kagagaling lamang nila ni Christina mula sa libing ng kanilang mga magulang. Iginala niya ang paningin sa maluwag na sala, batid niyang nagbago ang pwesto ng ilang kagamitan at tila may kulang sa mga ito na hindi niya maisip kung ano.
Hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari ilang gabi na ang nakakalipas. Ang tanging huli niyang natatandaan ay masaya niyang ipinikit ang mga mata ng makaupo sa loob ng kotse sa tabi ng Papa niya. At ng idilat niya ang mga mata ay nakahiga na siya sa isang hindi kalambutang puting kama habang masakit ang buong katawan pati na ang kanyang mukha. Kasunod niyon ay ang masaklap na balitang tila bangungot para sa kanya.
Nahulog ang kotseng kanilang kinalulunan sa tulay na nagdudugtong sa bayan ng Indang at barrio ng Banaba Cerca. Sa kasamaang palad ay kaagad daw na binawian ng buhay ang kanyang mga magulang dahil sa aksidente. Ang sabi sa kanya ng doktor ay napaksewerte niya at nakaligtas siya mula sa aksidente lalo na at unahan ng kotse ang unang bumagsak sa ilalim ng tulay na pulos tulisan ang mga malalaking bato. Halos hindi na nga niya makilala ang mukha ng Papa niya ng makita niya ito sa sobrang dami ng tinamong sugat na kinailangan pang tahiin ang iba.
"Pumanhik ka na sa silid mo Alyanna at ipagtitimpla lamang kita ng gatas," utos ni Christina. Bakas pa sa katawan nito at mukha ang ilang galos at pasa.
Muli ay tahimk siyang tumalima ditto at naglakad na patungong hagdan upang pumanhik sa silid. Malamig na hangin ang humalik sa kanyang magkabilang pisngi ng buksan niya ang pinto at ihakbang ang mga paa papasok. Pati ang mga gamit sa loob ng silid ay tila nagbago rin ang ayos at may ilang gamit na nawawala. Malamang ay si Christina na ang nag-ayos at naglinis ng buong mansion ng makauwi ito ilang araw bago ang libing.
Umupo siya sa gilid ng nilapitang malaking kama. Isang buntong hininga ang kanyang binitawan kasunod ang paglandas ng luha sa kanyang magkabilang pisngi. Rumehistro sa kanyang isipan ang mga pangyayari kanina sa libing. Hindi magkamayaw sa dami ng tao na karamihan ay natulungan ng kanyang Papa at ang ilan ay malalapit na kaibigan ng kanyang Mama. Ngunit nais ikasama ng loob niya ang hindi pagpunta ni Leandro. Sa loob ng halos tatlong linggong lumipas ay hindi niya naramdaman ang presensya nito.
"Umiiyak ka na naman."
Ramdam niya ang hapdi at gaspang ng mabilis na pinunasan ang magkabilang pisngi gamit ang likod ng mga palad. Nangako kasi siya sa kapatid na hindi na muling malulungkot o iiyak.
Ipinatong nito sa ibabaw ng lamesitang katabi ng kama niya ang hawak na baso ng gatas at kinuha ang suklay mula sa kalapit na tokador. Sinimulan nitong suklayin ang buhok niya.
"Nasa tamang edad na ako kaya't simula ngayon ay ako na ang mamamahala sa ilang negosyong naiwan ni Papa," ani Christina. Ibinalik nito ang suklay na ginamit mula sa kinuhanan bago ikinulong sa mga palad ang magkabilang pisngi ng kapatid. "Simula ngayon ay ako na nag tatayong mga magulang mo, Alyanna. Tayong dalawa na lamang ang magkasama kaya't kailangan mong magpakatatag."
Tuluyan na niyang hindi napigilan ang muling paglandas ng mga luha at niyakap ng mahigpit si Christina. "A-ate..."
"Tahan na... Hindi ba't nangako kang hindi ka na muling iiyak pa?" anitong habang marahang hinahagod ang likod ng kapatid. "Kinausap ko na rin ang eskwelahan natin. Ipinaalam ko sa kanilang nais ko na lamang kumuha ng pribadong guro upang dito ka sa bahay makapagpatuloy ng pag-aaral."
Hindi niya inaasahan ang sinabing iyon ni Christina kaya't bigla siyang kumalas sa pagkakayakap at tumingin dito ng may pagtataka. "Dito ako mag-aaral sa loob ng mansion?"
"Oo, Alyanna." Inabot nito ang suklay at muling sinuklay ang buhok niya. "Kumuha na ako ng pribadong guro na magtuturo sa iyo kaya't hindi ka na babalik pa sa eskwelahan."
BINABASA MO ANG
Salamin (Published Under VIVA-Psicom and Featured as TV MOVIE at TV5)
HorrorIsang malaki, luma at sunog na mansion, magkapatid na mangkukulam, sumpa ng dalawang salamin at lihim ng nakaraan. Paano itomauugnay sa buhay ng magkakaibigang Irish, Jen at Laila? Paano nito babaguhin ang buhay ni Alexa? At ano ang kaugnayan ni Raf...