MALALIM NA ANG GABI ngunit hindi pa din humihinto sa pag-inom ng alak si Leandro,. Ipinuslit niya iyon ng palihim mula sa taguan ng mga alak ng kanyang ama. Nagkataon naman na nasa bayan ang kanyang mga magulang kaya siya lamang ang tao ngayon sa kanilang bahay.
Ipinikit niya ang kanyang mga mata kasunod ang pagbitaw ng isang malalim na buntong hininga. Nag-umpisa na naman niyang maalala ang mga nangyari kanina sa eskwelahan.
'H-hindi ako isang mangkukulam. Hindi ako mangkukulam L-leandro...'
Mula sa dilim ay unti-unti niyang nasilayan ang mukha ni Alyanna. Nakikiusap. Umiiyak.
Hindi na lingid sa kaalaman ng karamihan an kanyang espesyal na pagtingin para sa dalaga at kahit ang kanyang panunuyo dito. Ngunit tila nagbago ang lahat ng maaksidente ito kasama ang buong pamilya ng pauwi galing sa bayan. Kasunod kasi niyon ay ang pagkalat ng tsismis tungkol sa pamilya nito. Mula daw sa isa pamilya ng mangkukulam si aling Dimitria . Matagal na niya iyong naririnig ngunit hindi niya inaalintana. Sino ba naman kasi ang mag-aakalang totoo iyon sa kabila ng kagandahan nitong taglay at ng mga anak nito. Lalo na si Alyanna. Namumukod tangi ang kagandahan nito sa buong eskwelahan nila na tila ba walang sinoman ang may kakayahan na makapantay.
At kaninang umaga bago pa man sila magkausap ni Alyanna ay nilapitan na siya ni Miranda. Sinabi nito na pumasok na si Alyanna pati ang tsismis na nagtattaglay na raw nito ang itim na kapangyarihan ni aling Dimitria kaya nag-iba ang hitsura. Kaya ng makita niya ang dalaga ay may dalawang bagay ang kaagad na nagtalo sa kanyang damdamin. Ang natatangi niyang pagsinta dito at ang pagkahindik sa hitsura nito. Wala ng kabakas-bakas ng kahit na anong ganda ang mukha ng dalaga. Mula sa makinis na mukha at mapupulang mga labi ay ang pagkakaron ng mga tahi at pilat. Mga natuyong sugat na tila hindi na maghihilom pa.
Isang mas malalim na buntong hininga ang kanyang muling binitawan. Nais naman talagang niyang lapitan si Alyanna at tulungan ito, ngunit naunahan siya ng takot. Takot na makantyawan ng kanyang mga kasama kaya't hindi na siya nakatanggi pa ng magsalita si Miranda at nagpanggap na kanyang nobya.
"Sana ay mapatawad mo pa ako," bulong niya at ininom ng diretso ang alak na nasa baso na kanyang hawak. Tumayo na siya ng matapos at sinimulang ligpitin ang kanyang mga kalat. "Aray ko po!" sambit niya ng biglang mahilo at matumba sa kahoy na sahig. Kasunod niyon ay ang pagsuka ng walang tigil. Pakiramdam niya ay nalabas na niya halos lahat ng kanyang kinain sa buong araw. Ngunit ilang saglit pa ay nanlaki ang kanyang mga mata ng may mapansin sa kanyang mga isinuka. May gumagalaw-galaw doon na kung ano.
"A-ano ito? M-mga uod?!"
***
***
"KULAM... Nasa ilalim ng isang kulam ang inyong anak. Kaya marahil ay hindi maipaliwanag ng ibang manggagamot ang kanyang sakit..."
Nanlaki ang mga mata ni aling Mameng sa narinig na iyon mula sa matandang albularyo na si tata Ben. Noong isang araw ay dinala na niya ang kanyang anak sa isang espesyalista. Ngunit hindi nga nito maipaliwanag ang mga bukol at nana na tumutubo sa katawan ng kanyang anak at ang pagsusuka nito ng mga malagkit na kulay berde.
"D-d'yos ko! Ngunit sino naman ang kukulam sa kanya?! Napakabait na bata ang aking anak!"
"A-ang pangit na si Alyanna!"
Sabay halos silang napalingon sa dalaga na hirap ng bumangon mula sa kinahihigaan na katre. Puno na ng nana ang balat nito na halos pati ang buong mukha ay nagkaroon na din kaya't hirap ng ibuka ang mga labi.
"S-si Alyanna? Ang mabait na anak ng nasirang sina doktor Fernando at Dimitria?" naguguluhang muling tanong niya.
"Opo ina! H-hindi siya mabait! Galit siya sa akin dahil ako ang gusto ni Leandro! Ang ang pinili ni Leandro!" halos pumutok ang malilit at magkakadikit na nana sa may tabi ng labi nito na dahilan upang lumabas ang manila-nilaw na malagkit na likido.
BINABASA MO ANG
Salamin (Published Under VIVA-Psicom and Featured as TV MOVIE at TV5)
HorrorIsang malaki, luma at sunog na mansion, magkapatid na mangkukulam, sumpa ng dalawang salamin at lihim ng nakaraan. Paano itomauugnay sa buhay ng magkakaibigang Irish, Jen at Laila? Paano nito babaguhin ang buhay ni Alexa? At ano ang kaugnayan ni Raf...